Bandilang Pula

Panawagan

Pebrero 1971


Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.


Ang makasaysayang digmaan sa Diliman ay bahagi ng patuloy na rebolusyonaryong pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino laban sa mga puwersang mapang-api at mapaniil. Ipinamalas ng rebolusyonaryong pagkakaisa ng libo-libong estudyante ng Pamantasang Pilipinas, kasama ang mga progresibong guro, manggagawa, empleyado at iba pang nakatira sa pamantasan, na hindi kailanman maipagtatagumpay ng mga bandidong grupo ng pamahalaang Marcos ang kanilang misyong wasakin ang kalayaang pang-akademiya ng isang paaralang laging nakahanda upang ipagtanggol ang interes ng masang Pilipino.

Ang nakaraang limang araw ay puspos ng kagitingang sa larangan ng pakikidigma. Ang mga barikadang pansamantalang winasak ay muling itinayo bilang sagisag ng hindi magdgupong pagkakaisa ng mga inaaping tsuper, estudyante, mandaragat, at iba pang progresibong mamamayan na ngayon ay matibay na kunmakalaban sa pagtaas ng presyo ng halos lahat ng produkto ng langis at gasolina. Maliwanag na kapag nangyari ang ibig ni G. Ferdinand Marcos, pangunahing tagapagtanggol ng kasakiman ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano na may ari ng industriya ng langis at gasolina sa ating bansa, tayo pong lahat ay magiging biktima ng hindi mapipigilang pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin. Dahil po rito, kinakailangang tayo’y magkaisa.

Isa nang estudyante ng U.P. si kasamang Pastor Mesina ang nagbuwis ng buhay. Marami ang nagpapasan ng sugat at kasakitan na idinulot ng pinakamadugong pagsalakay ng mersenaryong puersa ng Metrocom at Quezon City Police. Nguni’t sa halip na magupo, ang mga estudyante, sampu ng mga iba pang progresibong sector sa pamantasan, ay lalong nagsumiklab sa kanilang makatarungang pakikidigma.

Patuloy ang aklasan sa pamantasan. Matibay na nakatayo ang mga barikada bilang paghahanda. Ang mga pa-traidor na pagsalakay at pamamaril ng mga armadong tropa ng administrasyong Marcos ay matagumpay na sinasagot ng mga magigiting na estudyante at guro.

Dahil dito, minarapat po naming humingi ng inyong pakikipagtulungan. Ano pong bagay na inyong maidudulot, katulad ng pagkain o sentimo, ay lubos na makakatulong sa ating ipinaglalaban. Kung hindi po kalabisan, anumang tulong na inyong makakaya ay maaaring ipadala sa Central Headquarters sa Kamia Residence Reception Hall sa loob ng campus.

Kung tayo’y hindi kikilos, sino ang kikilos Kung tayo’y hindi gagawa, sino ang gagawa? Tanging sa pagkakaisa lamang nating lahat maipatatagumpay ang ating adhikaing mapalaya at mapabuti, sa wakas, ang ating inang-bayan. Tanging sa tuwirang pakikipagtulungang lamang nating lahat makakamit ang ating pangkalahatang pambansang demokratikong simulain. Marami pong salamat.