Bandilang Pula
Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-12 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.
Isang linggo na ngayon na buong pagmamalaking lumilipad sa itaas ng mga gusali ng Pamantasan ng Pilipinas ang mga bandilang pula na sagisag ng kalayaan ng Demokratikong Komunidad ng Diliman at ng patuloy na pakikibaka nito sa mala-piyudal at mala-kolonyal na sistemang umiiral ngayon sa Pilipinas.
Gayong unti-unti nang pinapanumbalik ang normal na kalagayan sa kampus, nalalaman ng lahat na hinding-hindi na magiging katulad ng dati ang Diliman. Ang mga bakas ng barikada, ang amoy ng tear gas at gasolina, ang sigawan ng pagtutunggali — lahat ito ay patuloy na mararamdaman ng mga naririto, hindi mapupuknat sa kanilang mga kaisipan. Ang lupa ng Diliman ay dinilig na ng dugo ng mga bayaning nangabuwal na nagtatanggol sa mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Ang talaan ng kasaysayan ay nadagdagan ng ilan pang mga pahina.
Ano ang ihahatol ng kasaysayan sa mga pangyayari rito sa Diliman nitong nakaraang linggo? Ano ang sasabihin ng kasaysayan tungkol sa bandilang pula na nakasaksi sa lahat ng ito?
Ang kasaysayan ay sinusulat ng nagsisipagwagi; kaya’t ang mananalaysay ng bagong lipunan ang siyang hahatol sa Komunidad ng Diliman. Sasaliksikin niya at aalamin ang lahat ng pangyayari, pagkatapos ay tatayain ito ayon sa naitulong nito sa pagbubuo ng bagong lipunan.
Napakalaki ng naitulong ng Demokratikong Komunidad ng Diliman sa pagsulong ng kilusan sa pambansang demokrasya. Una na rito ang pagtangkilik ng kabataan sa welga ng tsuper laban sa pagtataas ng presyo ng langis at gasolina ng mga imperyalistang kumpanya.
Hindi matatawaran ang tibay ng pakikiisang ipinakita ng kabataan sa kilusan sa mga kadamdaming tsuper at iba pang mamamayan. Ang pakikiisang ito ay humantong sa tuwirang paghamon sa lakas-militar ng papet na pamahalaan at sa pagkasanla ng buhay ng isang mag-aaral at pagkasalanta ng marami. Ito at ang mga sumunod na pangyayari ang siyang nagbunsod ng pagtatag ng Demokratikong Komunidad ng Diliman.
Ang komunidad ay naging bunga ng pagtutulungan ng lahat na sektor ng pamantasan — estudyante, guro, manggagawa, at iba pang mga naninirahan sa loob ng kampus — bilang paglaban sa pasismo ng militar na nagtangkang sumakop ng pamantasan. Dahil sa lakas ng pagtutulungang ito, ilang tangkang pagpasok ng mga pulis-QC at Metrocom ang nabigo. Makailang ulit na napahiya ang armadong puwersa ng pasistang Estado sa harap ng matatag na pagtatanggol ng mga nasa barikada; makailang ulit na nabunyag ang kahinaan ng tigreng papel kapag hinarap ng nakikibakang mamamayan.
Ang dating kawalan ng pagkakataon ng militar na magpasok ng kanilang pasistang kaisipan sa pamantasan ay naisa-konkreto sa pamamagitan ng pagbabawal sa kanilang pisikal na pagpasok mismo sa kampus. Ito’y isa sa mahahalagang pagbabago dito sa Diliman.
Ang nakaraang linggo ay nagbigay sa libu-libong tagapagtanggol ng kampus ng napakahalagang karanasan sa pakikibaka laban sa mapaniil na puwersa ng mga kaaway ng bayan. Para sa mga nagbantay ng barikada, mahalaga ang karanasan sa pakikipagtunggali sa isang kalaban na wari’y malakas, ngunit katunaya’y mahina dahil walang pagtangkilik ng sambayanan. Para sa mga nagsipaghanda ng mga pillbox, molotov, at iba pang sandatang pandepensa, mahalaga ang karanasan sa paghahanap ng mga sangkap na gagamitin sa paglikha na iba’t ibang sandata.
Para sa mga nagpalakad sa mahahalagang serbisyong tulad ng pagkain, pagamutan at sasakyan, naranasan nila ang tuwirang pagsisilbi sa nakikibakang masa. Para sa mga naninirahan sa mga area sa kampus, nakaranas sila ng pagtutulungan ng dati’y di-magkakakilalang magkakapitbahay upang mapangalagaan ang kani-kanilang purok laban sa panggagapang ng mga pasista. Para pa rin sa mga mamamayang nag-abot ng anumang tulong sa mga nasa komunidad, sila’y nakaranas ng pagiging kabilang sa kilusan sa pamamagitan ng pagtustos sa mga pangangailangan ng mga nakikibaka.
Ang karanasang ito ng lahat ng mga nagkaroon ng kinalaman sa komunidad ng Diliman ay magsisilbi na ring paghahanda sa higit na malagablab na tunggalian. Ang komunidad mismo ay isang pagsasaanyo ng magiging bagong lipunan — isang lipunan na kung saan ang lahat ng mamamayan ay magtutulung-tulungan upang malapatan ang lahat ng pangangailangan ng komunidad, mula sa depensa hanggang sa propaganda. Ito ay isang napakahalagang karanasan na mapagkukunan ng maraming aral ukol sa pagbubuo ng bagong lipunan.
Sa darating pang mga pagtutunggalian ng rebolusyonaryong masa at ng naghaharing-uri, ang alaala ng Demokratikong Komunidad ng Diliman ay magbibigay-apoy sa kilusan upang ipagtagumpay ang pambansang demokratikong rebolusyon.