Bandilang Pula
Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.
Bago pa man ibaba ang senyal ng pagtatapos ng ating barikada ay nararapat lamang na pag-aralan nalin ang mga leksiyon nito upang habang malinaw pa sa ating ala-ala ang mga mabibilis na pangyayari noong mga nakaraang araw ay maging gabay naman natin ito sa pagtatatag ng mga komyun sa susunod pang mga araw.
Ang teritoryo ng UP sa Diliman ay maraming kagalingan kaysa ibang lugar para sa pagtatatag ng isang malayang purok sa estilo ng isang komyun. Ito ay may malawak na kapaligirang pangharap na bakante sa mga kabahayan, samantalang ang kanyang likuran ay may mga base ng populasyon na maaaring pagtaguan sa panahon ng pananalakay mula sa labas. Sa gitnang bahagi ng kampus ay may matataas na gusali na nagsisilbing taliba upang matanawan ang mga paglusob. Kaya’t sa kanyang kabuuan, ang pangyayaring ito ay mabuti sa mga rebulusyunaryong mga mag-aaral upang makapagtayo ng isang baseng pangkultura. Ang mga suliranin ukol sa pagkain at lohistika ay madaling nabibigyang solusyon dahil na rin sa pagtulong ng mga taong naninirahan sa loob ng kampus, bukod pa sa pagdaloy ng tulong galing sa labas.
Nguni’t higit sa teritoryal na kahigtan ng Diliman sa ibang mga lugar ay importante ang mataas na kamalayan ng mga mag-aaral, manggagawa at mga guro. Sa unang pagkakataon ay nabigyan ng buhay ang isang pagkakaisa upang labanan ang pagpasok ng militarismo. Ang mga mag-aaral at mga bata at matanda na nagtulong-tulong upang itayo ang mga barikada ay testimonya lamang sa mataas na kamalayang pampulitika laban sa militar na paniniil. Kayat ang isang mahalagang bunga ng nakaraang labanan ay ang pagkakaroon ng isang tradisyon upang sa bawat paniniil ng Estado, ang pamantasan ay makapagbabandila ng kanyang kalayaan sa pagtatatag ng isang komyun.
Ano ang kaibhan ng komunidad sa ibang mga tradisyon? Ang unang kaibhan nito ay ang pagkawasak ng isang autokrasya na kung saan ang lahat ng kapangyarihan ay nagmumula sa itaas. Ipinakita ng nakaraang mga pangyayari ang kawalang kapangyarihan ng mga rehente, mga security police, ng apat na bise-presidente, at maging ng presidente ng pamantasan na mga simbulo ng kapangyarihang burokrata at papet na pundasyon sa harap ng nakayayanig na mga pangyayari. Sa halip ng tradisyonal na mga pinanggagalingan ng kapangyarihan ay nagsulputan ang mga indehenyong mga organisasyon na siyang nagsipamahala ng pagkain, seguridad, radyo, pahayagan at iba pang detalye ng administrasyon. Kaya’t ang mga patabaing mga administrador ay umasa na lamang sa mga pahayag at desisyon ng masang estudyante-manggagawa-guro. Ang komunidad kung gayon ay naging isang tunay na direklamenteng demokrasya na ang pinanggagalingan ng kapangyarihan ay ang kagustuhan ng mga taong dito naninirahan.
Nguni’t sa kawalan ng isang matibay na organisasyon na may kanya-kanyang espesyalisasyon o propesyonalisasyon, ang ganitong uri ng “spontaneous action” ay maraming kakulangan. Ating nakita na sa pagtatapos ng mga unang yugto ng pagpapasok ng militar, ang mga organisasyong estudyante ay unti-unting nabawasan sa kawalan ng mga kadre na dapat sanang mamamahala sa mga barikada. Marami ring nagsasayang ng mga paputok na ginastusan ng salapi. Dahil din dito, ang mga ibang namamahala sa barikada ay di galing sa UP na naging dahilan upang ang ilang mga tao ay maghlnala at pumuna sa mga bagay na ito. Dahilan din sa kakulangan ng organisasyon, maraming mga kahina-hinalang impiltrador ang nakapasok upang magsabotahe sa kaligtasan ng mga ari-arian ng UP tulad ng paglusob at pagnanakaw sa iba’t ibang lugal ng kampus sa panahon ng kaguluhan. Ito sana ay hindi nangyari kung may depenidong mga grupo (core) na magpalit-palitan ng pagbabantay, una sa mga checkpoints at pangalawa, sa mga gusaling may mawawala. Dahilan sa walang tunay na nakatalaga sa mga checkpoints, wala man lamang kumuha ng mga plate numbers ng mga sasakyang pumapasok o kaya ay, ng mga pangalan ng palaging pumapasok dito.
Ang kawalan ng organisasyon na handang mag-take over sa lahat ng gawain ay naging kapansin-pansin habang tumatagal. Una, ang komunikasyon ng mga kasapi sa direktorate mismo ay di nakararating kundi sa pamamagitan ng DZUP. Kundi sa kawalan ng organisasyon, disin sana’y di na nanghimasok ang mga rehente at iba pang burokrata matapos na magiba ang kanilang kapangyarihan sa malalakas na dagok ng mga pangyayari.
Sa kabila ng mga kakulangang ito, ilang magagandang punto ang lumabas sa pagtatag ng komyun. Ang paghawak ng radyo at pahayagan ay naging simbulo ng isang malaking pagkakaisa. Habang may nagsasalita pa sa DZUP (kahit na paulit-ulit at overacting) ang pag-asa ng mga tao sa loob at labas ay buhay na buhay. Ito rin ay nagsilbing tagapag-ugma ng mga gawain sa loob. Sa lahat ng mga grupo, ang DZUP lamang ang tunay na nagkaroon ng mga depenidong gawain ng bawa’t miyembro ng grupo. Masasabing ang mga namamahala sa pagkain ay mayroon ding ganitong kapuri-puring bahagi sa pagtatatag ng komyun.
Ano ang mga implikasyon ng Diliman komyun sa isang digmaang-bayan? Ang implikasyon nito ay nauukol sa labanang urban na siyang huling yugto ng isang digmaang bayan. Ang Diliman komyun ay isa lamang “microcosm” ng mas malaking kilusan na maaaring gawin sa iba’t ibang unibersidad upang magsanay ang mga kabataang aktibista sa pagtatatag ng mga propesyonal na organisasyon na kakailanganin sa panahon ng digmaang pang-urban. Una, kailangan ng isang mala-militar na organisasyong may isang tagapangulong directorate. Ito ang mag-uugma-ugma na gawaing mala-militar at gawaing politikal. Ang walang taros na paggiba ng mga kasangkapan ng mga anarkista at lumpen, ang parsasayang ng kasangkapang panlaban at ang seguridad ng mga gamit, ay natjibigyang pansin kung may mala-militar na organisasyon. Sabi nga ng isang dakilang Asyano “Kung walang Hukbong Bayan, ang masa ay walang anuman.” Ikalawa, itinuro ng Diliman komyun na ang isang rebolusyonaryo ay tunay na mapag-aral ng lahat ng bagay. Dapat niyang malaman ang pagpapatakbo ng mga sasakyan, ng pagpapaandar ng estasyon ng radyo at makinang pang-imprenta at kaalamang pampulitika at pangkasaysayan na siya niyang ibobroadcast at iba pa. Ang mga ito ay nangangailangan ng kaalaman ng matematika, pisika, kimika, kasaysayan, ekonomika at lahat ng bagay na noong dati ay alam lamang natin sa aklat. Dahilan sa kumplikado ang organisasyong papalitan nc ating itatatag na lipunan, nangangailangan lamang ito ng isang mas matibay at mas propesyonal na organisasyon upang maging tunay na pundasyon ng pagbabago.
Higit sa lahat, ang isang rebolusyonaryo ay napapatnubayan ng isang rebolusyonaryong teorya. Kung may gabay siya sa mga karanasan ng ibang bansa, ang mga bagay-bagay na nauukol sa pangkalahatang mga problema. Di siya magkakamali sa pagtitimbang ng mga problema. Kaya’t kung tutuusin, ang malaking bagay na natutuhan natin sa Diliman komyun ay a) organisasyon, at b) mag-aral ng maraming bagay. Dito nakasalalay ang tagumpay.