Bandilang Pula

Ang Depensa Ng Diliman: Pananaw Militar

Pebrero 1971


Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.


DIGMAAN NG KULTURA

Unang-una, ang Digmaan ng UP ay labanan sa larangan ng kaisipan, o ng kultura. Ang tunggalian sa larangan ng militarya ay bilang suporta at nagsasalamin lamang sa lalong mahalagang digmaan sa larangan ng kultura.

Kung ninais man ng pasistang puwersa ng Estado na talagang pasukin ang ating campus ay madali nilang nagawa ito. Maaari silang magdala ng tangke, kanyon, mortar, armalite, Uzi, bomba at iba pang mga sandatang hindi natatanganan ng mga estudyante at marahas na ipuwersa ang kanilang sarili sa Pamantasan. Ang reaksiyonaryong Estado, gaano man ka-krudong mag-isip, ay alain na kung gagawin nila ito ay lilikha lamang sila ng napakaraming kaaway. Sa pangmatagalan, ito’y magpapabilis ng Pambansang Demokratikong Rebolusyon. Bagama’t sa direksiyon ng pag-iisip ng reaksiyonaryong pamahalaan, ang araw na ito’y napipinto dahil na rin sa patuloy na paglakas ng kilusan sa loob ng pamantasan.

Sa panig naman ng mga mag-aaral at ibang progresibo alam nila na mahirap ibagsak ang Estado sa mga siyudad — di-tulad ng pag-grupo ng Bagong Hukbong Bayan sa mga bayarang PC at BSDU.

Kahit na umiral ang kaisipang militarya, dahil na rin sa pangmadaliang pangangailangang ipagtanggol hanggangang Pamantasan sa harap ng halos araw-araw na atake, marami ang nakatanawna ang digmaan sa UP ay hindi ang Pambansang Demokratikong Rebolusyon. Ang Komunidad ng Diliman ay isa lamang malakas na base ng Himagsikang Pang-kultura.

ANG DAHAS

Ang dahas ay ginagamit ng Estado upang supilin ang mga demokratikong karapatan ng mga progresibong mamamayan. Sa dahilang ang mga demokratikong karapatan lamang ang magagamit ng taong bayan upang tuligsain ang naghaharing uri at upang paitaali nng mga makabagong kaisipan, ang Estado bilang instrumento ng naghaharing uri, ay determinadong yurakan ito sukdang gumamit ng dahas, sukdang kumitil ng buhay. Sa lipunang may deretsohang tunggalian ng puwersa ng mga nagsasamantala at ang mga pinagsasamantalahan, ang Estado ay laging instrumento ng mga naghaharing uri.

Dahil sa ang kasalukuyang Estado ay hindi kumakatig sa panig ng mga mag-aaral na siyang kumakatawan sa interes ng mga taong bayan, ito’y hindi maaaring madaan sa pakiusap kailan pa man. Ang kasalukuyang krisis ng lipunan ay naging sanhi na tuluyang pagbunyag sa tunay na katangian ng Estado bilang marahas at doble-karang instrumento ng naghaharing uri.

Sa digmaan ng UP, ang mga alagad ng Estado ay gumamii ng tear gas, truncheon, pistol, armalite, at carbine upang pigilin ang epektibong paglalantad ng mga mag-aaral at ibang progresibong uri ng kasamaan ng Imperyalismong Amerikano at ang pagkapapet ng Estadong pinamumunuan ni Marcos.

Ang mga mag-aaral ay hindi gagamit ng dahas kung hindi kinakailangan. Ito’y gagamitin lamang upang ipagtanggol ng kanilang sarili at ang kanilang mga demokratikong karapatan na siyang tanging pamamaraan upang magampanan nila ang pangunahing tungkuling ilantad sa taong bayan ang tunay na kalagayan ng bayan. Ang pagsuko ay pagtaksil na rin sa bayan. Ang pasistang dahas ay sinasagot ng rebolusyonaryong dahas sa mga siyudad hindi bilang huling paglalaban (hindi pa) kundi bilang pagtatanggol ng mga demokratikong karapatan hanggang sa makakayanan.

ANG PAGTATANGGOL SA LARANGAN NG MILITARYA

Ang depensa ng Diliman, ay hindi bunga ng isang pangmatagalang pagpaplano kundi bilang panandalian pagtugon sa di man inaasahang pananalakay ng puwersa ng Estado. Ang pagpaplano ay naisagawa lamang ng maayos noong mga huling araw. Maging ang pang-maramihang paghahanda ng pillbox at Molotov ay ginawa mismo noong panahon ng mainit na pagtutunggali. Ang pagbubuo ng mga iba’t ibang units ay natupad din noong malapit ng wakasan ang Diliman Commune.

Noong Pebrero 1, iilan lamang ang may dala ng pillbox bilang paghahanda sa anumang maaaring mangyari. Ito’y nagamit upang pigilin sumandali ang walang pakundangang pamamaril ng UP Security Force at upang bigyan ng pagkakataong makadapa, makapagtago o makatakbo ang mga estudyante. Nang sumalakay ang QCPD at Metrocom sa University Avenue noong hapon, wala man halos magawa ang mga mag-aaral kundi magbigay ng gabay upang maiwasan ang madaliang pag-disperse. Pinagsabihan ang mga mag-aaral na huwag hihiwalay sa grupo sakaling sumugod ang mga pasista, at huwag tatakbo sa unang putok. Ang mga nahihiwalay ay walang kalaban-laban kapag inabutan ng pulis. Siguradong siya’y pupukpukin ng batuta o ng dulo ng baril. Ang madaliang pagtakbo naman ay magpapadali ng paghihiwalay at magpapalakas lamang ng walang batayang takot.

Ang mga pulis ay gumagamit ng tear gas upang mahirapang lumakbo ang mga nagbabarikada at madali nilang naabutan ang mga ito, batutain at dalhin sa presinto. Dahil sa kakulangan sa paghahanda, ang mga mag-aaral na nakakaalam ay pinagsabihan ang ibang magbasa ng kanilang mga panyo upang itakip sa kanilang ilong at bibig. Ang ibang napatakbo sa bukid patungong Vet Med, sa kasamaang palad ay inabutan ng husto ng tear gas dahil sa ang hangin ay patungo sa garioong direksiyon. Ang ilan ay nakapagbasa ng panyo sa kanal.

Noong Martes ay naging mas malawak ang preparasyon dahil sa karanasan noong nakaraang araw.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang marami ay natutong humawak at maghagis ng pillbox. Ang ilan ay natutong maghagis pabalik ng teargas sa mga pulis, na sa pagkakataong iyon ay minalas sapagkat ang hangin ay papunta sa kanila. Naka gas-mask nga lang sila.

Nang dumating ang mga pulis, nagumpisang magbasa ng panyo ang mga estudyante. Noong unang putok, sila’y hindi nagtakbuhan. Ang pag-urong ay nagawa ng dahan-dahan at ng may-laban.

Dumating ang “reinforcements” ng Metrocom na may dalang mga sasakyan. Ang ginawa ng mga mag-aaral ay hinalangan ang daan ng ilang linya ng barikada ng bato. Ang kalye ay binasa ng kaunting tubig upang ang epekto ng teargas ay aiabawasan. Bilang psy-war, sinabi ng malakasan na ito’y gasolina. Gumawa ng linya ang mga mag-aaral sa unang pagkakataon upang ang pagpukol ng mga bato ay magkaroon ng “sistema.” Parang “sine”, wika ng isa.

Nguni’t ang mga pasista na utak bulate ay natuto rin. Sila’y dumaan sa golf course upang iwasan ang putok ng pillbox, ba damo’y hindi puputok ang mga ito. Maging ang kanilang sasakyan na “moke” ay dinaan nila sa damo.

Lubhang malakas ang kalaban, at sila’y nagpaputok ng baril, kung kaya’t napilitang umatras ang mga mag-aaral sa pangalawang matatag na linya ng mga barikada sa gitna ng faculty center at AS. Nagtayo pa ng ilang mga barikada sa paligid ng AS. Ang mga silya, mesa, blackboard ay madaliang ibinaba upang magagamit na barikada. Hindi tulad ng pagsabi na ang mga ito ay “symbolic”, ang mga barikada ay maaaring pagkublihan at makaantala sa pagsulong ng mga pasista. Maaari rin itong sindihan kung malapit na ang mga bayarang sundalo at pulis. Ang mga taga-Narra, Ilang-ilang, Molave, Sampaguita at Kamia ay nagtayo rin ng mga barikada.

Madaling nagpunta ang mga mag-aaral sa itaas ng AS at Eng’g upang magmasid at upang magpukol ng pillbox at Molotov kung saka-sakaling ang mga tuta ay magdaan sa aspalto. Ang nasa Eng’g sa katunayan, ay muntik ng makasapul ng isang trak ng Metrocom noong araw na iyon.

Ang mga taga-masid naman ng Metrocom ay nasa helicopter na noong araw na iyon ay muntik na ring abutan ng bato mula sa may bandilang pula sa itaas ng AS. Ang helicopter ay naging mahalaga sa kanila noon, kung kaya’t nakita nila na ang pinakamahinang barikada ay ang nasa Area 14. Napansin rin siguro nila na maaari ng lumusob mula sa mga bahay na lugal na iyon. Nguni’t bago nila napabagsak ang barikada, nagkaroon ng ilang pillbox na pu mutok. At kinailangan nilang gumamit ng Armalite, na ibang-iba ang tunog sa carbine, upang mapaghiwa-hiwalay ang estudyante.

Noong Martes nagumpisang gumawa ng pillbox at molotov ng pangmaramihan at sentralisado. Ang dalawang drum ng krudo na nasa loob ng Pamantasan, mga makapal na bote ng Coke at kurtina sa AS ay nagawang Molotov. Sa sama-samang gawa ay nagkaroon ng sentro ang mga armas na ipinamamahagi sa mga “sundalo.” Marami rin dahil sa ito’y una nilang karanasan ang pukol lang ng pukol ng pillbox at Molotov. Sila’y napagsabihan na huwag sasayaogin ang mga ito, sapagkat ito lamang ang tanging armas ng mga “guerilla.” Ang mga Chem at Physics majors ay naging mahalaga sa pag-gawa ng iba’t-ibang uri ng paputok. Ang “self-igniting” molotov ay nalikha.

Ang Miyerkoles ay naging mahalaga. Nakatagpo noon ang mga estudyante ng panibagong armas. Ang ito ay ang “missile”, na sa katunayan ay kuwitis. Bilang psy war ito ay tinawag na rin na “surface to air missile” upang matakot ang helicopter. Nguni’t ito rin ay anti-personnel at maraming Metrocom ang natakot at umurong dahil dito.

Nitong araw na ito napatunayan na ang sama-samang lakas ay maaaring magpa-urong sa mga Metrocom at pulis. Mayroong “commando units” na pumusisyon sa Vinzons. Kakaunti lamang sila, nguni’t sa kanilang tapang ay nagawa nilang mapaurong ang Metrocom sa Vinzons. Maging sa Narra at sa Area 11 ay hindi makapasok ang mga parak.

Nang dahil sa mas mabigat ang armas ng kalaban ay umatras ng bahagya ang mga commandos, ang mga Metrocom ay hindi magawang sumulong pa mula sa Vinzons. Ang mga taga-Narra “regular units” mula sa kanilang barikada ay hinarap ang punglo, naghagis ng pillbox at napaurong ang mga Metrocom. Ang mga “regular units” sa barikada ng AS-BA ay sumugod sa harap ng ulan ng bala. Mula sa likod ng mga puno sila’y naghagis ng mga pillbov at molotov Sa sigaw ng “MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT,” (psy-war na naman) at sa putok ng pillbox, ang mga Metrocom ay umatras at ang mga kasamang nasukol sa Vinzons Hall ay napalaya.

Ang “long-range” weapon na rocket ay nagamit rin upang mapaatras ang mga Metrocom. Pati na ang mga helicopter ay hindi magawang bumaba dahil sa mga SAM.

Ang mga traydor na Metrocom ay nag-iwan pala ng mga sniper matapos silang umatras. Dahil sa ang unang bala ay malinaw na bumalandra (ibig sabihin, tunay) walang nagawa ang mga mag-aaral kundi ang magdapaan. Mabuti na lang, dahil sanay na ang mga estudyante sa tunog ng baril, ay walang nagtakbuhan at naiwasan ang walang dahilang pagpapakamatay.

Nang hindi sumalakay ang Metrocom at pulis ng 5:30 n.h., naghanda ang mga mag-aaral sa posibleng pagsalakay ng gabi. Ang mga tumatao sa barikada ay hindi na nagsialis. Ang bawa’t pumasok ay tinatanong, “Sino ’yan. Lapit ang isa upang makilala kung kasama.” Ang nasa tutok ng AS ay kumuha ng “search light” mula sa AS Theater upang lalo pa nilang magampanan ang kanilang papel bilang mga tanod. Ang alert signal ay ang ENG Tower. Kung bukas ang ilaw, ang ibig sabihin ay “alisto, mga kasama.” Ang DZUP ay naging sentro ng komunikasyon. Buong gabi ay halos hindi natulog ang mga kasama.

Sa mga sumunod na araw ay naging permanente ang mga kumander sa bawat barikada at ng mga komandong grupo. Ang sistema ng pagtulog, pagkuha ng pillbox at molotov, pagkain, pagdepensa at pagatake ay naisaayos. Ang mga kumander na rin ang naging bahala sa pagbibigay ng linyang pampulitika sa kanyang mga tauhan upang maiwasan ang mga hindi kinakailangang kalabisan sa pagkilos. Ang Northern, Southern, Eastern at Western Fronts ay naisaayos upang maging sistematiko ang sistema ng depensa. Ito nga ay napatunayang epektibo sa matagumpay na paglaban sa mga puwersa ng Estado noong Huwebes at Sabado, nang sumalakay ang ilang plainclothes kasama ang isang bulldozer ng maagang-maaga pa. Ang puwersa ay lumaki dahil sa tulong mula sa labas.

Masasabi, sa pangkalahatan, na naging matagumpay ang pagtatanggol sa Pamantasan. Ang pagtutol sa larangan ng dahas, kahit hindi ang pangunahing dahilan, ay nakatulong na maipagpatuloy ang pag-gamit ng demokratikong karapatan at mapairal ang kalayaan ng Pamantasan. Ang pagtutol ay nagpakita na hindi natiri basta isinusuko ng ating mga karapatan, na tayo’y nakikipaglaban para sa prinsipyo. Bagamat ang pangunahin pa rin ay ang pakikibaka sa larangan ng kultura. Ito ang naging pinakadahilan ng katatagan ng mga nagtanggol sa barikada. Ang simpatiya rin ng malawakang hanay ng mga mamamayan ang siyang nagbigay dahilan kung bakit hindi basta-basta makapasok ang Estado sa Pamantasan at nag-udyok pa sa mga progresibo na pag-ibayuhin ang kanilang Iakas na lumaban.

Kung dumating ang araw na ang Estado ay masukol at maging ulol, masasabi pa rin na ang Digmaan ng UP ay nakapagbigay ng rebolusyonaryong karanasan sa maraming maaaring maging urban guerillas o city partisans sa kinabukasan.