Filemon Lagman
NAGAGAMOT na ngayon ng modernong syensya ang malulubhang sakit ng tao. Pero ang ordinaryong sakit ng lipunan – ang salot ng kahirapan – hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng lunas. Epidemya pa rin ang proporsyon nito sa buong mundo.
Naglalakbay na ang tao sa kalawakan. Milyong milya ang inabante ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para sa kanyang pagkain. Pero kung titingnan ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang hindi umusad, kahit isang pulgada, ang kalidad ng buhay.
Kung kailan walang kaparis ang itinaas ng produksyon ng pagkain, saka milyun-milyon ang namamatay sa gutom. at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan ang mga gusali at mansyon sa syudad. Pero walang matirhan ang daan-daang milyon sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak ng trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon. Pero pinababayaan ang bilyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga istero at pusali ng modernong lipunan. (Box 1 Mukha ng Paghihikahos sa Daigdig)
Progresong panlipunan. Narito raw ang solusyon, ang pag-asa para makaahon sa kahirapan ang populasyon ng daigdig. Pero hindi pa ba sapat ang isinulong ng progreso para mabuhay nang maginhawa ang lahat?
Modernong industriya.. Sa kamay ng mga manggagawa, ang mga makinarya ay instrumento ng pag-unlad. Pero sino ang umuunlad? Hindi ang mga nagpapaandar ng makina kundi ang mga may-ari ng makina – ang mga kapitalista!
Kagila-gilalas ang iniunlad ng modernong lipunan sa nagdaang mga siglo at dekada. Pero kalunos-lunos pa rin ang paghihikahos sa ating paligid. Nasaan ang problema? Bakit sa kabila ng grabeng pagsulong ng produktubidad ng lipunan ay grabe pa rin ang karukhaan? Bakit sa kabila ng sobrang karangyaan ng ilan ay terible pa rin ang pagdarahop ng marami?
Sa inabot na karunungan ng tao, hindi pa ba natutuklasan ang lunas sa epidemya ng kahirapan? Sa inabot na pag-unlad ng teknolohiya, hindi pa ba nadidiskubre ang paraan para mabuhay ang lahat nang sagana, panatag at may dignidad?
Kung ang sanhi ng kahirapan ay isang organismo o mikrobyo, baka matagal nang naimbento ang gamot sa ganitong epidemya. Pero ito ay hindi isang sakit na pwedeng silipin sa mikroskopyo o pag-aralan sa laboratoryo. Ito ay hindi isang impeksyon o kalamidad na galing sa Kalikasan.* Ang Kalikasan nga ang nagbibigay sa tao ng mayamang materyal para mapasagana ang kanyang buhay. Pero sino ang sumasagana at nagpapasasa sa likas at likhang yaman ng daigdig at lipunan? (Box 2: Listahan ng Pinakamayayaman sa Mundo)
Sobra-sobra ang yaman na galing sa Kalikasan at sa Paggawa. Ang problema, ang yaman na likha ng Paggawa at bunga ng Kalikasan ay inaari ng iilan upang alipinin ang nakararaming walang ari-arian.*. Ito ang "mikrobyo" ng kahirapan – ang pribadong pagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon at yaman ng lipunan. Narito ang pinakaugat ng kahirapan sa daigdig.
Matagal nang natuklasan at napaunlad ng tao ang solusyon sa kahirapan sa mundo – ang modernong makinarya, ang modernong industriya. Inabot na ng tao ang sapat na karunungan at kaunlaran para mapaginhawa ang buong sangkatauhan.
Sa pamamagitan sana ng modernong makinarya’t industriya, syensya’t teknolohiya, ang masaganang materyal ng Kalikasan ay malilinang ng Paggawa para sa kagalingan at kaunlaran ng buong lipunan. Pero imbes na maging simpleng kagamitan ng paggawa ng tao para sa pangangailangan ng lahat, ito ay nananatiling instrumento ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa – ng mga uring nagmamay-ari sa mga uring walang ari-arian. Ito ang kalikasan ng lipunang ating ginagawalan. Ito rin ang kalikasan ng kahirapan ng mayorya ng tao sa lipunan.
KUNG ang progreso ang pag-asa ng tao, paano ba ito umaandar sa tinakbo ng kasaysayan at hindi umaasenso ang kabuhayan ng marami? Sa gubat nagsimula ang kasaysayan ng tao. Pero hindi ito ang eksplinasyon sa makahayup na relasyong umiiral sa modernong mundo.
Noong halos wala pa siyang saplot sa katawan, komunal* at pantay-pantay ang pamumuhay ng tao sa lipunang primitibo. Tulong-tulong, hati-hati sa limitadong produkto ng kolektibong paggawa. Di gaya ngayon. Kanya-kanya, masyadong indibidwalisado. Ito’y sa kabila ng ganap nang sosyalisado** ang paggawa ng modernong ekonomya. Sobra-sobra ang kapasidad sa produksyon ng modernong industriya.
HIndi lang sosyalisado kundi globalisado na nga ang produksyon ng modernong lipunan. Pero imbes na internasyunal na kooperasyon ng mga bansa, internasyunal na kompetisyon ang salalayan at kahulugan ng globalisasyong ito.
Ang Gusto Nating Maintidihan
Ang gusto nating maintindihan ay bakit hanggang ngayon, "batas ng gubat" ang umiiral sa dapat ay sibilisadong mundo? Talaga bang nasa kalikasan ng tao ang pagiging malupit o ang makahayup ay ang sistemang naghahari sa lipunan?
Ang gusto nating maintindihan ay bakit noong salat na salat sa materyal na pangangailangan ang tao, mahigpit ang pagtutulungan. Nang sumagana ang lipunan, saka ganap na naghari ang kasakiman. Nasa kalikasan ba ito ng tao o nasa kalikasan ng lipunang kanyang ginagalawan?
Ang gusto nating maintindihan ay bakit noong antigong palakol pa lang ang gamit sa produksyon, kahit limitado ang produkto ng komunal na paggawa, pantay ang hatian ng tao sa benepisyo ng kanilang pinagpaguran? Ngayon, mayroon nang mga makinaryang ang kapasidad ay katumbas ng dating paggawa ng milyun-milyong tao. Pero saka naman naging mas hikahos at salat sa pangangailangan ang marami. Wala na ba talagang katapusan ang ganitong kahirapan sa kabila ng lahat ng kaunlaran?*
Simula ng Kasaysayan
Ang tao ay nagsimula sa simpleng mga pangangailangan na direktang kinukuha niya mula sa Kalikasan. Sa loob ng ilang daang libong taon, siya’y nabuhay ng halos walang ipinag-iba sa karaniwang hayop. Lumalambitin sa mga puno para mamitas ng makakain. Nanghuhuli ng mga hayop na ang gamit lang ay ang kamay, paa at braso.
Simple lang noon ang kailangan ng primitibong tao. At masaganang bukal ang Kalikasan ng ganitong mga nesesidad. Sa simula, dehado siya sa ibang hayop. Imperyor ang kanyang pisikal na lakas kumpara sa kanyang mga natural na karibal at kasosyo sa benepisyo sa Kalikasan.
Pero nang matuto ang tao na gumawa at gumamit ng mga instrumento para sa kanyang ikabubuhay, dito nagsimulang umangat ang kanyang katayuan. Lumitaw ang kanyang superyoridad kumpara sa karaniwang mga hayop sa gubat. Dito nagsimula ang kanyang kasaysayan, ang kasaysayan ng lipunan.
Ang istorya ng tao ay kasaysayan ng pag-unlad ng kanyang mga instrumento sa produksyon – mula sa simpleng palakol na bato ng primitibong sistema hanggang sa higanteng makinaryang bakal ng modernong industriya. Kaya nga’t ang kasaysayan ng unang mga tao ay hinati sa sinasabing Stone Age, Bronze Age at Iron Age na kumakatawan sa materyales ng kanilang mga instrumento sa produksyon. Ang kakayahang gumawa at gumamit ng instrumento ang mapagpasyang ipinag-iiba ng tao sa karaniwang hayop. Ito ang paliwanag sa walang tigil na pag-unlad ng paraan ng pamumuhay sa lipunan.
Ang Paggawa ng Tao
Ito ang tinatawag nating paggawa – ang proseso ng inter-aksyon ng tao sa Kalikasan. Isang prosesong sa pamamagitan ng kanyang pagkilos, nagagawang panghimasukan, panghawakan at pangasiwaan ng tao ang metabolismo* sa pagitan niya at Kalikasan. Ang tao ay bahagi ng Kalikasan. Hinaharap niya ito bilang isang pwersa rin ng Kalikasan. Pinagagalaw niya ang natural na mga pwersa na taglay ng kanyang katawan – ang kanyang braso at kamay, ulo at paa – upang pakinabangan ang materyales na galing sa Kalikasan at baguhin ang natural na anyo nito nang ayon sa kanyang mga pangangailangan.
Sa pamamagitan ng produktibong aktibidad na ito ng tao – sa kanyang paggawa – ginagamit niya ang Kalikasan at binabago ito. At sa proseso ng paggawang ito, kasabay niyang binabago at pinauunlad ang kanyang sariling kalikasan.
Ginigising ng paggawa ng tao ang mga potensyalidad at superyoridad na nahihimbing sa loob ng kanyang pagkatao. Ipinapailalim ito sa kontrol ng kanyang utak na siyang krusyal at natural niyang kalamangan sa ordinaryong hayop.
Sa paggawa, nalikha ng tao ang kanyang mga instrumento Sa pamamagitan ng mga instrumentong ito, umunlad ang kanyang paggawa.
Hindi natin dito tinutukoy yaong unang instinktibong* mga porma ng paggawa ng tao sa panahong halos hindi pa siya nakakaangat sa antas ng ordinaryong mga hayop sa kanyang paligid. Ang tinutukoy natin ay yaong paggawa na eksklusibo at ispesyal na tatak ng tao – ang intensyunal na aktibidad, ang aktibidad na may maliwanag na layunin.
Ang taong tagahabi ay daig ng ordinaryong gagamba sa artistikong paghabi ng kanyang sapot. Hihiyain ng bubuyog ang isang arkitekto sa paggawa ng mumunting lungga’t selula ng pukyutan. Pero ang ipinag-iiba ng arkitekto o tagahabi ay ito: Bago itayo ng arkitekto ang gagawing bahay o bago simulan ng tagahabi ang kanyang tela, buo na sa kanilang isip ang itsura at plano nito samantalang ang gagamba o bubuyog ay instinktibo lang ang pagkilos. Walang "imahinasyong" nagpapagalaw sa kanilang natural at instinktibong aktibidad.
Hindi lang basta binabago ng tao ang porma at komposisyon ng materyales na galing sa Kalikasan. Isinasakatuparan niya ang kanyang mga layunin sa pamamagitan mismo ng Kalikasan. Ito ang saligang elemento ng proseso ng paggawa – ang mulat, intensyunal, sinasadayang produktibong aktibidad ng tao.
Ang iba pang simpleng elemento ng proseso ng paggawa ay ang mga materyal at instrumento ng paggawang ito. Pag-ibahin natin ang materyal sa instrumento ng paggawa. Ang Kalikasan ang suplayer ng tao ng natural na materyales. Lahat ng bagay na simpleng inihiwalay ng tao sa kanyang kagyat na koneksyon sa Kalikasan gaya ng isda sa tubig, kahoy sa gubat, mineral sa lupa, atbp., ay tawagin nating likas na materyales ng paggawa. Pero kapag ang materyales na galing sa Kalikasan ay dumaan na sa kamay ng tao, ginamitan ng kanyang paggawa, at muling gagamitin para sa panibagong proseso ng paggawa, ang tawag natin dito ay hilaw na materyales ng paggawa.
Ang instrumento sa produksyon ay isang bagay, o komposisyon ng mga bagay, na ginagamit ng tao para isakatuparan ang modipikasyon ng materyales ng kanyang paggawa. Ginagamit ng tao ang mekanikal, pisikal at kemikal na mga katangian ng mga bagay bilang instrumento ng kanyang paggawa para gamitin sa modipikasyon ng iba pang mga bagay at isakatuparan ang kanyang mga layunin.
Orihinal na Warehouse at Toolhouse
Kung simpleng pinipitas ng tao ang prutas na natural na tumubo sa isang puno, ang kabuuan ng kanyang katawan ang kanya mismong instrumento ng paggawa. Sa simula’t simula, sa primitibong panahon, ang ginagalawang natural na paligid ng tao – ang mismong daigdig – ang suplayer ng materyales at instrumento ng paggawa ng tao.
Kung ang mundo ang orihinal na warehouse ng tao ng likas na materyales, ito rin ang kanyang orihinal na toolhouse para sa kanyang unang mga kasangkapan.
Isinuplay nito, halimbawa, ang bato na kanyang pinangpupukol bilang krudong instrumento o hinahasa para gawing palakol. Pati ang daigdig ay instrumento ng paggawa. Pero para ito magamit sa ganitong paraan, halimbawa sa agrikultura, nangangailangan ang tao ng iba pang instrumento na gaya ng araro o asarol, at nangangahulugan kung gayon, ng mas abanteng antas ng pag-unlad ng sistema ng produksyon.
Mula nang dumaan ang proseso ng paggawa ng tao sa kahit bahagyang pag-unlad, nangailangan na ito ng ispesyal na mga instrumento para sa kanyang mga ispisipikong mga layunin. Mapag-iiba ang pang-ekonomyang mga sistema na dinaanan ng kasaysayan ng tao, hindi pa sa kanilang aktwal na mga produkto kundi sa ginamit na mga instrumento sa produksyon. Matagal nang gumagawa ng produktong pagkain ang tao. Ang pagkakaiba ay ang kanyang paraan ng paggawa nito.
Hindi lang ito nagsisilbing istandard para masukat ang antas ng pag-unlad ng paggawa. Mas mahalaga, makikita ang umaandar na mga relasyon ng tao habang ginagamit ang mga instrumentong ito. Ang mga relasyong ito ng tao sa paggamit ng mga instrumento sa produksyon ang masusi nating pag-aralan kung layon nating maliwanagan ang katanungan at kasagutan sa problema ng kahirapan sa lipunan.
Kantyaw ng Unggoy
Ang tao – sa primitibo hanggang modernong lipunan – ay nabuhay at patuloy na nabubuhay sa pamamagitan ng paggawa. Lahat ng likhang-yaman ng tao, lahat ng bagay na nabibili sa lipunan, ay nagdaan sa proseso ng paggawang ito. Ang paggawang ito ay umunlad nang umunlad, at ang pamumuhay sa lipunan ay umansenso nang umasenso sa pagsulong ng mga instrumentong ito. Ang unggoy na dati’y kapantay lang ng tao, hanggang ngayon, ay pagala-gala pa rin sa gubat sa paghahanap ng kanyang makakain habang ang tao ay gumagala na sa kalawakan sa paghahanap ng ibayong karunungan. Ito’y dahil sa paggamit at pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon ng tao.* Kung dati’y ang primitibong tao ay mistulang alipin ng Kalikasan, ngayon, ang modernong tao ay mistulang hari sa Kalikasan.
Pero hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao.
Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig.
Sapagkat bakit ganito ang pamumuhay ng karamihan ng tao? Isang kahig, isang tuka, gula-gulanit ang mga damit, barong-barong ang bahay, nangangamatay sa malnutrisyon, miserableng-miserable ang buhay, mga simpleng nesesidad ay hindi matugunan. Kahit ang primitibong tao na hanggang ngayon ay matatagpuan pa rin sa mga liblib na gubat ay magtataka at mapapailing: Ano ang nangyari sa katakut-takot na progreso, sa lahat ng pantastikong iniunlad ng unang mga instrumento sa produksyon – at ganito pa rin ang pamumuhay ng mayorya ng populasyon? Mahirap pa sa daga ang karamihan ng tao.
HINUHUKAY ng syensya ang mga labi ng sinaunang panahon para tuklasin ang istorya ng ating mga ninuno. Hanapin ang sinasabing "missing link" sa primitibong kasaysayan ng tao. Sa parehas na paraan, balikan natin ang primitibong panahon. Dito kasi madaling malinawan ang istorya ng patuloy na paghihikahos ng tao sa mundo. Ang kumplikadong usapin ng kahirapan sa modernong lipunan ay napakasimpleng intindihin kapag sinimulan sa simpleng karanasan ng primitibong tao.
Pero hindi gaya ng "missing link" na hanggang ngayon ay kailangan pang matagpuan ng tao – ang kasagutan sa pinag-uugatan ng kahirapan – ay maituturing na isang "open secret" na ayaw lang aminin ng lipunan, ng mga protektor at propeta nito. Ito’y walang iba kundi ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay ng tao sa mundo.
Panahong Walang Pang-aalipin
Ang primitibong tao ay umimbento ng mga krudong instrumento para umunlad ang kanyang paggawa. Para umalwan ang kanyang pamumuhay. Mula sa simpleng mga sanga ng kahoy o matutulis na bato, natuto siyang gumawa ng mga sibat at palakol. Sa mahabang panahon, napako ang primitibong tao sa isang klase ng pamumuhay na bahagyang nakakaangat sa ordinaryong mga hayop. Nanatili siya sa ganitong antas hangga’t hindi siya nakakaalpas sa kanyang mga primitibong instrumento.*
Dahil sa limitasyon ng kanilang primitibong instrumento, obligadong mabuhay ang unang mga tao sa komunal na paraan, sa komunal na paggawa. Narito lang kasi ang bisa ng kanilang mga krudong instrumento – ang sila’y magtulong-tulong. Ipunin ang kanilang talino at lakas. Paghatian ng pantay-pantay, ayon sa pangangailangan ng bawat myembro, ang produkto ng kanilang kolektibong paggawa. Ang sibat at palakol ay epektibo lang kung gagalaw ang tribo ng sama-sama, hindi kanya-kanya. Ang mga instrumento sa paggawa ay kumon na pag-aari ng buong tribo. Hindi pag-aari ninuman ang mga materyal ng kanilang kumon na paggawa. Natural lang, samakatwid, na ang produkto ng komunal na lipunan, gaano man kasalat, ay para sa lahat.
Ang pagkakaroon ng sibat o palakol, sa simula, ay hindi naging dahilan para gamitin ang mga instrumentong ito para mang-alipinin ang tao ng kapwa. Nagagamit niya ang mga sibat at palakol sa mga alitan sa ibang tribo. Pero, sa mahabang panahon, ang mga nagagapi ay hindi ginagawang alipin ng matagumpay na pangkat. Narito ang importanteng tanong: Bakit?
Kung iinterbyuhin ang primitibong tao, simple ang kanyang magiging sagot: Bakit siya mambibihag para mang-aalipin kung dagdag lang itong pakakainin sa primitibong lipunan? Kung siya ay mang-aalipin, kailangang ang trabaho ng mga bihag ay kayang bumuhay sa tribo, sa mga gwardya, at syempre, pati sa pinagtatrabahong mga bihag.
Sa madaling salita, kailangang madoble o matriple ang produksyon ng indibidwal na bihag. Pero ang produktubidad ay kumporme sa instrumento. Kung sibat at palakol lang ang gamit, ang produksyon nito ay halos hindi makasapat para bumuhay ng isang tao kaya nga’t obligadong maging komunal noon ang paggawa. Kung ganito lang ang produktubidad ng primitibong instrumento, para saan pa’t magmimintina ng mga bihag? Iiral ang kanibalismo pero hindi ang pang-aalipin ng tao sa tao sa batayan ng primitibong produksyon.*
Paano o kailan, kung gayon, nangyari na nagsimulang mangbihag ang tao para mang-alipin ng kapwa? Sapagkat, matapos ang mahabang panahon, dumating rin ang yugtong ang komunal na paggawa ay pinalitan ng sistema ng aliping-paggawa.
Lumitaw ito sa ibabaw ng lipunan pagdating ng kalagayang may kapasidad na ang tao na lumikha ng sobra sa indibidwal at kagyat na pangangailangan. Ang paggawa ng isa ay pwede nang bumuhay sa dalawa o higit pang indibidwal. Ang implikasyon nito ay may kapasidad na ang lipunan na lumikha at mag-ipon ng surplas na produkto.
Ibig sabihin, pwede nang mabuhay ang lipunan sa paggawa ng isang seksyon ng populasyon habang ang surplas na produkto ay pwede nang ariin ng isang seksyon ng lipunan na hindi obligadong magtrabaho. Pwede lang mangyari ang ganitong sitwasyon batay sa pag-unlad ng produktubidad ng lipunan. Sa pag-unlad ng kanyang mga instrumento sa produksyon. Nang matuto ng produksyon ng pagkain ang tao.
Paglitaw ng Pribadong Pag-aari
Nangyari ito nang matuto ang tao – at kanyang mapaunlad – ang domestikasyon ng mga halaman at hayop. Dito nagsimula ang sinasabing "sibilisasyon" – nang magpalit ang tao ng "propesyon". Mula sa pagala-gala sa gubat para manghuli ng hayop at mamitas ng prutas (hunter-gatherer) ay matutong magtanim ng halaman at mag-alaga ng hayop (farmer-herder).
Sa loob halos ng 7 milyong taon, ang primitibong tao ay parehas lang ng ordinaryong hayop sa gubat na hindi marunong gumawa ng pagkain at nabubuhay lang sa kanyang matatagpuan sa kagubatan. Humigit-kumulang ay nasa 10,000 taon pa lang halos ang nakalilipas mula nang matuto ang tao ng produksyon ng pagkain. Nang matutunan niya ito, biglang bumilis ang martsa ng kasaysayan at pag-andar ng progreso.
Nang matuto ng agrikultura at paghahayupan, pumirmi na ang mga tribong marunong nito sa permanenteng komunidad. Mabilis na lumago ang populasyon dahil lumago ang produksyon ng pagkain. Sa paglago ng populasyon at kapasidad sa produksyon, unti-unting lumitaw ang mga dibisyon ng paggawa sa lipunan.* Dumami ang magkakaibang produkto ng paggawa dahil nalibre sa produksyon ng pagkain ang ibang seksyon ng lipunan. Sa pagsulong ng agrikultura, hindi lang nalibre ang ibang seksyon sa produksyon ng pagkain kundi nalibre sa mismong pagtatrabaho. Lumitaw ang ang uring mapagsamantala.
Sa yugtong ito ng kasaysayan lumitaw ang pribadong pag-aari. At sumunod ang transpormasyon ng primitibo ngunit pribadong mga instrumento sa produksyon bilang instrumento ng pagsasamantala ng tao sa tao. Nang ang dating komunal na pag-aari ay maging pribado, nagsimulang mahati ang primitibong lipunan sa mga uri – ang mga uring nagmamay-ari at mga uring walang pag-aari. Nagsimulang matransporma at lumawak ang abanteng mga tribo sa anyo ng mga kaharian. Lumitaw ang unang bersyon ng isang estado sa ibabaw ng lipunan. Ang estado ng mga panginoong may-alipin.**
Ang paglitaw ng estado bilang institusyon sa ibabaw ng lipunan ay konektado at nakaugat sa transpormasyon ng instrumento sa produksyon bilang pribadong pag-aari at bilang instrumento ng pang-aalipin. Ang papel sa lipunan ng institusyon ng estado ay magsilbing instrumento ng paghahari ng mga uring nagmamay-ari ng mga instrumento sa produksyon ng lipunan.
Paglitaw ng Pang-aalipin
Nang mapaunlad ang agrikultura, nagkaroon ng kabuluhan ang bumihag ng mga tao upang gawing mga alipin ng "sibilisadong" kaharian ng panginoong may-alipin. Nang mapaunlad ng tao ang asarol at araro, mas ginamit na ang sibat at palakol para bumihag ng mga aalipinin sa bukid para pakainin ang mga panginoon sa lipunan at magpaalila sa maluhong pamumuhay ng mga naghaharing uri.
Kung kailan natutong magtanim ng pagkain, saka natuto ang tao na gutumin ang kanyang kapwa. Kung kailan natutong mag-alaga ng hayop, saka natuto ang tao na mang-alila. Nang matutong magpaamo ng mga hayop, saka naging malupit ang tao sa kanyang kapwa.
Ang mismong tao bilang alipin ang ginawa at ginamit na instrumento sa produksyon. Dati, para mabuhay, ang may katawan ang gumagamit sa kanyang sariling kamay at braso dahil sa kawalan ng instrumento Nang magkaroon ng mas mauunlad na mga instrumento, ang katawan ng ibang tao ang ganap nang trinansporma sa ordinaryong kasangkapan sa anyo ng alipin.
Nang maging "sibilisado" ang tao, saka siya naging mapagsamantala. Lumitaw ang sistemang inaalipin ng iilan ang marami. Ito ang "trahedya" ng progreso, ng pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon ng tao. Nang inabot nito ang isang antas ng pag-unlad, imbes na manatiling simpleng instrumento sa produksyon – sa kamay ng isang seksyon ng lipunan – ito’y naging instrumento ng pang-aalipin sa mayorya ng populasyon.
Pero ang pangyayaring pinalitan ang komunal na paggawa ng aliping-paggawa ay hindi patunay na simpleng "ginising" ng pag-unlad ng produksyon ang "nahihimbing" na mapang-aliping "naturalesa" ng tao. Na ang pagiging mapang-alipin ay nasa mismong kalooban ng tao. Naghihintay lang na magkaroon ng abono para bumukadkad at yumabong, at maghasik ng kasamaan at kalupitan sa mundo.
Hindi sa "kalikasan ng tao" nanggaling ang kanyang pagiging mapang-alipin kundi sa relasyon ng tao sa paggamit ng kanyang inimbentong mga instrumento. Naganap ang pang-aalipin ng tao sa tao nang gawing pribadong pag-aari ang dating komunal na kagamitan.
Mula nang maganap ito sa primitibong panahon, nagsimula nang mahati ang lipunan sa iba’t ibang mga uri ng tao. Ang saligang batayan ng pagkakahati ay batay sa ari-arian. Ang relasyon sa produksyon ng tao ay naging relasyon sa pag-aari.. Nang mahati ang lipunan sa mga uri, ang hatian ng yamang likha ng paggawa ay hindi na batay sa pangangailangan kundi batay sa pribadong pag-aari. Hndi na lang kung sino ang nagtrabaho, kundi kanino ang kasangkapang ginagamit sa trabaho.
Mula noon hanggang ngayon ang yumayaman at nagpapasasa sa lipunan ay ang iilang may-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Ang laging naghihikahos ay ang mayorya ng populasyon na bumabalikat ng paggawa para sa buong lipunan. Mula noon hanggang ngayon ay laging pribadong pag-aari ng minorya ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan. Ginagamit ang pagmamay-aring ito sa ikabubuhay ng lipunan para pagsamantalahan ang paggawa ng mayorya ng populasyon.
Nang matutong gawing pribadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon, ang sumunod na hakbang ng tao ay pati ang kanyang kapwa ay ginawang pribadong pag-aari. Binihag na parang mga hayop at ginawang mga alipin ng mas abanteng tribo o lahi ang mas atrasado. Noong siya ay taong-gubat pa, hindi marunong ang tao na mang-alipin. Nang manirahan sa syudad, ang "sibilisadong" tao ay bumalik sa "batas ng gubat".
Mapang-aliping Sibilisasyon
Libong taon ring umiral ang ganitong klase ng sistema ng lipunan sa buong daigdig. Ang Great Wall of China, ang Pyramids sa Egypt, ang antigong mga guho sa Rome at Greece ay mga testimonya ng aliping-paggawa. Para itayo ang mga istrukturang ito, daan-daang libong alipin ang namatay sa pwersahang paggawa sa utos ng kanilang mga emperor at panginoon. Pero mismo ang naglalakihang mga pabrika at gusali ng modernong lipunan ay mga istrukturang nagpapatunay sa patuloy na pang-aalipin. Hindi na nga lang pwersang paggawa kundi sa paraan ng sahurang-pang-aalipin.
Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sinaunang sistemang alipin. May mga sultan at datu at may tinatawag na mga "aliping namamahay" at "aliping sagigilid". Hanggang sa ika-19 na siglo, ang mga Itim na binibihag sa Afrika ng mga "slave traders" ay ipinagbibili sa Amerika at ginagawang mga alipin sa mga plantasyon.
Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kasarinlan ng USA bilang kolonya ng Great Britain. Noon lang 1863 idineklara ni Abraham Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema* – pitumpu’t dalawang taon matapos ang ratipikasyon ng Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig (Box: Highlights of Slave System).
Balikan natin ngayon ang pundamental na usapin: Ang paglitaw at paglaganap ba ng kalupitang ito ng tao sa kanyang kapwa ay mas mauugat sa mapagsamantalang "kalikasan" ng tao? O ito’y mas resulta ng kalikasan ng lipunan batay sa antas ng pag-unlad ng mga kagamitan at sistema sa produksyon ng tao?
Ang moralistang interpretasyon sa kasaysayan ay hinuhusgahan ang tao batay sa unibersal na mga istandard ng "kabutihan" at "kasamaan". Pero mayroon nga bang unibersal na konsepto ang tao ng moralidad? O ang mga konsepto at istandard na ito ay likha rin ng tao? Nilikha nang ayon sa antas ng pag-unlad ng sibilisasyon na ang salalayan at sinasalamin ay ang narating na pag-unlad ng sistema ng produksyon.
Paghahari ng "Kasamaan" sa Lipunan
Maliwanag ang ebidensya ng kasaysayan na magkakaiba ang mga konsepto ng tao ng masama at mabuti, ng makatarungan at di makatarungan, ng makatao at makahayop, ng moral at imoral, at ito’y laging kumporme sa klase ng lipunang umiiral.
Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit ordinaryong tao sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Ipagbili upang gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng matatalinong pilosoper na gaya nina Aristotle, Plato at Socrates na nabuhay sa panahong ng aliping-paggawa?
Sila na rasyunal at kulturadong mga tao ng panahong iyon, hindi makukwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim sa kanilang "konsensya" at walang nakitang "imoral" ang mag-ari ng alipin. Sila na kahit kaliit-liitang mga penomena sa Kalikasan at Lipunan ay pinag-uukulan ng masusing pag-aaral at hinahanapan ng eksplinasyon ay walang nakitang masama sa sistemang alipin. Itinuring pa ngang "natural na kaayusan" sa daigdig.
Sina George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga "ama" ng demokrasya sa Amerika. Ang ipinundar nilang "Unyon" ng mga estado sa Amerika ang ginagawang modelo ng demokrasya sa daigdig. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang "deklarasyon ng pagkakapantay-pantay" ng tao sa lipunan?
Sa panahon naman ng pyudalismo, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga aristokrat at asendero ang mga lupain, at ipabungkal ito sa pwersahang paggawa sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahang Katoliko bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan.
Pero benindisyunan nito ang pyudal na sistema bilang "natural na kaayusan ng tao". Natural lang na ganito ang maging pananaw ng Simbahan dahil ito mismo ang pinakamalaking panginoong maylupa sa panahon ng pyudalismo. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan nang panahong ito na habang-buhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa.
Bilang ehemplo ng klase ng moralidad sa lipunan sa yugtong ito ng sibilisasyon, alalahanin natin na sa panahong ito naganap ang kilabot ng tinatawag na Inquisition,* ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin nang buhay ang inaakusahan nitong mga erehe. Ituring na mga kampon ng demonyo dahil lang sa hindi sumusunod sa mga aral ng Katoliko Romano. Sa panahon ring ito inilunsad ang Krusada,* ang gera ng pananakop na pinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga "barbarong Muslim" sa Europa at Asya. Dito sa Pilipinas, bahagi ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga Indio.
Binabanggit natin ang madilim na mga kabanatang ito ng Simbahan hindi para ito’y alipustahin kundi para lang patunayan na ang mga istandard at institusyon ng moralidad, ay dumaan rin sa isang kasaysayan ng pag-unlad kasabay ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa "death penalty", hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inquisition.
Nasaan ang "Moralidad" sa Nakaraang10,000 Taon?
Isinasalaysay natin ito upang patiningin ang pundamental na kwestyon: Naganap ba at naghari sa mundo ang ganitong mga anyo ng pang-aalipin sa loob ng ilang libong taon dahil pundido sa antigong panahong ito ang ilaw ng moralidad at binulag ng masamang budhi ang tao?
Sa ganitong simplistikong moralistang eksplinasyon sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang "kabutihang-loob" noon, hindi sana nagkaroon ng sistemang alipin at sistemang pyudal sa balat ng lupa. Noon pa sana ay umiral na ang pagkakapatiran ng tao sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang "masama" at "mabuti". Kung nasustentuhan sa pangaral, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakaraming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy hanggang sa ngayon.
Pero anong konsepto ng moralidad ang pipigil sa primitibong tao na gawing pribado ang antigong mga kasangkapan sa produksyon para alipinin ang kanyang kapwa kung mismong hanggang sa kasalukuyang panahon ng abanteng sibilisasyon ay walang nakikitang kahit isang bahid ng imoralidad sa pribadong pagmamay-ari ng mga makinarya para alipinin ang uring manggagawa sa anyo ng sahurang-paggawa?
Sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kasaysayan ng kanyang intelektwal na pag-unlad, ng pagsulong ng mga istandard at institusyon ng moralidad at sibilisasyon – hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng "masama" at "mabuti", ng hustisya at ikwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng pang-aalipin sa lipunan. Kung mayroon mang "orihinal na kasalanan" ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng "bawal na prutas" kundi ang kumain ang ilan sa pinagpaguran ng marami dahil lang sa lintik na pribilehiyo ng pribadong pag-aari.
Nesesidad Hindi Moralidad
Pero hindi dapat pagtakhan kung bakit hindi kinukwestyon ang "kasamaan" ng pribadong pag-aari sapagkat, sa esensya, hindi talaga ito usapin ng moralidad kundi ng isang nesesidad sa proseso ng pagsulong ng lipunan. Itinakda ng materyal na kondisyon ng pamumuhay ng primitibong tao ang pagiging komunal ng kanilang paggawa dahil sa limitasyon ng kanilang mga instrumento sa produksyon. Ang ibayong pag-unlad ng mga instrumentong ito sa paglikha ng surplas na produkto ang materyal na kondisyon naman para sumibol sa pusod ng lipunan ang pagsasamantala ng tao sa tao.
Walang moral na awtoridad sa lipunan ang makapipigil sa tao na ariin at kamkamin ang surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pag-aari gaya ng hindi rin kinukwestyon ang moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital. Ang ligal na sistema ng isang partikular na kaayusang panlipunan ay inaayon sa umiiral na relasyon sa produksyon. Ganito rin ang mga istandard ng moralidad at hustisya. Binabagay at pinagsisilbi ito sa kalikasan ng naghaharing sistema ng produksyon. Hinuhubog sa imahe ng umiiral na lipunan.
Ligal sa sistemang alipin ang magbenta at mag-ari ng mga alipin bilang kalakal. Dahil ang trato sa alipin ay ordinaryong bagay at hindi tao, siya ay walang anumang ligal na karapatan sa mata ng estado ng mga panginoong may-alipin. Sa ganitong sistema, wala ring makitang imoral ang mga panginoong may-alipin. Paramihan pa nga ng alipin. Ito’y hindi lang dahil may permiso ng estado. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Paano, kung gayon, mamasamain ng panginoong may-alipin ang magmay-ari ng alipin kung ang sistemang ito’y nakabubuti sa kanyang interes? Ang sistemang ito ay masama sa masang alipin. Pero kailan nangyari sa kasaysayan na ang mga inaalipin ang nagtatakda ng moralidad sa lipunan? Dahil ang mga naghahari sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad, nangyayari pa ngang pati mga alipin ay nahuhubog ang isip sa ganitong moralidad. Hanggang sa isang panahon, ay nakukumbinsi nila ang kanilang sarili, na tanggapin ang "guhit ng tadhana".
Ngunit hindi ba pwedeng ang "kabutihang-loob" ng tao ang sana’y nangibabaw noon para napigilan ang ganitong "kasamaan" sa kasaysayan?
Kung ang "kabutihan" at "kasamaan" ay magkasabay na umiiral sa kalooban ng tao bilang "naturalesa", bakit nangyaring sa 10,000 taon ng kasaysayan ng sibilisasyon, ay laging mapang-alipin ang naghaharing sistema ng lipunan? Kahit tsamba ay hindi umiral ang sistemang ang naghahari ay "kabutihan" at hindi "kasamaan". Paanong nangyaring may iisang padron at porma ang pag-unlad ng pang-aalipin kahit saang dako ng daigdig? Mula sistemang alipin ay naging sistemang pyudal, at mula sistemang pyudal ay umunlad ang kapitalistang sistema.
Ito’y dahil iisa ang "mikrobyo" ng pagsasamantala – ang pribadong pag-aari. Ang mga sistemang alipin, pyudal at kapitalista ay mga adaptasyon lang ng "mikrobyong" ito sa natural na pag-unlad ng mga sistema ng produksyon ng lipunan.
Kapag sa landas ng moralidad sinunson ang eksplinasyon sa pang-aalipin sa lipunan, wala tayong ibang kababagsakan kundi ito’y kagagawan ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa isang bagay na abstrakto at ispiritwal ang eksplinasyon sa pang-aalipin gayong napakalinaw ng kongkreto at materyal na katibayan kung saan ito nagmumula – hindi sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan.
Pero hindi ba gawa rin ng tao ang kanyang lipunan? Kung masama ang lipunan, hindi ba ibig sabihin ay masama ang tao?
Ang lipunan ay gawa ng tao Pero hindi niya ito ginagawa nang ayon lang sa kanyang kagustuhan. Hindi itinatayo ang isang partikular na sistema dahil ito ang kanyang kursunada. Tao ang gumagawa ng kasaysayan. Pero mayroon siyang mga obhetibo o materyal na kondisyong ginagalawan na siyang magtatakda ng hangganan ng kanyang igagalaw at mararating.
Noong antigong panahon, hindi pwedeng itayo, o maisip man lang, ang kapitalistang sistema ng produksyon dahil hindi pa umiiral nang panahong iyon ang mga kondisyon para sa paglitaw ng ganitong sistema. Kahit ang pyudal na kaayusan ay hindi uubrang kusang tumubo sa guho ng komunal na lipunan at laktwan ang sistemang alipin. Pwede itong maging imposisyon mula sa labas – sakupin ng isang pyudal na pwersa ang mga lugar na nasa primitibong panahon pa ng komunal na pag-unlad. Pero di uubrang mula sa komunal na paggawa ay natural na tumubo ang pyudal na paggawa. Ito’y sapagkat ang susunod na hakbang mula sa kolektibong pag-aari ay gawin itong pribadong pag-aari, at di maiiwasang dumaan ito sa aliping paggawa para makarating sa porma ng pyudal na pag-aari.
Ang akumulasyon ng pribadong pag-aari para sa porma ng pyudal na relasyon ay obligadong dumaan muna sa sistema ng aliping paggawa dahil tanging sa ganitong paraan maiipon ang malalawak na lupain sa kamay ng uring panginoong maylupa. Sa madaling salita, ang mga sistema ng lipunang dinaanan ng tao sa pag-unlad ng kanyang mga gamit at pwersa sa produksyon ay mga lipunang kanyang sadyang itinayo pero hindi dahil ito ang kanyang pinili at kursunada kundi ito ang itinakda ng kanyang istorikal na sirkumstansya.
Noong panahong sumisibol pa lang ang Kristyanismo sa pusod ng sinaunang sistemang aliping ng Imperyong Romano, nangangaral ng pagkakapantay-pantay ng tao ang unang mga Kristyano na biktima ng persekusyon ng mga paganong tulad ni Pontio Pilato. Ngunit nakabatay ito hindi sa isang pangarap o prediksyon ng isang abanteng lipunan kundi sa sentimental na alaala o kolektibong memorya ng isang nakalipas na panahon – ang primitibong komunal.
Pero ang andar ng kasaysayan ay paabante, hindi paatras. Nang magiba ang sistemang alipin sa pagsiklab ng rebelyon ng masang alipin, hindi bumalik ang tao sa primitibong kaayusan. Ang humalili ay ang sistemang pyudal na ang istandard ng moralidad, pati sng sistema ng produksyon, ay binasbasan ng Katolisismo.
Sa ganitong batayan, tinatapos natin ang usapin ng moralidad sa pagtatayo ng tao ng kanyang lipunan sapagkat itinatayo niya ito hindi batay sa kanyang kagustuhan kundi batay sa kanyang kalagayan – at ang istandard ng moralidad ay inaayon niya sa itsura ng lipunang kanyang ginagalawan. Totoong ang namumukod na "naturalesa" ng tao ay ang kanyang pagiging "rasyunal". Pero ang kaalaman ng tao ay obligadong magsimula sa inaabot na pag-unlad ng lipunan, at mula dito, ay umaabante ang karunungang ibayong nagpapaunlad sa tao.
"Rasyunal" Sa Likod Ng "Trahedya" ng Progreso
Kung, una, ang ebolusyon ng lipunan ng tao ay hindi moralidad kundi nesesidad ang nagtatakda, at ikalawa, kung ang pribadong pag-aari at makauring pang-aalipin ay lumitaw batay sa nesesidad ng pag-unlad ng produksyon, ibig bang sabihin, ay darating rin ang kalagayan na ito’y obligadong pumanaw gaya ng ito’y obligadong lumitaw sa isang yugto ng kasaysayan?
Kung punong-puno man ng "trahedya" ang landas ng progreso, may mababakas ring "rasyunal" ang nilalandas nito. Nagsimula ang tao ng hubad at salat, pero nabuhay sa "makataong" paraan – kung ang kahulugan ng pagiging "makatao" ay ang pantay na karapatan at sama-samang pamumuhay nang walang pagsasamantala at pang-aalipin sa kapwa. Pero nasaan ang pagiging "makatao" nito kung ang pamumuhay ng primitibong tao ay bahagya lang nakakaangat sa karaniwang hayop dahil sa kasalatan sa materyal na nesesidad sa buhay? Dahil salat sa mga nesesidad na ito, naobliga ang tao na paunlarin ang kanyang paggawa, na ang ibig sabihin, ay paunlarin ang kanyang sistema ng produksyon.
Nang umunlad ang kanyang paggawa, ang mga instrumentong naging behikulo ng progreso ay ginawa niyang pribadong pag-aari, at kasabay halos nito, ay ginawang instrumento ng pang-aalipin. Sa pag-abante ng sibilisasyon, naging "makahayop" ang relasyon ng tao sa lipunan – kung ang kahulugan ng pagiging "makahayop" ay ang pagiging mapang-alipin at mapagsamantala, ang pagyaman ng iilan sa paggawa ng nakararami. Pero ang pang-aaliping ito ng mga uring mapagsamantala, at ang pakikibaka laban dito ng mga uring inaalipin ang siya mismong nag-uudyok at gumagatong sa progreso, sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon, sa patuloy na pagsulong at pagbabago ng lipunan.
Sa isang banda, pinipiga ng mga uring mapang-alipin ang kapasidad sa produksyon ng mga uring inaalipin, at ito’y nagbubunga ng progreso. Sa kabilang banda, kapag umaabot sa kasukdulan, naghihimagsik ang mga inaalipin at naghahangad ng pagbabago, at progreso rin ang obhetibo o ultimong tinutungo ng ganitong pagbabago.
Sa kaparaanang ito, sumulong ang lipunan ng tao – ang komunal na paggawa ay pinalitan ng aliping paggawa. Ang aliping-paggawa ay sumulong patungo sa pyudal na paggawa. Hanggang sa abutin nito ang modernong panahon ng sahurang-paggawa sa ilalim ng kapitalismo. Nananatiling mapang-alipin ang lipunan sa kabila ng mga pagbabagong ito sapagkat nananatiling pribadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan.
Ang Susunod na Kabanata
Ang saligang usapin ngayon ay ano ang susunod na kabanata ng pag-unlad ng kasaysayan? Sa panahong ito ng modernong lipunan, hindi pa ba kumakatok ang tao sa ultimong desitinasyon ng kanyang kasaysayan? Sa pagkakaimbento ng makabagong makinarya, at sa isinulong nito sa nagdaang mga siglo’t dekada, hindi ba nakamit na ng modernong tao ang dapat na orihinal na layunin ng paggawa at paggamit ng mga instrumento sa produksyon ng primitibong tao na siyang dapat ay maging ultimong layunin nito – ang mapaginhawa at mapaunlad ang buhay sa lipunan?
Kung ang dating komunal na pag-aari ay obligadong dumaan sa pagiging pribadong instrumento ng pagsasamantala upang marating ang kasalukuyang abanteng antas ng produktubidad, hindi pa ba sapat ang nakalipas na10,000 taon ng pagiging pribado nito para tapusin na ang ganitong klaseng sistemang pinag-uugatan ng kahirapan at pang-aalipin?
Hindi pa ba inaabot ang kalagayang nakamit na ang antas ng progreso at sibilisasyon na pwede nang mabuhay ng masagana, panatag at may dignidad ang bawat tao sa mundo? Hindi pa ba panahong "bumalik" na ang tao sa kanyang pinagsimulan – sa komunal na pamumuhay? Pero sa pagkakataong ito, hindi sa batayan ng iskarsidad ng primitibong paggawa, kundi sa batayan ng prosperidad ng modernong produksyon.
Ang katangian ng modernong produksyon ay "bumalik" na sa anyo ng "sosyalisadong produksyon" – ang modernong bersyon ng "komunal" na paggawa. Ang modernong kalakal ay produkto na muli ng koletibong paggawa. Ang saligang ipinag-iiba nito ngayon ay hindi lang sa tindi ng produktubidad, kundi kumpara sa primitibong panahon, ito ay ang pribadong pag-angkin sa produkto ng komunal na paggawa ng buong lipunan. Ang mga pangarap ng unang mga Kristyano sa panahon ng rebelyon laban sa sinaunang sistema ng pang-aalipin – ang ideya ng pagkakapantay-pantay – ay pwede nang matupad ngunit hindi sa batayan ng pagbalik sa primitibong produksyon kundi sa pagsulong ng modernong industriya.
Nagsimula ang pribadong pag-aari nang makawala ang tao sa komunal na paggawa dahil sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon. Ngayong bumalik na ang tao sa kolektibong paggawa, hindi ba’t nararapat lang na bumalik na rin ang tao sa kolektibong pag-aari ng mga instrumento ng kanyang ikabubuhay?
Kung sumapit na ang tao sa ganitong antas ng pag-unlad – ang kakayahang puksain ang paghihikahos ng mayorya at wakasan ang pang-aalipin sa lipunan – ang usapin ng pribadong pag-aari bilang ugat ng ganitong salot ay nagtatapos na rin bilang simpleng usapin ng nesesidad, at dapat nang itanghal bilang usapin ng etika at moralidad, ng tama at mali, ng masama at mabuti. Ang panlipunang progreso ay obligado nang maging usapin ng hustisyang panlipunan.
PATAPOS na ang kasalukuyang siglo – sandaang taon ng walang kaparis na pagsulong ng ekonomya ng daigdig. Ang pagdagsa ng modernong mga bagay na istandard ngayon ng komportableng pamumuhay ay lumitaw lang sa huling siglo ng papatapos na milenyo, laluna sa huling 50 taon nito.
Marami sa sopistikadong mga produkto* ng modernong lipunan ay di inakala, kahit sa imahinasyon, na maiimbento o mapoprodyus ng tao sa maiksing panahon ng 50 taon. Ito’y kung iisipin na inabot ng daan-daang libong taon para lang lampasan ng primitibong tao ang pamumuhay sa kweba at gubat, bitbit ang simpleng palakol na bato.
10 Taon Katumbas Ng 10,000 Taon
Mula sa halos $5 trilyon noong 1950, ang produksyon ng mundo ay lumago sa $29 trilyon noong 1997 – lumaki nang halos anim na beses. Ibig sabihin, ang buong produksyon ng modernong daigdig sa bawat 10 taon mula 1950 ay mas malaki pa sa buong produksyon ng sangkatauhan sa nakalipas na 10,000 taon mula nang matuto ang tao ng agrikultura at umusad ang sibililisasyon.
Ganito na ang inasenso ng produktubidad ng tao! Ang buong produksyon ng modernong mundo sa loob lang ng 50 taon ay anim na beses na mas malaki kaysa kabuuang produksyon sa nakalipas na 7 milyong taon mula nang umangat ang tao sa antas ng ordinaryong hayop. Ganito na ang inasenso ng modernong daigdig, pero bakit hikahos at miserable pa rin ang buhay ng mayorya ng tao? Nasaan ang kayamanang likha ng lipunan?
Nasaan Ang Kayamanan ng Mundo?
Ayon sa Forbes Magazine (1998), ang kabuuang ari-arian ng 225 na pinakamayayamang tao sa mundo ay lampas na sa $1 trilyon.
Anong klaseng sistema ito na ang kayamanan ng 225 na tao sa daigdig ay katumbas ng kabuuang taunang kita ng 2,500,000,000 na tao sa buong mundo? Ang pinakamayaman ay ang Amerikanong si Bill Gates. Bakit may isang tao sa planetang ito na naliligo sa yamang umaabot sa $90 bilyon habang ang 1,300,000,000 tao ay hindi man lang kumikita ng katumbas ng halaga ng 1 dolyar isang araw o ang kalahati ng populasyon ng buong mundo – 3,000,000,000 tao – ay hindi man lang kumikita ng katumbas ng 2 dolyar isang araw.
Sino ang Nagpapasasa?
Kung anu-anong modernong aparato ang inimbento para maging komportable ang buhay sa lipunan. Umabot na sa 500,000 milyon ang produksyon ng kotse. Pero hanggang ngayon, 2 bilyong tao ang wala man lang kuryente sa bahay. Ang konsumpsyon sa komersyal na enerhiya ng 20% ng pinakamayaman sa daigdig ay nasa 57% samantalang ang konsumpsyon ng mahigit sa isang bilyong tao ay nasa 4% lang ng kabuuang produksyon ng enerhiyang ito.
Panahon pa ng antigong lipunan nang maibento ang pagsusulat at pagbabasa. Kinukonsumo ng industriyal na mga bansa ang 84% ng kabuuang produksyon ng papel sa mundo. Pero sa panahong ito ng "Information Revolution", isang bilyong tao ang illiterate. Halos 900 milyong bata ang di umaabot ng grade 5 sa iskwelahan. Kahit sa mga bansang industriyal, ___ milyong ang nasa kategoryang mababang antas ng literacy.*
Naliligo ang mundo sa Coca Cola at Pepsi Cola na ang pinagsamang benta ay nasa $_____ bilyon. Pero hanggang ngayon, mahigit 30% ng 4.4 bilyon na tao sa mahihirap na bansa ay walang iniinom na malinis na tubig. Walang kaparis ang isinulong ng medisina. Ang gastos sa kulusugan ng mga bansang industriyal ay umaabot sa halagang $____ bilyon. Pero mahigit sa isang bilyong tao sa mahihirap na bansa ang di nakakatikim ng modernong serbisyong pangkalusugan. Taun-taon ay 17 milyon ang namamatay sa dapat ay nagagamot nang mga sakit na gaya ng tuberculosis, diarrhea, measles, malaria, atbp.
Tuloy-tuloy ang paglago ng produksyon ng pagkain sa buong mundo. Ang butil ay nasa 866 milyong tonelada. Ang karne ay 199 milyong tonelada. Ang isda ay 116 milyong tonelada. Pero ang kumukonsumo sa ___% ng produksyon ng pagkain ng mundo ay 20% lang ng pinakamayayamang habang ___% ang natitira para sa pinakamahihirap na 20% ng populasyon. Dahil sa kapos sa tamang pagkain, 3.6 bilyon na tao ang may iron deficiency, 1 bilyon ang kulang sa protina, 2 bilyon ang anemic.
Ang industriya ng konstruksyon ay todo-todo ang inabante sa nagdaang mga dekada. Ang kabuuang produksyon nito ay umaabot na sa $____ trilyon. Pero mahigit sa 1 bilyong tao ay walang maayos na tirahan at walang kasiguruhan ang paninirahan. Sa mahihirap na bansa, 100 milyon ang ganap na walang bahay kahit barong-barong. Ganito rin ang bilang sa mga bansang industriyal. Walang kaparis ang isinulong ng produktubidad sa lipunan at inilalago ng kayamanan sa daigdig. Pero mahigit sa 3 bilyong tao ang walang sapat o tiyak na hanapbuhay.
Di-Pantay na Distribusyon Ng
Walang Kapantay Na Produksyon
Maliwanag kung sino ang tumitiba sa progreso. Ayon sa United Nations Development Program (UNDP), ang pinakamayamang 20% ng populasyon ang kumakamkam sa 86% ng pandaigdigang produksyon habang ang pinakamahirap na 20% ng populasyon o mahigit sa 1.2 bilyon na tao ay nagdidildil sa natitirang 1.3%!
Noong 1960, ang karaniwang kita ng pinakamayamang 20% sa mundo ay 30 beses na mas malaki kaysa kita ng pinamahirap na 20%. Pagdating ng 1995, lalong lumaki ang agwat na ito sa kabuhayan – mas malaki ng 82 beses, sa kabila ng lumago ng halos 6 na beses ang produksyon ng daigdig habang ang populasyon ay lumaki lang naman ng ___ beses.
Ang istatistikang ito ay batay sa diperensya sa kita sa pagitan ng mga bansa at hindi pa sa pagitan ng mga indibidwal. Ibig sabihin, ang buong populasyon ng US, pati ang mahihirap na Amerikano, ay kasama sa pinakamayamang 20%. Kapag ang distribusyon ng kita sa daigdig ay kinuwenta batay sa indibidwal na kita imbes na sa kita ng bansa, ang magiging agwat ng karaniwang kita ng 20% ng pinakamayayaman ay mas malaki ng 150 na beses sa karaniwang kita ng 20% ng pinakamahihirap.
Sa sinasabing 20% ng pinakamayayaman sa mundo, kabilang ang 100 milyong taong itinuturing na hikahos sa mga bansang industriyalisado, ang 37 milyon na walang mga trabaho. Sa gitna ng karangyaan ng mga bansang ito, 100 milyon ng kanilang populasyon ay walang bahay na mga palaboy at pulubi.
Mismo sa US – ang sinasabing pinakaabanteng bansa – grabe ang agwat ng kalagayan ng mayaman at mahirap. Ang distribusyon ng yaman sa Amerika ay nilalarawan ng kalagayang 1% lang ng mga pamilya ang kumukontrol sa 59% ng kabuuang yaman nito. Ang 83.1% ng yaman sa US stock market ay pag-aari ng pinakamayamang 10% at ang 37.4% ay pag-aari ng kalahating porsyento (0.5%) lang ng populasyon!
Noong 1978, isa lang ang bilyonaryo sa US. Pagdating ng 1994, dumami ito sa bilang na 120. Mula 1977 hanggang 1989, ang kita ng 1% ng pinakamayayamang pamilya sa US ay tumaas ng 78% habang ang pinakamahirap na 20% ng mga Amerikano ay bumagsak ang kita ng 10.4%.
Ayon sa ulat ng US Census Bureau, ang sahod na tinatanggap ng 18% ng "full-time" na mga manggagawang Amerikano noong 1992 ay hindi sapat para mabuhay ang isang pamilyang may apat na myembro ng lampas sa "official poverty line" na $13,091. Ang bilang na ito ay mas malaki sa dating 12% noong 1979. Sa "full-time" na mga manggagawa sa edad na 18-24, 47% ay sumasahod ng mababa sa poverty line kumpara sa 23% noong 1979. Ang report na ito ay hindi nagbibigay ng tamang larawan ng tunay na bilang ng mahihirap sa US dahil ang kitang $20,000 at hindi $13,091 ang itinuturing ng ibang eksperto na dapat na istandard para mabili ang nesesidad ng isang pamilya sa Amerika.
Dinidiin dito ang deskripsyon na "full-time worker" dahil noong 1993, umaabot na sa 21 milyon ang mga "part-time" ng mga manggagawa sa US na halos ang sankatlo ay gustong maging "full-time" pero walang mapasukan. Marami sa mga "part-timers" na ito ay mga kontraktwal na mga manggagawa. Ang bilang ng mga manggagawang nasa empleyo ng tinanatawag na mga "temp agencies" ay lumago ng 240% sa nakalipas na sampung taon. Noong ___, mayroong 7,000 "temp agencies" sa US na ang pinakamalaki, ang Manpower Inc., ay mayroong 600,000 na kontraktual na manggagawa. Ito na ngayon ang pinakamalaking pribadong employer sa US.
Noong 1989, ang 1% na nasa tuktok ng lipunang Amerikano ay may karaniwang taunang kita na $559,795. Ang pinagsamang kita ng 1% na ito ay mas malaki kaysa kabuuang kinita ng nasa ilalim na 40% ng populasyon ng Amerika. Noong 1960, ang kita ng karaniwang CEO (Chief Executive Officer) ng nangungunang mga kompanya sa US ay mas malaki ng 40 beses sa kita ng karaniwang manggagawang Amerikano. Pagdating ng 1992, ang kanilang sweldo ay mas malaki na ng 157 na ulit kumpara sa sahod ng ordinaryong manggagawa. Noong taong ding ito, isang CEO sa US ay tumanggap ng kompensasyon na $127 milyon bilang pakonswelo sa mahusay takbo ng kompanya. Ito ay mas malaki ng halos 780,000 na beses kumpara sa $163 na taunang kita ng bawat indibidwal na kabilang sa 20% ng pinakamahihirap na tao sa buong daigdig!
Pero "sisiw" pa ang kitang ito ng mga CEO kapag ikinumpara sa tinitiba ng kanilang mga amo. Ang 400 na pinakamayamang tao sa Amerika ay lumago ang pinagsamang yaman sa $328 bilyon noong 1993 mula $92 bilyon noong 1982. Ito’y mas malaki sa pinagsamang kita ng isang bilyong taong naninirahan sa India, Bangladesh, Sri Lanka at Nepal!
Ang $20 milyon na kinita ni Michael Jordan noong 1992 bilang promoter ng sapatos na Nike ay lampas-lampasan sa buong taunang payroll ng mga pabrika sa Indonesia na may gawa ng mga sapatos na ito. Ang por orang bayad sa kababaihan at kabataang Indonesian na gumawa ng mga sapatos na ito ay katumbas ng 15 US cents at ang gastos sa produksyon ay $5.60. Pero ang benta nito sa US o Europe ay na nasa $73 hanggang $135 bawat pares. Noong 1997, lalong lumago ang ari-arian ng mayayamang Amerikano. Sa listahan ng 225 na pinakamayayamang tao, kasama ang 60 Amerikano na may kabuuang yaman na $311 bilyon.
Ang Yaman Ng 225 Ay Sobra-Sobra Para Mapaginhawa ang Mundo
Ayon sa UNDP, ang daigdig ay may sapat na rekurso para guminhawa ang buhay ng lahat ng tao at burahin ang kahirapan sa ibabaw ng planetang ito. Sa tantya nito, ang kailangang adisyunal na taunang imbestment para kamtin ang unibersal na oportunidad sa saligang mga serbisyong panlipunan ay nasa $40 bilyon, o 0.1% ng kita ng mundo. Ito’y wala pa sa kalahati ng kabuuang kayamanan ni Bill Gates o ___ % ng kabuuang yaman ng 225 na pinakamayayaman indibidwal sa mundo!
Sa kwenta ng UNDP, ang adisyunal na taunang kailangan para sa batayang edukasyon ay $6 bilyon. Mas maliit pa ito kaysa inuubos ng US para sa mga kosmetiko na nagkakahalaga ng $8 bilyon! Ang kailangan para sa tubig at sanitasyon ay $9 bilyon. Mas maliit pa ito sa ginugugol para sa ice cream ng mga taga-Europa na nagkakahalaga ng $11 bilyon! Ang kailangan para sa malusog na pangangalaga sa pagbubuntis ay $12 bilyon. Katumbas ito ng ginagastos sa Europe at US para lang sa pabango! Ang kailangan para sa batayang kalusugan at nutrisyon ng mahihirap ay $13 bilyon. Mas maliit pa kaysa ginagastos para sa pet foods sa US at Europe na umaabot sa $17 bilyon!
Ito ang "kababalaghan" at "kabaliwan" ng modernong sistema ng kapitalismo. Bumabaha sa mundo ang mga produktong sukatan ng komportable at modernong pamumuhay. Pero miserable pa rin ang kalagayan ng mayorya ng tao. Kahit simpleng nesesidad ay hindi matugunan. Parang hindi nagbago ang sitwasyon sa nakalipas na panahong atrasado at primitibo pa ang mundo. Iisa ang eksplinasyon sa ganitong istagnasyon ng pamumuhay ng karamihan sa kabila ng lahat ng modernisasyon ng instrumento. Ang kayamanang likha ng marami ay inaangkin ng iilan dahil kanila ang mga kagamitang sa produksyon – sa kabila ng katotohanang ito ay produkto ng paggawa ng buong lipunan, ng lahat ng taong nagtatrabaho.
ANG mineral na hinukay ng mga manggagawa sa Afrika ay gagawing mga makina ng mga manggagawa sa Amerika. Isasakay sa mga barkong gawa ng mga manggagawa sa Europa para dalhin sa India para gamitin sa paghabi ng tela na ang hilaw na materyales ay galing naman sa Canada. At muling isasakay sa barko na gawa naman ng Japan para dalhin sa Pilipinas upang tahiin ng mga manggagawang Pilipino at gawing mga T-shirt na dadalhin naman sa US at iba pang bansa para doon ibenta. Sa presyo ng bawat piraso ng T-shirt na ito ay pumasok ang halaga ng depinidong kantidad ng pandaigdigang paggawang nakonsumo sa produksyon ng T-shirt na "Made in the Philippines". Sa katunayan, ang buong halaga na kinakatawan ng presyo nito ay kumakatawan sa lahat ng paggawang nakapaloob dito.*
Ganito ang larawan ng modernong industriya ng malakihang produksyon. Ang iniluluwal nitong mga kalakal ay produkto ng paggawa ng buong lipunan, ng paggawa ng magkakaibang tao. Hindi lang sa isang pagawaan, kundi sa buong lipunan. Hindi lang sa loob ng isang bansa kundi sa buong daigdig. Hindi maaring angkinin ng isang indibidwal ang produksyon ng modernong kalakal dahil ito’y kolektibong produkto ng iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang lugar.
Produkto ito ng lipunan, ng sangkatauhan pero ginagawang pribadong pag-aari ng ilang indibidwal na ni walang partisipasyon sa aktwal na produksyon. o proseso ng paggawa. Sila ang tinatawag nating mga kapitalista. Ang bilyun-bilyong piraso ng milyun-milyong klase ng mga kalakal na nagkakahalaga ng trilyun-trilyong dolyar na umiikot sa daan-daang mga bansa ay kolektibong paggawa ng ilang bilyong tao pero inaangkin bilang pribadong pag-aari ng maliit na minorya, ng kapiranggot na porsyento ng populasyong nasa tuktok ng modernong kahariang tinatawag na kapitalismo. Nasaan ang moralidad ng ganitong klaseng sistema?
Mas Mapagsamantala Ang Sahurang-Paggawa Kaysa Pwersahang-Paggawa
Ang unang mga aristokrata at asendero ay may mga latigo para hagupitin sa pwersang paggawa ang unang mga henerasyon ng alipin sa lipunan. Ang mga kapitalista ng modernong panahon ay walang ganitong mga hagupit. Pero maiinggit ang mga "dugong bughaw" ng lumang daigdig sa kayamanan ng mga naghaharing uri sa modernong mundo. Walang mga emperor ng unang panahon na nakapagkamal ng yamang katumbas ng pag-aari ngayon ng 225 na pinakamayamang mga kapitalista.
Paanong nagkakamal ng ganito kalaking yaman ang mga taong ito kahit walang pwersahang paggawa? Paano nangyaring naghihikahos pa rin ang mayorya ng populasyon – hindi umasenso sa kabuhayan ng mga alipin ng antigong panahon – gayong pantay na raw ngayon ang mga karapatan ng indibidwal sa sibilisadong lipunan at walang kapantay ang kapasidad sa produksyon ng kapitalismo?
Isang bagay ang hindi nagbago sa antigo at modernong mundo: Ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Nagbago ang mga kagamitan – ang mga araro ay pinalitan ng mga traktora. Ang de-kamay na mga instrumento ay pinalitan ng awtomatikong makinarya. Pero pribado pa rin ang pagmamay-ari nito. Sa kamay ng paggawa, ito’y instrumento ng progreso. Ngunit bilang bahagi ng kapital, bilang pribadong pag-aari ng mga kapitalista, ito’y nananatiling instrumento ng pagsasamantala at pang-aalipin ng tao sa tao, ng sobrang pagyaman ng ilan sa sobrang paghihirap ng marami.
Ang Tumutubo At Tumitiba Sa Tumataas Na Produktubidad ng Paggawa
Sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon, ay tumataas ang produktubidad ng paggawa. Ang ibig sabihin ng pagtaas ng produktubidad ay pagdami ng materyal na yamang nalilikha sa bawat oras ng paggawa o ang paggawa ng parehas na dami ng produkto sa mas maikling oras ng paggawa.
Gamitin nating halimbawa ang produksyon ng simpleng karayom noong nagsisimula pa lang ang kapitalismo. Ayon kay Adam Smith – isa sa panakaunang propeta ng kapitalismo – ang sampung manggagawa noong panahon niya ay nakagagawa ng 48,000 karayom sa isang sa isang araw. Nang maging mekanisado ang produksyon ng karayom noong 1860s, ang isang makina ay may kapasidad na yumari ng 145,000 na piraso sa isang araw ng paggawa na noo’y umaabot ng 11 oras. Ang isang babae o batang manggagawa ay kayang humawak noon ng apat na ganitong klaseng makina at nakakagawa ng 600,000 karayom sa isang araw – 3,000,000 sa isang linggo! Ibig sabihin, ang dating produktubidad ng isang manggagawa ay tumaas ng 12,400% nang gamitan ng makina.
Pero tumaas ba ang halaga ng lakas-paggawa, bumuti ba ang kanilang kalagayan sa pagtaas na ito ng produktubidad? Baliktad ang nangyari. Ang dating manggagawang lalaki na bihasa sa lumang paraan ng paggawa ng karayom ay pinalitan ng babae o batang manggagawa na mas mura ang trabaho dahil hindi na skilled labor ang kailangan. Binawasan ang proporsyon ng trabahador kumpara sa nilalargang kapital dahil ang dating trabaho ng 125 na manggagawa ay kaya nang gampanan ng isa! Sino ang tumiba sa ganitong progreso? Walang iba kundi ang kapitalistang may-ari ng mekanisadong pabrika ng karayom!
Pagsilang Ng Kapitalismo Sa Paglitaw Ng Sahurang-Paggawa
Nang magsimula ang kapitalismo, halimbawa sa England, ang unang bansang naging industriyalisado, wala pang mga makina. Nagiging kapitalista ang isang sistema ng produksyon, hindi pa dahil sa paggamit ng makinarya kundi mas ang saligan pang batayan ay ang paggamit ng sahurang-paggawa..
Nang ang lakas-paggawa ng tao ay maging kalakal, ibig sabihin, pwede nang bilhin ng may-ari ng kwarta nang por ora o por araw, nagsimula ang kapitalistang paraan ng produksyon. Ang kapitalismo ay ang transpormasyon at paglago ng kwarta sa anyo ng kapital sa pamamagitan ng pagbili at paggamit ng lakas-paggawa bilang kalakal.
Bago lumitaw ang kapitalistang sistema ng produksyon, ginagamit na ang kwarta bilang "puhunan". Ang isang "merchant" noong unang panahon ay mamimili ng mga kalakal sa isang lugar o sa ibang bansa, pagkatapos ititinda ito sa ibang lugar nang may "patong" ang orihinal na presyo. Ang "patong" na ito ang kanyang "tubo". Sa ganitong simpleng paraan lumalago ang kanyang kwarta – sa pamimili at pagbebenta. Kahit panahon ng antigong sistemang alipin ay mayroon nang ganitong "merchant capital".
Kahit ngayon ang simpleng tindera sa talipapa ay ganito ang sistema – bibili nang mas mura, magbebenta nang mas mahal para tumubo. Pero hindi sa ganitong paraan ang pagtubo ng kapital sa kapitalistang sistema ng produksyon. Kung sa "buy and sell" lang tumutubo ang orihinal na pera ng kapitalista, walang ipag-iiba si Aling Petrang tindera sa talipapa sa Kanong bilyonaryong si Bill Gates.
Kung ang kapitalistang "tubo" ay eksklusibong manggagaling lang sa sirkulasyon ng mga kalakal – sa buy and sell – bakit mamumuhunan pa ang isang may kwarta sa mismong produksyon ng kalakal kung hindi naman pala dito nanggagaling ang tubo kundi sa kalakalan. Kung walang tubo sa aktwal na produksyon ng mga kalakal, at nasa "buy and sell" lang ang tubo, sino pang may kwarta ang mamumuhunan sa produksyon? Maghihintay na lang ang sino mang negosyante sa pamilihan para bumili nang mas "mura" para ibenta ito nang mas "mahal" para tumubo ang kanyang kwarta. Pero kapag walang namuhunan sa produksyon ng mga kalakal, ano ang ipagbibili at ititindang mga kalakal?
Kaibhan ng Kapitalismo Bilang Sistema ng Produksyon
Narito ang distinksyon ng kapitalismo sa naunang mga sistema – ang paglago ng kwarta sa mismong proseso ng produksyon sa pamamagitan ng sahurang-paggawa. Sa naunang mga sistema, ang surplas na produkto ay simpleng kinakamkam ng panginoong maylupa o ng panginoong may-alipin sa uring inaalipin sa pamamagitan ng pwersahang paggawa.
Sa klasikong pyudalismo, ang magsasaka ay simpleng inoobligang bungkalin ang porsyon ng lupa para sa asendero habang ang ani sa isang porsyon ay para sa magsasaka. Nang pabagsak na ang pyudalismo, pinalitan ito ng pormang buwisan. Inoobliga ang magsasakang magbigay sa kanyang amo ng isang porsyon ng kabuuang ani o kaya’y magbayad ng pirmis na kantidad ng ani o salapi bilang upa sa lupa. Sa ilalim naman ng sistemang alipin, ganap na walang karapatan ang alipin sa produkto ng kanyang paggawa. Pero dahil walang saysay na patayin siya sa gutom ng kanyang amo, siya at ang kanyang pamilya ay sinusustentuhan para patuloy na alipinin.
Sa pyudal at aliping mga sistema, ang pag-angkin ng may-ari ng kagamitan sa produksyon ay sa pwersahang paggawa. Pinalalaki ng mapang-alipin o mapang-alilang panginoon ang surplas na produkto sa dalawang paraan: Ang pagpapalawak ng lupain o pagpaparami ng mga alipin, at sa sukdulang pagpiga sa pisikal na hangganan ng pwersahang paggawa.
Imbes na paunlarin ang mga instrumento, mas umasa ang mga lumang sistemang ito sa paghagupit sa masang alipin o magsasaka, at sa ibayong pananakop para maparami ang masasaklaw na mga lupain o mabibihag na mga alipin. Nasa kalikasan mismo ng mga sistemang ito ng produksyon ang umabot sa isang antas ng istagnasyon ang pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon pati ang produktubidad ng mga pwersa sa paggawa. Nang masagad ang kapasidad ng mga instrumento, binalingan ang pagpiga sa pwersahang paggawa na di naglaon ay nagpasiklab sa mga rebelyon at nagpabagsak sa mga antigong sistemang ito.
Ngunit sa mga syudad ng lumang mga sistemang ito, gradual pero sustenadong umunlad ang mga industriyang handicraft at ang produksyon ng mga artisano na nagpapakabihasa sa kanilang ispesyalisadong mga produkto at paggawa. Ito ang mga tagahabi ng tela, tagatahi ng mga damit, gumagawa ng mga sapatos, tagapanday ng mga produktong metal, tagamolde ng mga pottery, gumagawa ng mga simpleng instrumento sa produksyon, at kung anu-ano pang mga produkto at serbisyo na lumitaw sa pag-unlad ng dibisyon ng paggawa sa sinaunang mga lipunan. Patuloy ang kanilang pagpapaunlad ng mga instrumento at materyal sa produksyon ng lumang mga sistema. Sa kanilang mga instrumento at ispesyalisadong paggawa. nagkakaroon ng limitadong aplikasyon ang pag-unlad ng syensya sa anyo ng teknolohiya.
Ang mga instrumentong ito ng sinaunang mga craftsmen at artisano ang sinunggaban ng kapital ng lumitaw ito sa lipunan. Sa pamamagitan ng alipin at pyudal na paggawa, ang isang rekisito ng kapitalismo – ang konsentrasyon ng salapi o yaman sa kamay ng ilang indibidwal – ay maagang naipundar. Sa pamamagitan ng pag-unlad ng gawaing handicraft at artisano, nailatag rin ang kailangang mga kagamitan sa produksyon para sa pagsilang ng kapitalistang sistema.
Paglitaw Sa Mundo Ng Lakas-Paggawa Bilang Kalakal
Ngunit kahit ilang daan o libong taon nang umiiral ang mga sangkap na ito, pinaglilihi at kumikislot lang ang kapitalismo sa sinapupunan ng lumang kaayusan pero hindi tuluyang mailuwal.
Ang konsentradong kwarta ay hindi ganap na matransporma sa kapital at ang mga instrumento ay hindi makonsentra sa pabrika hanggat wala ang isang sangkap – ang mapagpasyang sangkap sa pagsilang ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Ito’y ang istorikal na transpormasyon ng lakas-paggawa bilang kalakal, ang paglitaw ng sahurang-paggawa. Kailangan ang mga sahurang manggagawa dahil sila ang gagawa ng tubo para ang kwarta ay maging kapital sa mismong proseso ng produksyon.
Nagkaroon lang ng sahurang-paggawa kasabay ng paglitaw ang kapitalistang sistema ng produksyon, mga 500 taon na ang nakalilipas.* Dati rati, ang lakas-paggawa ay hindi isang kalakal. Sa sistemang alipin, ang tao ang mismong kalakal hindi lang ang kanyang paggawa. Ang ipinagbibili ay ang tao, ang kabuuan ng kanyang katawan pati ang kanyang pamilya.. Ang alipin mismo ang pag-aari ng kanyang amo, hindi lang ang kanyang kakayahang magtrabaho.
Sa sistemang pyudal naman, hindi rin ipinagbibili ang lakas-paggawa ng magsasaka. Obligasyon niyang magtrabaho para sa kanyang panginoon habang obligasyon naman ng amo na maglaan ng porsyon na mabubungkal ng magsasaka para sa kanyang sariling benepisyo. Hindi man siya pribadong pag-aari ng kanyang among asendero, hindi naman siya pwedeng umalis sa lupaing kanyang binubungkal o magtrabaho para sa ibang amo. Tulad ng kalabaw, siya’y habambuhay na nakasingkaw sa lupa ng asendero – hindi sa pamamagitan ng lubid kundi ng mga dekreto at tradisyon ng pyudalismo.
Hindi rin sahurang-paggawa ang orihinal na sistema ng mga craftsmen o artisano. Sila’y nagtatrabaho ng walang amo dahil kanila ang materyales at instrumento sa produksyon. Ang kanilang mga assistant o apprentice kadalasan ay kanilang kamag-anak at hindi simpleng mga swelduhan na gaya ng mga manggagawa sa pabrika. Nagtatrabaho sila kasama ang master craftsman o punong artisano para matuto at magsanay sa ganitong linya ng ispesyalisadong paggawa upang bandang huli ay magsarili at magtayo ng sariling talyer. Ang mga alok at sulsol ng merchants para "kapitalan" ang kanilang produksyon ay kanilang tinatanggihan. Nilimitahan nila ang merchants sa buy and sell ng kanilang produkto. Mismo ang pagdami ng mga assistant at apprentice ng isang master craftsman o punong artisano ay nilimitahan ng kanilang mga asosasyon para maiwasan ang sila’y mag-agawan at magswapangan sa kani-kanilang mga linya ng industriya o ispesyalisasyon.
Kaya’t hanggang sa isang panahon, hindi lumitaw sa ibabaw ng antigong mga lipunan ang sahurang-paggawa. Ang paggawa ng tao ay nasa anyo ng aliping paggawa, pyudal na paggawa, at indepedyenteng. Walang mabiling lakas-paggawa ang mga may-ari ng kwarta dahil hindi pa ito isang kalakal na "mabibili" at "itinitinda" sa lipunan na gaya sa ngayon na may tinatawag na "labor market" at sobra-sobra ang suplay ng paggawa sa anyo ng mga taong walang trabaho.
Pero nang magsimulang gumuho ang pyudal na kaayusan dahil sa istagnasyon, tumindi ang rebelyon ng mga magsasaka sa sukdulang kahirapan sa kanayunan, tinakasan ang mga asendero at ang naaagnas na mga asyenda. Lumitaw ang seksyon ng populasyon na "pinalaya" ang kanilang sarili sa pyudal na pang-aalila at "lumalaboy" sa mga kalunsuran nang walang ikabubuhay dahil walang anumang ari-arian. Sila ang tinawag na mga "proletaryado", ang klase ng mga tao o seksyon ng populasyon na walang ibang pag-aari, walang ibang posesyon kundi ang kanilang kakayahang magtrabaho, ang kanilang lakas-paggawa. Sila ang orihinal na mga maralitang lungsod ng modernong "sibilisasyon" na lumikas sa sukdulang paghihikahos sa kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran sa paghahanap ng ikabubuhay.
Nang magtagpo ang aspiranteng mga kapitalista na may-ari ng kwarta at ang proletaryong mga may-ari ng kalakal na lakas-paggawa, isinilang sa liwanag ang bagong sistema ng produksyon – ang sistema ng kapitalismo.
Sa simula’y simpleng tinipon ng unang mga kapitalista sa isang bubong ang orihinal na mga instrumento at materyal sa produksyon ng sinaunang craftsmen at artisano ng pyudal na sistema. Kahit parehas ang mga instrumento, materyales at produkto – at simpleng kinukonsentra lang sa isang bubong ang mas malaking bilang ng mga manggagawa at kasangkapan sa produksyon – agad lumitaw ang superyoridad ng sistemang ito kaysa indepedyenteng paggawa ng maliliit na master craftsmen at artisano. Mula sa simpleng ko-operasyon na ito ay umunlad ang kapitalistang sistema ng manupaktura na mayroon nang dibisyon ng paggawa sa loob ng pagawaan kahit wala pa rin mga modernong makinarya.
Sikreto Ng Kapitalistang Sistema ng Produksyon
Ang panimulang pormang ito ng kapitalistang ko-operasyon sa produksyon – kahit sa simula’y wala pang dibisyon ng paggawa sa loob ng mga pabrika – ay mas produktibo, at samakatwid, mas mura kaysa produkto ng indepedyenteng paggawa ng mga craftsmen at artisano. Mabilis itong lumago dahil sa laki ng tinutubo sa pagpiga sa produktubidad ng lakas-paggawa. Buong-buo, ang tubo ay nanggagaling sa lakas-paggawa, hindi sa mga instrumento o materyales sa produksyon. Narito ang sikreto ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Ang gastos sa materyales, instrumento at pasweldo ay simpleng ipinapasok ng kapitalista sa presyo ng yaring produkto. Kahit hindi patungan o dayain ang presyo ng kanyang produkto, – gaya ng isang trader o merchant – tumutubo pa rin ang kapitalista dahil ang kanyang tubo ay galing sa proseso ng produksyon. Magkano man ang nagastos niya sa hilaw na materyales at instrumento, at kanyang matapat na inilipat ang katumbas na halaga nito sa presyo ng yaring produkto, titiba pa rin ang kapitalista ng limpak-limpak na tubo. Sa paanong paraan?
Ito’y dahil may porsyon ng bawat araw ng paggawa na "libre", may porsyon sa oras ng paggawa ng bawat manggagawa na walang bayad o walang gastos ang kapitalista, at dito nagmumula ang kanyang tubo. Ang libre’t walang bayad na oras ng paggawang ito ang bukal na pinagsasalukan ng kapitalistalistang tubo at siyang "naturalesa" ng kapitalistang sistema ng produksyon.
Bakit natin ito sinasabing libre o walang bayad gayong pinaswelduhan naman ng kapitalista ang manggagawa? Ipagpalagay man na binayaran ang kalakal na lakas-paggawa sa tunay na halaga nito – ang saligang punto ay magkaiba ang "halaga" ng lakas-paggawa sa "halagang" nalilikha nito kapag umandar na ang trabaho. Ang halaga ng isang araw na kakayahang magtrabaho na kinakatawan ng kanyang "presyo" na tinatawag nating "sahod" ay hindi katumbas ng bagong "halagang" kanyang nalilikha sa aktwal na proseso ng pagtatrabaho sa loob ng isang araw ng paggawa.
Kung ang babayaran ng kapitalista ay hindi ang halaga ng kakayahang magtrabaho kundi ang halaga ng aktwal na trabaho – ang resulta ng aktwal na trabaho – hindi lang sa magiging napakataas ng magiging sahod ng manggagawa kundi walang tutubuin ang kapitalista sa mismong produksyon. Kung hindi tutubo ang kapital sa mismong produksyon, hindi magkakaroon ng kapitalismo sa daigdig.
Ang Sahod Bilang Presyo Ng Lakas-Paggawa
Pero hindi ba ito pandaraya? Hindi ito pandaraya kung ang gagamitin nating istandard ay ang sistema ng pagtatakda ng halaga ng mga kalakal sa lipunan. Ang halaga ng mga kalakal ay sinusukat hindi sa kanilang kabuluhan kundi sa nakonsumong oras ng paggawa pati sa ginamit na instrumento at materyales.
Magkakaiba ang kabuluhan ng mga bagay. Kahit ang parehas na bagay ay magkakaiba ang kabuluhan sa magkakaibang tao. Kaya’t hindi pwedeng ang kabuluhan (use-value) ang maging sukatan ng halaga (exchange-value) ng mga kalakal sa lipunan.
Halimbawa, walang kasing-importante ang gulay sa katawan ng tao. Pero ito’y hamak na mas mura kaysa perlas na pang-arte lang sa katawan. Mas mahal ang perlas dahil mas matagal ang artipisyal na pagpapatubo nito sa loob ng talaba o ang paghahanap ng natural na bersyon nito sa ilalim ng dagat. Magkaiba ang kanilang halaga hindi pa dahil magkaiba ang kanilang gamit kundi magkaiba ang kantidad ng paggawang nagamit sa kanilang produksyon. Ito ang tinatawag na oras-paggawa na unibersal na sukatan ng halaga at palitan ng mga kalakal sa lipunan.
Alinsunod sa paraang ito ng determinasyon ng halaga, magkano ang halaga ng lakas-paggawa bilang kalakal? Ang halaga ng ordinaryong lakas-paggawa ay laging kinukwenta kung magkano ang arawang gastos para mabuhay ang karaniwang manggagawa pati ang kanyang pamilya. Gaya ng sinaunang mga alipin, kung papatayin sa gutom ang pamilya ng manggagawa, darating ang panahong mauubos ang lahing ito at walang magpapaandar sa mga pabrika ng uring kapitalista.
Ang produksyon at reproduksyon ng buhay ng manggagawa ang sukatan ng halaga nito dahil ito ang kalakal na pwede lang umiiral lang sa loob ng buhay na katawan ng tao. Sa madaling salita, ang pangangailangan para mabuhay ang karaniwang manggagawa ang batayan ng halaga ng karaniwang lakas-paggawa. Kung mura man ang lakas-paggawa, ito’y dahil ang halaga nito – sa istandard ng kapitalistang lipunan – ay batay lang sa mga nesesidad para sa produksyon at reproduksyon ng ganitong kalakal. Ang siya’y makabalik sa pabrika bilang manggagawa at magpatuloy ang kanyang lahi bilang manggagawa na nabubuhay sa pagtitinda ng lakas-paggawa.
Simpleng Pandaraya O Sistematikong Pagsasamantala?
Hindi pumapasok sa kwenta ng presyo ng lakas-paggawa ang halaga na kanyang nalilikha dahil ito ang para sa kapitalista. Kaya nga’t ang laging layunin ng kapitalista ay ibagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil ang anumang antas ng pagbagsak nito ay may katumbas na pagtaas ng kanyang tubo.
Batay sa batas ng pribadong pag-aari ng kapitalistang sistema, hindi maaring angkinin ng manggagawa ang halagang kanyang nalilikha sa aktwal na pagtatrabaho sapagkat ito ang kabuluhan ng kanyang kalakal. Ang kabuluhan ng lakas-paggawa ay hindi maaring angkinin ng manggagawa dahil ang lakas-paggawang ito ay ipinagbili na niya sa kapitalista. Kung ang isang parsela ng lupa ay ipinagbili ng isang tao sa iba, wala na siyang karapatan sa kabuluhan ng lupang ito – makahukay man ng ginto ang taong nakabili o pagtubuan ng nakabili sa halagang lampas sa naging presyo nito sa naging bentahan.
Dahil pag-aari na ng kapitalista ang kakayahang magtrabaho ng manggagawa, lahat ng kayamanang malilikha ng paggawang ito ay kanyang pag-aari. Ang kapitalismo ay hindi simpleng pandaraya. Ito’y sistematikong pagsasamantala. Ang pundamental na usapin ay hindi pa ang samu’t saring pandaraya ng kapitalista sa sahod ng manggagawa kundi ang mismong sistema ng sahurang-paggawa, ang sistemang tumutubo ang kapital sa pagsasamantala sa paggawa. Ang isyu ay ang pagkamkam ng iilan sa kayamanang likha ng lipunan, ang pagiging personal na pag-aari ng minorya sa lipunan ang ikinabubuhay ng mayorya ng populasyon, ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa dahil sa monopolyong ito ng ilan sa kasangkapan sa produksyon.
Binibili ng sinumang tao ang isang bagay dahil sa kabuluhan o gamit nito. Sa parehas na paraan. binibili ng uring kapitalista ang lakas-paggawa dahil ito lang ang natatanging kalakal sa mundo na may kapasidad na lumikha ng halaga na mas malaki kaysa kanyang halaga bilang kalakal na kinakatawan ng sahod. Ito ang eksplinasyon kung bakit imposibleng lumitaw sa daigdig ang kapitalismo kung hindi magiging kalakal ang lakas-paggawa dahil ito ang magtatransporma sa kwarta para maging kapital. Kwartang kapag ginastos, imbes na maubos, ay lumalago oras na ibinili ng nag-iisang kalakal sa mundo na habang kinukonsumo ay lumilikha ng halaga, gumagawa ng kapitalistang tubo. Ang milagro ng walang bayad na paggawa ang salamangka ng kapitalismo.
Kapitalistang Tubo Bilang Libreng Paggawa
Kung ang tubo ay ang porsyon ng araw ng paggawa na ginagamit nang libre ng kapitalista, samakatwid, ang saligang paraan para mapalaki ang tubong ito – nang hindi gumagamit ng mga pandaraya sa presyo – ay pahabain ang porsyon na ito ng araw ng paggawa, ang porsyon ng oras-paggawa na hindi binabayaran ng kapitalista. Ito ang papel ng introduksyon ng modernong makinarya sa kapitalistang produksyon.
Bago ang introduksyon ng makinarya sa mga pabrika, ang paraan ng pagpapalaki ng tubo ay ang simpleng pagpaparami ng mga manggagawa at pagpapahaba ng araw ng paggawa. Pero ang pagpaparami ng trabahador nang walang pagpapaunlad ng produktubidad ay simpleng multiplikasyon ng tubo batay sa bilang ng trabahador nang hindi napalalaki ang napipigang tubo sa indibidwal na manggagawa. Kung hindi umuunlad ang produktubidad, kahit lumalago ang absolutong tubo sa pagdami ng manggagawa, hindi napamumura ang produksyon na susi sa tubo’t kompetisyon.
Sa pagpapahaba naman ng araw ng paggawa – nang wala ring pagpapaunlad ng produktubidad – napalalaki rin ang tubo. Pero may pisikal na hangganan ang ganitong paraan kaparis ng pisikal na hangganan ng pwersahang paggawa. Nang nagsisimula ang kapitalismo, sinasagad nito ang araw ng paggawa hanggang 16 o 18 oras. Sa tuluy-tuloy ng pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig, naibaba ito sa 14, sa 12, hanggang sa kasalukuyang panahon ng 8-oras na araw ng paggawa. Pero inabot ito ng ilang daang taon at madudugong mga labanan, na nagpapatunay sa brutalidad ng kapital sa pagpiga sa pisikal na limitasyon ng paggawa sa kahayukan nito sa tubo.
Ang mga bansang unang naging kapitalista gaya ng England, France, Germany, US, Italy at Japan ay ipinundar ang kanilang industriyalisasyon sa pinakamakahayop na mga paraan ng pang-aalipin sa kanilang mga manggagawa – pagpapahaba ng oras ng paggawa at pambabarat sa presyo ng paggawa – kasabay ng madugong panananakop ng mga bansa para gawing mga kolonyang tambakan ng kanilang mga yaring produkto at huthutan ng hilaw na materyales ng kanilang mga industriya.
Introduksyon Ng Makinarya Para Pahabain Ang Oras ng Libreng Paggawa
Hangga’t napalalago ang tubo sa simpleng ekstensyon ng araw ng paggawa at aplikasyon ng murang paggawa, laluna ng mga kababaihan at kabataan, hindi pumapasok sa eksena ang makinarya. Ang introduksyon ng makinarya sa modernong pabrika ay hindi sa udyok ng nobleng intensyon ng kapitalista na pagaananin ang pisikal na trabaho ng manggagawa kundi sa tulak ng kompetisyon sa paggawa ng mas murang produkto at pagpapalago ng tubo na ang kahulugan ay murang paggawa.
Ang epekto ng paggamit ng makinarya ay isang rebolusyon sa paraan ng produksyon ng lipunan at nagbunga ng walang kaparis ng pagsulong ng produktubidad. Pero imbes na magbunga ng progreso sa buhay ng masang anakpawis, ang epekto nito ay ibayong pag-igting ng pagsasamantala dahil ang intensyon sa paggamit nito ay pamurahin ang lakas-paggawa para mapamura ang produksyon. Ang agad na naging epekto nito ay ang pagbagsak ng indepedyenteng paggawa ng mga craftsmen at artisano. Nagmistulang mga pana’t sibat ang kanilang mga lumang instrumento laban sa mga kanyon at tangke ng mekanisadong mga pabrika ng uring kapitalista. Bagsak rin ang nagsasariling mga magsasakang lumaya nga sa pyudalismo pero sinagasaan naman ng modernong produksyon ng naglalakihang kapitalistang plantasyon. Bandang huli ay hinigop ang marami sa kanila ng modernong makinarya para lamunin ang kanilang lakas-paggawa ng higanteng mga kapitalistang pabrika o plantasyon.
Totoong sa pagbili ng kapitalista ng makinarya para palitan ang de-kamay na mga instrumento, obligadong palakihin ang kanyang nilalargang kapital. Pero hindi gunggong ang kapitalista na bibili ng makinarya para lang makiuso. Hindi siya gagamit ng makinarya kung hindi siya mas makakatipid sa paggamit nito. Ano ang kanyang tinitipid? Walang iba kundi ang paggamit ng lakas-paggawa. Itinataas ang produktubidad nito, ang kapasidad na lumikha ng halagang sobra-sobra sa presyo ng lakas-paggawa, dahil ito ang kumakatawan sa kapitalistang tubo.
Ang ibig sabihin ng sobrang-halaga ay ang paggawa ng mga produktong ang ginagastusan na lang ng kapitalista ay ang nakokonsumong materyales at depresasyon ng makinarya pero libre na ang lakas-paggawa. Libre ito dahil kung sa unang oras pa lang ng walong oras na araw ng paggawa ay nalikha na ng manggagawa ang katumbas na halaga ng kanyang sahod, ang produkto sa susunod na pitong oras ay libre na ang paggawa.
Kung sa pagsulong ng produktubidad ay mapaiksi pa ang porsyon ng oras para sa reproduksyon ng halaga ng sahod – mula sa isang oras ay mapaiksi pa ito sa kalahating oras sa pamamagitan ng aplikasyon o modernisasyon ng makina – madadagdagan ng panibagong trenta minutos ang dating pitong oras ng libreng paggawa.
Kung pirmes ang haba ng araw ng paggawa at dahil ang tubo sa produksyon ay nanggagaling sa lakas-paggawa – para mapalaki ang tubo mula sa indibidwal na manggagawa, kailangang mapahaba ang porsyon ng libreng paggawa, mapamura ang halaga ng lakas-paggawa, mapaiksi ang oras ng reproduksyon ng katumbas na halaga nito.
Walang Latay Ngunit Mas Matinding Hagupit ng Mekanisadong Paggawa
Kung serbisyo ang kahulugan ng mekanisasyon sa uring kapitalista, ito’y kastigo sa buong hanay ng uring manggagawa, katumbas ng latigo ng sinaunang panginoon. Walang iniiwang latay sa likod ng sahurang-alipin ang hagupit ng madernong pagsasamanta pero libong beses na mas malaki ang pinipiga ng kapital sa sahurang-paggawa kaysa pwersahang paggawa.
Malinaw ito sa ating halimbawa ng pabrika ng karayom. Sa halimbawang ito, ang trabaho ng 127 na manggagawa ay kayang gampanan ng isang manggagawa sa paghawak ng apat na makina ng karayom. Kung ang kapitalista ng pabrikang ito ay bibili ng 80 piraso ng ganitong klase ng makina, ibig sabihin, ay uupa siya 20 manggagawa na sa loob ng isang araw ay makakayari ng 12 milyong karayom. Kung hindi siya gagamit ng ganitong makinarya, kailangan niya ng 2,540 na manggagawa para sa ganitong bolyum ng produksyon sa isang araw. Ang natipid niya, kung gayon, sa paggamit ng 80 makina ay katumbas ng sweldo ng 2,520 na manggagawa sa bawat araw na produksyon ng 12 milyong karayom.
Sa paggamit ng modernong makinarya, hindi lang lubusang makakatipid sa paggawa ang kapitalista. Mapamumura niya nang ang gastos sa produksyon kumpara sa kanyang karibal na lumang instrumento ang ginagamit. Mas mura ng __ % ang bawat piraso ng karayom na gawa ng isang manggagawang tumatapos ng 600,000 piraso sa 11 oras na araw ng paggawa kumpara sa karayom ng isang manggagawang yumayari lang ng 4,800 sa parehas na oras ng paggawa.* Kapag gumaya na rin ang kanyang karibal na kapitalista, magpapatindihan sila sa produktubidad at sa ibayong modernisasyon ng produksyon.. Ang implikasyon nito ay papalitan ng makina ang isang takdang bilang ng mga manggagawang kailangan o mapoprodyus ng mas kaunting manggagawa ang parehas o mas malaking bolyum ng produkto.
Sa isang banda, di maiiwasang magbunga ng disempleyo ang introduksyon at dominasyon ng makinarya sa sinasakop nitong partikular na linya o sangay ng industriya. Isang absolutong batas ng kapitalismo na kapag ang kabuuang kantidad ng kalakal na nagagawa sa pamamagitan ng makinarya ay katumbas ng kabuuang kantidad ng kalakal na dating nagagawa ng di-mekanisadong paggawa, ibig sabihin, ang kabuuang paggawang kailangan ay mababawasan para sa mekanisadong produksyon ng ganitong kantidad ng kalakal. Ngunit, sa kabilang banda, kahit pinapalitan ng makina ang paparaming mga manggagawa sa sinasakop nitong partikular na industriya o produkto, nagbubunga naman ito ng paglaki ng employment sa ibang industriya o sektor ng ekonomya at paglawak ng bilang ng uring manggagawa..
Sa pagtaas ng kapasidad sa produksyon sa partikular na industriyang sinakop ng mekanisadong paggawa, lumalaki ang pangangailangan nito, una, sa hilaw na materyales na isinusuplay ng ibang industriya. Ikalawa, kung ang produkto ng industriyang sinakop ng mekanisasyon ay hilaw na sangkap ng ibang industriya, itutulak naman ng pagtaas ng produksyon ng ganitong produkto ang produksyon sa mga industriyang kailangang ang sangkap na ito dahil sa pagdami at pagmura ng suplay. Ikatlo, itutulak ng mekanisadong paggawa tungo sa ibayong antas ng pag-unlad ang dibisyon sa paggawa sa lipunan, ang paglitaw ng bagong mga sangay ng industriya. Ikaapat, dahil magbubunga ang mekanisadong paggawa ng paglago ng kayamanan ng uring kapitalista, magbubunga ito ng paglitaw o paglago ng mga industriyang tumutugon sa luho at lumalaking mga pangangailan ng mga yumayaman sa lipunan (luxury goods).
Pero kapag muling sinaklaw ng mekanisasyon ang mga industriyang dumarami ang mga manggagawa, mauulit ang naging epekto nito sa naunang mga industriyang naging mekanisado – ang relatibong reduksyon ng bilang ng manggagawa at ang pagliit ng proporsyon ng gastos sa pasahod kumpara sa gastos sa kagamitan sa produksyon. Ganito ang naging pag-unlad ng mekanisasyon ng produksyon ng kapitalismo sa nakalipas na ilang daang taon – ang tuloy-tuloy na dislokasyon ng mga manggagawang pinapalitan ng mga makina at pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa, kasabay ng pagdami ng bagong mga sangay ng industriya na nagbubukas ng mga bagong oportunidad sa pagbebenta ng lakas-paggawa sa iba’t ibang anyo nito kasama ang mental labor at service sector.
Dahil tuluy-tuloy ang mekanisasyon at modernisasyon ng produksyon, tuloy-tuloy rin ang pagbagsak ng halaga ng paggawa. Ito’y hindi pa dahil sa tumataas na indibidwal na produktubidad sa bawat pabrika kundi dahil bumabagsak ang halaga ng kanyang mga nesesidad sa pagtaas ng produktubidad sa mga industriyang may kinalaman sa produksyon ng mga nesesidad na ito.. Maaring tumataas pa nga ang mga presyo nito dahil sa implasyon pero ang totoong halaga ng mga produktong binibili ng karaniwang mga manggagawa ay bumabagsak. Habang tumataas na produktubidad, mas umiiksi ang oras ng paggawa ng mga produktong ito. Parehas ito ng pangyayaring maaring hindi naman binabawasan ang sweldo ng manggagawa, at inuumentuhan pa nga, pero sa totoong buhay, bumabagsak ang tunay na halaga nito sa pamilihan, mas kaunti ang kantidad ng kalakal na nabibili.*
Nasa Kapitalistang Paggamit Ng Makinarya Ang Mekanismo ng Kontradiksyon ng Kapitalismo
Ang pagkakaimbento ng steam engine ang nagpasiklab sa "Industrial Revolution". Isa-isa, sunud-sunod, at bandang huli, sabay-sabay na sinakop ng mekanisadong paggawa ang iba’t ibang produkto. Hanggang sa madominahan nito ang lahat halos ng industriya. Magsanga-sanga ang bawat industriya sa kanya-kanyang ispesyalisasyon. Manganak ng mas marami pang industriya kaysa orihinal na pinagsimulan. Pati ang produksyon ng mga makina ay naging separado at dambuhalang industriya na binubuo ng samu’t saring ispesyalisadong mga sangay. Habang sumusulong ang mga industriya sa kalunsuran, kasabay na umabante ang modernisasyon at mekanisasyon ng agrikultura at lumago ang komersyo at sektor ng serbisyo. Obligadong sumabay ang pag-unlad ng komunikasyon at transportasyon habang ginagatungan ng kapitalistang kompetisyon ang tuluy-tuloy na pagsulong ng syensya at teknolohiya. Dumami ang mga sektor ng kapital at sektor ng populasyon na naghahati-hati sa sobrang-halagang nalilikha sa produksyon ng mga kalakal.*
Ang mekanisasyon ng produksyon ay parang ipu-ipong habang umiikot ay palawak nang palawak ang sinasakop, palakas nang palakas ang pwersa, hinihigop ang lahat ng dinadaanan at tumitilapon ang lahat ng nakaharang. Hanggang sa maging ganap ang dominasyon nito sa buong sistema ng produksyon. At ang pwersa sa ubod ng ipu-ipong ito ay ang kapital – ang kwartang hawak ng mga kapitalista na pinalalago ng lakas-paggawa upang sa kanyang pagtubo ay lalong lumago, maparami ang mabibiling lakas-paggawa at maparami ang mabibiling makinaryang gagamitin para patindihin ang pagsasamantala sa bawat manggagawa at mapangibabaw ang kapangyarihan ng kapital sa buong populasyon ng mga swelduhan. Mekanisadong ginigisa ng kapitalismo ang uring manggagawa sa sariling mantika, sa yamang kinakatas at pinipiga sa kanyang lakas-paggawa. Ang kapital ay isang bampirang hindi maaring mabuhay kundi sa pagsipsip ng tubo sa sariwang paggawa ng buhay na manggagawa.
Nang maging ganap ang dominasyon ng mekanisasyon ng mga industriya sa mga bansang unang naging kapitalista, lumitaw ang likas na mga kontradiksyon ng kapitalistang sistema. Balikan natin ang kapitalista ng karayom para makita ang ganitong mga simpleng kontradiksyong nasa kaibuturan ng ganitong sistemang umaandar sa kahayukan sa tubo at ang eksplinasyon kung bakit nagkaganito ang paghihikahos sa kabila ng matinding progreso.
Sa aplikasyon ng makina, ang dating produksyong 48,000 na karayom ng sampung manggagawa ay magiging 6,000,000 kung mantinado ang sampung manggagawang. Kung ang kanyang karibal ay ayaw magpatalo at bumili naman ng dobleng bilang ng parehas na makina, makakaprodyus naman ito ng 12,000,000 karayom sa isang araw. Kung mayroon pang ikatlong imbestor na makukumbing magandang negosyo ang produksyon ng karayom, at maglarga ng kapital na triple sa unang kapitalista, ang magiging kabuuang produksyon sa isang araw ng tatlong kapitalista ay 36 milyong karayon.
Kung ang demand sa loob ng bansa para sa karayom ay 100 milyon isang araw, ibig sabihin, kapos pa ang suplay ng 64 milyon. Syempre, pipilitin nilang itaas ang kanilang produksyon para masuplayan ang ganitong demand. Kung walang problema sa suplay ng hilaw na materyales, sa pagbili ng karagdagang makinarya at pag-upa ng karagdagang mga manggagawa, sandaling panahon lang ay matutugunan na nila ang ganitong demand. sa 100 milyong karayom sa isang araw at magsisimula ang krisis ng sobrang produksyon kapag hindi lumaki ang demand sa paglaki ng bolyum ng itinitindang karayom.
Habang hinahabol ng bawat kapitalista na mapalaki ang produksyon para matugunan ang pangangailangan sa karayom, magpapaligsahan rin ang tatlo sa palakihan ng benta. Bawat isa ay mag-iisip ng mga paraan para mapamura ang produksyon na ang ibig sabihin ay mapataas ang produktubidad. Dito’y agad na makikita ang magiging direksyon ng kanilang labanan.
Sa tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng makinarya, darating ito sa isang antas na sosobra ang suplay sa demand. Kapag hindi lamaki ang demand kasabay ng paglaki ng suplay, titirik ang produksyon. Halimbawa, kung ang demand sa karayom para sa isang taon ay kayang iprodyus sa loob ng isang buwan, ano ang gagawin ng pabrikang may ganitong kapasidad sa natitirang labing-isang buwan? Kung walang kakompetensya, pwedeng rendahan ang produksyon batay sa demand. Pero ang ibig sabihin nito ay hindi gagamitin ang makina batay sa kanyang aktwal na kapasidad. Pero kapag may kakompetensya, magkakasagaran sa produksyon para ito;y mapamura. Ang hindi makasabay ay matatalo at maagawan ng benta. Ito ang kagyat na implikasyon ng kapitalistang kompetisyon – ang anarkismo sa produksyon at monopolyo kapitalismo.
Siglo ng Monopolyo Kapitalismo
Sa bawat industriya, kapag nagsimula na ang mekanisasyon, ay iigting ang kompetisyon. Ang unang biktima ay ang mga manggagawa. Sila ang unang mapipisak sa kapitalisang banggaan. Magsisimula ito sa pagsagad sa kanilang pisikal na kapasidad, pagkatapos ay sasagarin ang kapasidad sa pamamagitan ng mekanisadong paggawa. Susunod na pipisakin ay ang maliit na kapital ng mas malaking kapital. Sa labanang ito ng malaki at malaking kapital ay damay pa rin ang mga manggagawa. Kapag bumagsak ang maliit, sila’y mawawalan ng trabaho. Kapag nagpaunlad ng makinarya ang malaki, papalitan sila ng makina.
Walang ibang hahantungan ang ganitong mekanisasyon na ginagatungan ng kahayukan sa tubo kundi ang naganap sa mga unang kapitalistang bansang naging industriyalisado. Tuloy-tuloy ang kompetisyon sa lahat ng saligang linya ng industriya hanggang sa bumagsak ang mahihina’t malilit na kapital at madomina ang bawat industriya ng higanteng kapital. Mula sa "malayang kompetisyon" ay narating ng mga bansang industriyal ang yugto ng monopolyo kapitalismo bago pa magsimula ang kasalukuyang siglo. Durog na ang malayang kompetisyon sa loob ng mga bansang ito, at katunayan, nagsanib-sanib ang malalaking kapital para kontrolin ang kanilang kompetisyon at kontrolin ang saligang mga sektor ng ekonomya sa anyo ng mga kartel at monopolyo. (Box: Dominasyon ng Monopolyo Kapital sa mga Bansang Industriyal noong 1900).
Ang monopolyong yugtong ito ng kapitalismo ay nangahulugan ng matinding konsentrasyon ng kapital sa kontrol ng ilang dambuhalang mga korporasyon. Ang ganitong konsentrasyon ay nagluwal sa mga higanteng kapital sa pinansya na hindi lang ang galaw ng salapi sa lipunan ang kinukontrol at minamanipula kundi pati ang galaw ng mga industriya. Ang mga monopolyo kapitalista ay siya ring mga kapitalista sa pinansya, at ang kanilang pagsasanib ang nagluwal sa imperyalismo.
Sa ganitong antas ng konsentrasyon ng kapital, di maiiwasan na mamintog ang kapitalistang sistema sa mga abanteng bansa sa krisis ng sobrang produksyon. Dahil sa matinding kapasidad ng modernong makinarya, kapag umaabot ang produksyon nito sa isang antas na hindi makasabay ang demand sa suplay, ang tendensya ay ang pagkaagnas ng industriya, ang pagtumal ng produksyon. Obligadong humanap ito ng pagbebentahan ng mga produkto. Obligado itong humanap ng pagkukunan ng mga hilaw na materyales. Obligado itong humanap ng sasakuping mga bagong industriya. Obligadong sakupin ang buong mundo!
Imperyalismo Ang "Nakaguhit na Tadhana" Ng Kapitalismo
Sa yugtong ito ng monopolyo kapitalismo nagsimula ang makabagong anyo ng kolonyalismo – ang tinatawag nating imperyalismo. Ito ang dambuhalang kapital na obligadong manakop ng ibang bansa matapos makontrol ang sariling bayan. Nagsimula ang kasalukuyang siglo na pinaghahati-hatian at pinag-aagawan ng mga industriyalisadong bansa ang daigdig.
Sa panahong ito sinakop ng Amerika ang Pilipinas upang maging istasyon ng kanyang ekspansyon sa Asya na ayon sa mga lider ng Amerika ay "manifest destiny" ng kanilang bansa ang maghari sa mundo.. Dahil sa makabagong kolonyalismong ito ng mga imperyalistang bansa, naudlot ang sariling pag-unlad ng mga bansa sa Asya, Afrika, Latina Amerika at kahit sa ilang bahagi ng Europa. Kung hindi man direktang sinasakop sa armadong paraan ang iba’t ibang bansa, kinukontrol at sinasakal ang ekonomya ng mga bansa sa pagkontrol sa mga gubyernong ginagawang mga papet ng imperyalistang interes. Pati soberanya ng mga bansa ay naging kalakal ng imperyalistang kapital.
Ito ang saligang eksplinasyon kung bakit ang mayorya ng mga bansa sa daigdig ay hindi nakasunod sa yapak ng industriyalisasyon ng naunang mga abanteng bansa dahil sumisibol pa lang ang kapitalismo sa kanilang mga pyudal na sistema ay gumagala na ang higanteng kapital sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Pinipisak ang pipitsuging kompetisyon habang niyuyurakan ang pambansang soberanya ng mga sumisibol na bansa. Ang naganap sa mundo ay parang repetisyon lang ng naganap sa loob ng industriyalisadong mga bansa sa panahong dinudurog ng malalaki ang mahihinang kapital. Ito ang orihinal na bersyon ng "globalisasyon" – ang kolonyalistang ekspansyon ng kapital sa buong daigdig.
Paano makakausad ang sariling produksyon ng umuunlad pa lang ng mga bayan kung bumabaha ang mga produktong galing sa industriyalisado nang mga bansa at nililimas nito ang kanilang likas na kayamanan. Ito ang nangyari sa India nang maimbento ang simpleng "sewing machine" at malawakang gamitin ito sa buong industriya ng "wearing apparel" sa England. Ang sunud-sunod na pagkakaimbento ng "sewing machine", "spinning jenny" at "weaving machine" ang nagpasiklab at nagpalagablab sa sinasabing "cotton revolution" sa larangan ng agrikultura.
Tumaas ng libu-libong ulit ang kapasidad sa produksyon ng "wearing apparel" sa England at gayundin ang suplay nng hilaw na materyales na kailangan ng industriyang ito.. Kung ang yaring produkto ay sa England lang ibebenta, titirik ang mga pabrika sa sobrang produksyon. Mawawalan ng trabaho ang daan-daang libong manggagawa sa magkakaugnay na industriya. Dahil kolonya ng England ang India, hindi lang nito itinambak sa India ang mga yaring produkto kundi ipinagbawal ang pagluluwas ng India ng sariling produktong "wearing apparel".. Kasabay nito ay nilimas ng kolonyal na gubyerno ang murang hilaw na materyales ng India patungo sa England para suplayan ang sariling industriya ng "wearing apparel". Sa ganitong paraan, naipasa ng England sa India ang sariling problema ng disempelyo at inudlot ang pag-unlad ng industriya sa kanyang kolonya.
Hindi lang niraraspa ng monopolyo kapitalismo ang pag-usbong na pag-unlad sa mga bansang dominado nito kundi sila-sila mismo – ang mga bansang industriyalisado – ang mabangis na nagpapaspasan. Pinatutunayan nito hindi lang ang likas na kabangisan ng kapital kundi ang walang pagkasaid na "kahayukan" sa tubo. Hindi ito "makontento" sa monopolyo sa sarilling bansa at sa mga bansang kontrolado ng bawat isa. Pinagnanasaan rin nito pati ang sakop ng mga bansang parehas nitong monopolista.
Pero ang katotohanan, hindi ito simpleng kahayukan sa kayamanan kundi idinidikta ito ng pang-ekonomyang "naturalesa" ng kapital. Hindi ito maaring tumigil sa paglago dahil dadaigin at lalamunin ito ng ibang lumalagong kapital. Mula nang marating ng kapitalismo ang mekanisadong produksyon, obligadong sagarin nito ang inabot na kapasidad at ginawang alaberde ang kompetisyon. Kapag nakarating ang mga kasangkapan at pwersa nito sa produksyon sa isang antas ng produktubidad, kailangang umandar ito sa ganitong kapasidad para maiwasan ang pagtirik at pagkaagnas.
Nasa kalikasan ng kapitalismo ang anarkismo sa produksyon dahil ang motibasyon ng produksyon ay tubo at hindi ang anumang konsiderasyong panlipunan. Hahatawin at hahatawin nito ang produksyon sa paghahabol sa tubo habang ginagatungan naman ang paghahabol sa produktubidad ng walang pakundangang kompetisyon. Kapag nasagad nito ang pangangailangan sa isang industriya at narating ang antas ng sobrang produksyon, lilipat ang atensyon at konsentrasyon ng kapital sa ibang industriyang mas malaki ang mahahamig na tubo.
Marahas At Mabangis Na Kalikasan ng Imperyalismo
Ito ang pundamental na dahilan ng pagsiklab ng dalawang digmaang pandaigdig na walang kaparis sa kasaysayan ng mga digmaan ng tao. Ito’y sunggaban at gwardyahan ng sakop na teritoryo sa pagitan ng imperyalistang mga bansa na pare-parehas na nangangailangan ng mga kolonya at merkadong tambakan at huthutan ng kanilang dambuhalang mga kapital. Sa dalawang gera mundyal na ito, na ang nagbakbakan ay ang mga industriyalisadong bansa, umabot sa _____ daang milyong tao ang nasawi kabilang ang mga biktima sa Hiroshima at Nagasaki na hinulugan at pinagpraktisan ng US ng kanyang bomba atomika.
Sa panahon ng sistemang alipin, unang nagsimula ang malawakang armadong mga pananakop ng teritoryo kaparis ng ipinundar ng Roman Empire. Sa panahon naman ng pyudalismo, ang kabisado natin ay ang pananakop ng Espanya para palaganapin ang pyudalismo. Pero kung tutuusin, mas malawak ang inabot ng British Empire sa panahong ito ng pyudalismo. Nakontrol nito ang Afrika, ang maraming bansa sa Asya, at mismong ang Amerika ay dati nitong kolonya. Pati ang Maynila ay sandaling naagaw nito sa Kastila. Pero daig pa rin ito ng imperyong naipundar ng Amerika matapos ang World War II kahit walang mga haring may korona at trono ang bansang ito. (Box: Saklaw ng mga Kahariang Itinayo sa Daigdig).
Pagsama-samahin man ang lahat ng nasawi sa mga gera sa panahon ng sistemang alipin at sistemang pyudal sa nakalipas na 10,000 taon bago sumibol ang kapitalismo, malayo ang bilang nito sa daan-daang milyong namatay sa mga gera ng pananakop sa ngalan ng kapitalismo sa hamak na mas maiksing kasaysayan ng pagsulong at pangingibabaw nito sa mundo. Ang ipinagmamalaking industriyalisasyon ng mga bansang imperyalista ay ipinundar sa dugo ng daan-daang milyong mamamayan sa buong daigdig na sinakop ng makabagong kolonyalismo.
Ang mga panginoong may-alipin ay nanakop sa ngalan ng "Sibilisasyon". Ang mga panginoong maylupa ay nanakop sa ngalan ng "Kristyanismo" o "Islam". Ang mga digmaang ito ng mga uring mapang-alipin ay laging nilalagyan ng mga "dakilang" layunin gaya ng hulugan ng Amerika ng mga bombang nukleyar ang Hiroshima at Nagasaki sa ngalan ng "Demokrasya". Gaya ng sakupin ng Amerika ang Pilipinas sa ngalan ng "Demokrasya" at patayin ang 300,000 Pilipino na nagtatanggol ng kasarinlan ng ating bayan. Wala pang Hitler noong World War I kaya’t hindi pwedeng sabihing "gera laban sa pasismo" ang digmaang ito. Ang katotohanan, ang World War II ay "kadobol" o "sequel" lang ng World War I, parehas ang prinsipal na mga "aktor". Ito’y parehas na gera mundyal ng mga imperyalistang bansa para sa repartisyon ng mundo at nadamay ang populasyon ng mga bansang pinag-aagawan ng ekspansyonismo ng imperyalistang kapital. .
Hanggang sa kasalukuyan ay sakop ang buong daigdig ng imperyalistang kapital. Ang pagpapatuloy ng pananakop na ito ay sa ngalan naman daw ngayon ng "Globalisasyon". Isinisigaw ng mga propeta ng globalisasyon na ito raw ang landas ng pandaigdigang progreso – ang baklasin ang mga "hangganan" ng mga bansa, itayo ang isang "pandaigdigang komunidad" para sa "malayang kalakalan" at "malayang pamumuhunan". Ang pundamental na katanungan ay bakit ang "kapital" ang pinalalaya hindi ang "paggawa" na inaalipin ng kapital?
Paano papawiin ang talamak na paghihikahos ng mayorya ng populasyon ng mundo at paano gagawing makatarungan ang distribusyon ng kayamanang likha ng paggawa ng tao? Ang inaanunsyo ng kapitalistang mga gubyerno, kabilang ang rehimeng Estrada, na "bagong daan" ay walang iba kundi ang "globalisasyon".
Ano ba ang "globalisasyong" ito? Ang dakilang layunin raw nito ay ang "pagkakapatiran" ng mga bansa – ang mga mamamayan sa buong daigdig ay mamumuhay na kunwari ay iisang komunidad na may iisang ekonomya. Masarap pakinggan ang lumang tugtuging ito na nanggagaling sa mga bansang industriyal, pero paano raw ito isasakatuparan?
Para maging realidad – isang pandaigdigang komunidad, isang pandaigdigang ekonomya – kailangang baklasin raw ang mga bakod ng restriksyong pumipigil sa malayang paggalaw ng mga kapital at kalakal sa buong mundo. Kung tatanggalin ang mga restriksyong ito, magiging malaya ang labas-pasok ng kapital at kalakal sa bawat bansa para "ihatid" ang progreso at prosperidad na kaparis ng sa mga bansang industriyal.
Panibagong Hokus-Pokus ng Imperyalismo
Ang tatlong haligi ng globalisasyong ito ay ang sinasabing "liberalization", "privatization" at "deregulation". Ang ibig sabihin ng "liberalization" ay paluwagin ang pasok-labas ng kapital at kalakal sa bawat bansa na hindi gaanong hinahadlangan ng mga dekreto at taripa na pumipigil sa malayang paggalaw nito. Ang ibig sabihin ng "privatization" ay bitiwan ng mga gubyerno ang hawak nitong mga industriya at ipaubaya sa pribadong sektor. Ang ibig sabihin ng "deregulation" ay bawasan at ilagay sa minimum ang interbensyon ng gubyerno sa takbo ng negosyo at hayaan ang "batas ng merkado" ang maging motor ng ekonomiya.
Hindi ba halatang-halata na ang ibig sabihin ng "globalisasyong" ito ay walang iba kundi ang lubusan pagpapalaganap at ganap na paghahari sa buong mundo ng kapitalismo sa anyo ng imperyalismo? Ang kapitalismong ito ang naghasik ng katakut-takot na paghihikahos sa buong mundo, pagkatapos ay ang lason pa ring ito ang ireresetang lunas sa paghihikahos! Ito ay gamundong panggagago. Binibilog ang ating ulo ng kasing-bilog ng mundo, pinaiikot tayo ng gaya ng pag-ikot ng daigdig. Paniwalain na tayong plakda ang mundo, pero huwag tayong bolahin na ang ganitong globalisasyon ang maghahatid ng tunay na progreso.
Kung baga sa nakakaengganyong adbertisment ng isang produkto, ibinebenta sa atin ang globalisasyon na ang pinang-aakit at pinang-iingit ay ang prosperidad ng mga bansang industriyalisado. Sa ganitong paraan daw umasenso ang mga bansang ito – sa malayang pamumuhunan at kalakalan!
Prosperidad Ng Mga Bansang Imperyalista
Totoong umunlad ang kapitalismo sa mga bansang industriyal sa pamamagitan ng sinasabing "free enterprise" o "free competition" Pero ano ang naging resulta? Nagpabagsakan at naglamunan ang mga kapitalista hanggang sa maabot nito ang yugto ng monopolyo kapitalismo na sa Amerika ay 1% ng populasyon ang nagmamay-ari sa 57% ng kayamanan sa bansang ito.* Matapos ang mahigit 250 taon ng kapitalismo, ganoon pa rin ang di pantay ng distribusyon ng yaman sa Amerika. Mas malala pa nga ang agwat ng mayaman at mahirap sa lipunang Amerikano kumpara sa mga bansang naghihikahos.
Pero hindi ba pwedeng makontento sa argumentong kahit malaki ang agwat na ito ng mayaman at mahirap, malaki naman ang agwat ng kabuhayan ng mahirap sa Amerika kumpara sa mahirap sa Pilipinas? Nagtatamasa sila ng mga kaginhawaan sa buhay ng dulot ng progreso at prosperidad na hindi tinatamasa ng bilyon-bilyong mahihirap sa mundo. Mayroon silang mga kotse, aircon, colored TV, washing machine, disenteng bahay, at iba pang sukatan ng komportableng pamumuhay sa modernong daigdig.
Ang relatibong "prosperidad" na ito ng masang Amerikano ay hindi resulta ng pag-unlad ng kapitalismo sa kanilang bansa sa panahon ng "malayang kompetisyon" kundi nagsimulang dumaloy ang katas ng progreso matapos ang World War II.. Naganap ito sa panahong namamayagpag na ang monopolyo kapitalismo hindi lang sa loob ng Amerika kundi sa buong daigdig. Yumaman nang todo-todo ang Amerika na masolo nito ang dominasyon sa buong mundo bilang numero unong imperyalistang bansa.
Ang kayamanan ng Amerika ay hindi lang likha ng mamamayang Amerikano. Ang ekonomya ng US ay nakasuso sa ekonomya ng buong daigdig.. Ang imbestment ng mga korporasyong Amerikano sa labas ng US ay umaabot na sa $612 bilyon. Malaking bahagi nito ay naroon sa mga bansang mura ang lakas-paggawa. Sa loob lang ng 1994, ang bagong imbestment ng US sa ibang bansa ay umabot sa $58.5, tumaas ng 17 porsyento sa Asia-Pacific at 14 porsyento sa Latin America.
Kung wala ang dominasyon ng US sa pandaigdigang ekonomya, kung ang produksyon nito ay hindi para sa pandaigdigang pamilihan, kung ang pamumuhunan nito ay hindi internasyunal ang saklaw – magsasarahan ang karamihan ng mga kompaya sa Amerika sa krisis ng sobrang produksyon. Mawawalan ng trabaho ang mayorya ng mamamayan. Maglalahong parang bula ang prosperidad ng kanilang lipunan. Kukulo ang isang rebolusyonaryong sitwasyon sa mismong kabisera ng imperyalismo.
Ang Ulteryor Na Motibo Sa Likod ng Globalisasyon
Ang pag-iwas at paglutas sa krisis na ito ng sobrang-produksyon at sobrang-kapital ang nasa likod ng globalisasyon. Ito ang rason kung bakit ipinagtutulakan ito ng Amerika sa buong daigdig. Isinasalaksak sa lalamunan ng mga bansang dominado nito. Ipinipilit ng US at iba pang imperyalistang bansa ang liberalisasyon at globalisasyon ng mga pambansang ekonomya sa daigdig para libreng maglabas-pasok ang kanilang kapital at kalakal. Ang kanilang palusot ay kapag binukaka ng mga bansa ang kanilang mga ekonomya sa pagpasok ng dayuhang kalakal at kapital, itutulak raw ng "internayunal na kompetisyon" ang mga bansang ito na paunlarin ang kanilang teknolohiya at produktubidad para maging "competetive" sa pandaigdigang ekonomya.
Tama ito noong maagang panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo. Noong magkakasinlaki pa ang indibidwal na mga kapitalista. Nagsisimula pa lang ang pagpapaunlad ng mga makinarya at teknolohiya. Ngunit tapos na ang panahon ng "malayang kompetisyon". Nasa yugto na ang daigdig ng monopolyo-kapitalismo.
Sa panahong ito na naghahari ang imperyalismo sa buong mundo, paano magaganap ang sinasabing "malayang kompetisyon"? Paano lalaban ang mga atrasadong ekonomya kung ang produksyon nito ay mas maliit at kung gayon ay mas mahal kumpara sa malakihang produksyon ng mga industriya at korporasyon ng mga imperyalistang bansa na matagal nang pandaigdigang ang saklaw.? Kung atrasado ang mga kagamitan sa produksyon ng mga atrasadong bansa, ang katwiran ng mga propeta ng globalisasyon ay papasukin ang dayuhang kapital para dalhin sa atrasadong mga bansang ang modernong teknolohiya.
Bakit naman mamuhunan ang mga korporasyong multinasyunal sa mga bansang gaya ng Pilipinas? Iisa ang dahilan: Mura ang lakas-paggawa. Papasok ang mga dayuhang kapital dahil ang kailangan nila ay mura’t maamong lakas-paggawa. Ito ang ibig sabihin ng globalisasyon para sa mga bansang gaya ng Pilipinas – ang mabuhay sa pagbebenta ng murang lakas-paggawa.
Hindi ba’t ito ang pangunahing eksport ng Pilipinas sa nagdaang mga dekada hanggang sa kasalukuyan? Ang itinda sa ibang bansa ang murang lakas-paggawa ng Pilipino para kumita ng dolyar ang Pilipinas na ipambabayad sa mga dayuhang utang at ipambibili ng mga kalakal ng mga korporasyong multinasyunal. Sa ilalim ng globalisasyon, ang magiging prinsipal nating industriya ay ang produksyon at reproduksyon ng murang lakas-paggawa para sa papasok na mga dayuhang kapital.
Walang Katapusang Dayuhang Dominasyon sa Pilipinas
Hindi pa sapat ang nakalipas na halos 500 taong kasaysayan ng Pilipinas para matuto at makilala natin ang tunay na mga intensyon at ulteryor na motibo ng pagkakaroon ng interes ng mga dayuhang kapangyarihan sa ating bansa?
Halos 400 taon tayong ginawang kolonya ng Espanya. Ang kolonyalismong ito ang pangkasaysayang ugat ng atrasadong sitwasyon ng Pilipinas nang magsimula ang kasalukuyang siglo. Ang kolonyalismo ring ito ang dahilan kung bakit maraming mga bansa sa Asya, Afrika at Latina Amerika ang inabutan ng kasalukuyang siglo na ang antas ng pag-unlad ay halos atrasado ng isang milenyo sa pag-unlad ng sibilisasyon.*
Pinalaya natin ang ating sarili ng isang rebolusyon laban sa Espanya. Itinayo ng ating mga ninuno ang unang republika sa Asya. Pero biglang dumating ang Amerika. Inagaw ang ating kasarinlan at ibinalik tayo sa pagiging kolonya. Huwag sabihin ng mga Amerikano na tinawid nila ang Pacific Ocean at dinayo nila ang ating arkipelago para lang turuan tayo ng sibilisasyon Noong panahong iyon ay sila mismo ay kailangan pang turuang tanggapin bilang kaparehas at kapantay nilang tao ang mga Itim na ginawa nilang mga alipin kahit matagal nang pinaglipasan ang ganitong sistema ng sibilisasyon. Inagaw nila ang ating kalayaan at ginawa tayong kolonya para magkaroon sila ng istasyon ng kanilang imperyalistang ekspansyon sa Asya kasabay na pag-agaw sa Cuba para naman sa kanilang ambisyon sa Latina Amerika.
Nagdaan rin ang Amerika sa pagiging kolonya ng Britanya at sila rin ay naghimagsik para maitayo ang kanilang malayang republika. Pero hindi ito naging rason para maaga tayong pakawalan ng Amerika. Sa mahigit 40 taon ng kasalukuyang siglo – ang panahon ng mekanisadong pagsulong ng industriya – ang Pilipinas ay ginawang direktang kolonyang huthutan ng hilaw na materyales at tambakan ng tapos na produkto ng mga industriya ng Amerika.
Hanggang sa madamay tayo sa kanyang imperyalistang gera sa Hapon – isang bansang nangangarap ring maging panginoon sa Asya at sinasagkaan ng Amerika ang sariling imperyalistang interes. Pero imbes na ipagtanggol ang Pilipinas, tinakbuhan tayo ng Amerika. Isinuko sa Hapon ang Pilipinas at hindi tinangkang bawiin nang maaga dahil ang prayoridad ng Amerika ay ang gera sa Europe. Gayong wala itong kahit isang kolonya sa parteng ito ng mundo. Ang Europa ang kanyang prayoridad dahil naroon ang kanyang istratehikong interes. Ito ang "malaman na karneng" na gusto niyang sagpangin pagkatapos ng gera.
Huwad Na Kasarinlan
Nang bumalik si MacArthur, patapos na ang gera mundyal, pasuko na ang Hapon, nasa opensiba na ang Allied Forces sa Europa. Binigyan tayo ng pormal na "kasarinlan" noong 1946 sa simpleng dahilang kahit sa Amerika ay hindi na kayang bigyan katwiran ang panatilihin pa tayong direktang kolonya. Ikalawa’y namumuo sa Pilipinas noon ang isang malakas na armadong rebolusyonaryong kilusan na nanganganib simiklab kapag ipinilit ang dating kolonyal na sistema. Ikatlo, nakapagpaunlad na ang Amerika ng isang henerasyon ng mga papet na handaang dilaan ang tumbong ng Amerikano kapaglit ng paglulok nila sa poder ng malakolonyal na estado.
Pagkatapos tayong "palayain", tinalian tayo sa leeg ng samu’t saring tratado na gumagarantiya sa interes sa ekonomya, pulitika at militar ng US sa Pilipinas. Mula noon hanggang ngayon, nananatili ang "ispesyal na relasyong" ng US sa Pilipinas. Hanggang sa panahong ideklara ni Marcos ang batas militar, nakatali ang Pilipinas sa kasunduang "parity rights".
Ganito "kaispesyal" ang relasyon sa pagitan natin at ng US – kung ano ang karapatan ng Amerikano sa Pilipinas, ganoon rin ang karapatan ng Pilipino sa Amerika. Sa biglang tingin, para bang tayo ang lyamado sa ganitong kasunduan sa dami ng "oportunidad" sa Amerika kumpara sa Pilipinas. Pero hndi simpleng kabobohan ang pagpayag ng gubyernong Pilipino sa ganitong kasunduan kundi garapal na katrayduran.
Paanong makakalamang ang Pilipino sa Amerika gayong kung tayo ang magnenegosyo doon, titirisin lang tayo na parang mga kuto ng mga dambuhalang korporasyong Amerikano. Samantalang kapag ang mga Amerikano ang nagnegosyo sa Pilipinas, ang mge negosyanteng Pilipino ang titirisin nito.
Malayang limasin ng mga Amerikano ang ating likas na yaman sa ganitong kasunduan. Pero uubra bang dumayo ang Pilipino sa Amerika para doon humukay ng mineral o magtayo ng plantasyon? Dahil sa "parity rights" na ito, nanatili ang Pilipinas na bansang taga-eksport ng asukal, kopra, abaka at iba pang hilaw na materyales habang umaasa sa mga imported na produkto ng modernong industriya ng ibang bansa. Nanatili tayong atrasadong bansang agrikultural na bansot ang industriya dahil sa "ispesyal na relasyong" ito sa Amerika.
Ang globalisasyon ay walang iba kundi makabagong bersyon ng ganitong "parity rights", ang bagong anyo ng rekolonisasyon ng mundo. Pantay-pantay raw ang mga karapatan ng mga bansa sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Paano magpapantay ang isang balyena at dilis sa dagat ng globalisadong mundo?
Padrino ng Pasistang Diktadurang Marcos
Nang itayo ni Marcos ang pasistang diktadura noong 1972, sa panahong patapos na ang "parity rights", sino ang kanyang prinsipal na padrino? Walang iba kundi ang gubyernong Amerikano. Hindi mangangahas si Marcos sa kanyang ambisyong maging diktador kung walang basbas ng Amerika. Sa loob ng 14 na taon, dinahas ni Marcos ang sambayanang Pilipino at dinambong ang pondo ng gubyerno at ekonomya ng bansa. Matapos ang 14 na taon, dumikit na sa Pilipinas ang bansag na "sick man of Asia", kulelat sa mga pag-unlad sa ating rehiyon.
Hindi maaring maghugas ng kamay ang Amerika sa nangyaring ito sa bansa. Kagagawan ng gubyernng Amerikano ang halimaw na diktadurang Marcos gaya ng kagagawan rin nito ang naglipanang mga rehimeng diktador sa Latina Amerikana, Asya at Africa ng panahon ring iyon.
May panahong ito ang internasyunal na patakaran ng US – iluklok sa poder ang mga papet na diktador para protektahan at garantiyahan ang kanyang interes sa magkakaibang bansa at rehiyon sa daigdig. Nang magbago ng patakarang ng US, isa-isang naglaho ang mga lantarang teroristang rehimeng ito na nagpapatunay lang na siya rin ang may pakana ng paglitaw ng ganitong mga diktadura. Kapag lumitaw uli ang kondisyong nasa interes ng Amerika ang pagkakaroon ng kamay-na-bakal na mga rehimen, muling tutubong parang mga kabute ang ganitong klase ng papet na mga gubyerno sa mga bansang kontrolado ng imperyalismong Amerikano.
Kapital at Kalakal Imbes Na Bayoneta at Kanyon
Sa anong dahilan, kung gayon, at ipinipilit pa rin ng ating gubyerno ang landas ng pag-unlad na pangunahing nakaasa sa dayuhang pamumuhunan, kalakalan at pangungutang na siyang landas ng globalisasyon? Hindi pa ba sapat ang halos 500 taong kasaysayan ng Pilipinas sa dayuhang pang-aalipin at dayuhang dominasyon para baguhin ang direksyon ng ating pag-unlad bilang isang bansa? Hindi pa ba sapat na katibayan ang paghihikahos ng mayorya ng mga bansa at mayorya ng tao sa mundo na ang kumon na istorikal na karanasan ay ang kolonyal na kasaysayan. Kung hindi man naging direktang kolonya ang ibang atrasadong bansa, inabot naman sila ng pangingibabaw ng imperyalismo sa daigdig sa panahong hindi pa sila halos nakakasampa sa modernong daan ng pag-unlad.
Ang sinasabing landas ng globalisasyon ay ang dating landas at gasgas daan ng dayuhang dominasyon sa mundo. Ang kaibhan, hindi na ngayon bayoneta at kanyon ang ipinanglulupig sa mga bansa kundi ang kapangyarihan ng higanteng kapital, ng modernong teknolohiya, at ang daluyong ng dayuhang kalakal.
Ano ang "bago" sa daang ito? Hindi ba’t ito rin ang matagal nang ginagawa ng imperyalismo – ang mamuhunan, makipagkalakalan at magpautang sa iba’t ibang bansa sa ilalim ng mga kasunduan at kondisyong sila ang nagtatakda? Ano ang prosperidad na ibinunga nito? Ito ay ang kasalukuyang kalagayan ng mundo na 225 na tao ay nagmamay-ari ng isang trilyong dolyar samantalang hindi man lang kumikita ang tatlong bilyong tao ng kahit 2 dolyar sa isang araw.
Ano, kung gayon, ang "bago" sa daang ito? Ang bago ay ang ganap at lubusang pagbaklas sa anumang nalalabing mga restriksyong ibinabakod ng mga bansa sa pagpasok at paglabas ng kapital at kalakal. Mga restriksyong itinayo para kahit paano’y protektahan ang pambansang interes at kontrolin ang dayuhang pamumuhunan at kalakalan.
Tahasang sinasabi ngayon ng mga propeta ng globalisasyon na ang "proteksyonismong" ito ay salungat sa layunin at kalikasan ng globalisasyon. Kailangang baklasin ang lahat ng bakod ng proteksyonismo para ganap na maging malaya ang paggala ng kapital at kalakal sa ekonomya ng bawat bansa at sa buong daigdig. Ang kapital, ang imperyalistang kapital – ang bampirang sumisipsip sa dugo ng buhay na paggawa ng sangkatauhan. Ito ang kumakamkam ng tubong pinagpaguran ng mga lipunan, ang salot na sanhi ng epedimenya ng kahirapan. Bakit ito ang kailangang lubusang palayain para "palayain" sa paghihikahos ang mamamayang kanyang inaalipin!
Dahil sa sukdulang paghihikahos, marami ang papayag na makaraos lang sa miserableng "isang kahig, isang tukang" buhay, di baleng nang mayroong 225 na tao sa mundo na kumakamkam sa bulto ng kayamanan sa lipunan.
Pasahurin lang ng sapat ang uring manggagawa at igalang ang mga karapatan, di bale nang mayroong uring kapitalista na siyang nagpapasa sa kanilang pinagpaguran. Mabigyan lang ang maralita sa kanayunan ng sariling lupang mabubungkal, at ang maralitang lungsod ng kasiguruhan sa pamamahay at kabuhayan, ay pwede nang makontento sa ganitong sistema.
Di bale nang magpayaman nang magpayaman ang mayayaman, huwag lang pahirap nang pahirap ang mahihirap. Ibig sabihin, parang Amerika. Di bale nang isang porsyento lang ng populasyon ang umaangkin sa bulto ng kayamanan, basta ba binabalatuhan ang ordinaryong tao ng prosperidad. Basta ba may colored TV, washing machine, bahay at kotse, at kung anu-ano pang istandard ng komportableng pamumuhay – pwede nang pagtiisan ang kapitalistang sistema ng sahurang-pang-aalipin.
Ito ang ilusyong pinanglalason sa isip ng masa – ang pag-asang sa malao’t madali ay papatak rin ang katas ng progreso. Pinapamanhid ng mismong kahirapan ang pakiramdam sa pang-aapi. Sa umiiral na sistema, kung sino ang nagsaing, tutong ang kinakain. Pero kapag tinirhan ng tutong, binahog ng mumo, sila pa ang may utang na loob sa umubos sa kanilang pinagpaguran..
Hindi raw masikip ang mundo para sa mayaman at mahirap, para sa kapitalista at manggagawa. Pwede namang magsosyo sa progreso kahit hindi baguhin ang sistema. Ang solusyon ay hindi baliktarin ang partehan kundi palakihin ang pinaghahatian. Ganito ang Amerika. Hindi nagbabago ang distribusyon ng yaman, ang lumalaki ay ang yamang pinaghahatian. Ang tanong ay saan nanggagaling ang kayamanang ito ng Amerika?
Ang prosperidad ng bansa ni Uncle Sam ang dinidispley na ebidensya sa buong mundo na uubra ang kapitalismo. Ang Amerika ang iskaparate ng mga kapitalistang ilusyon. Hindi man perpekto, komportable naman daw ang pamumuhay dito. Balikan natin ang paksang ito sapagkat ang prosperidad ng Amerika at mga bansang kaparis nitong imperyalista ang isang pundamental na eksplinasyon ng paghihikahos sa mundo.
Pwedeng hatiin sa limang yugto ang pag-unlad ng kapitalismo sa Amerika. Ang unang yugto ay ang panahong sumasaklaw sa pagsulong ng Amerika bilang isang bansa kasabay ng gradual na pagsibol ng kapitalismo (1770s-1820s). Mula 1820s ay nahinog ang kapitalismo sa US at pagdating ng 1890s ay narating ang antas ng monopolyo-kapitalismo. Ito ang maituturing na ikalawang yugto (1820s -1890s), ang panahong nahinog ang kapitalismo sa Amerika mula sa yugto ng "free enterprise" hanggang sa yugto ng imperyalismo.
Ang ikatlong yugto ay mula 1890s hanggang matapos ang World War II (1890s-1940s). Panahon ito ng konsolidasyon at ekspansyon ng US bilang isang imperyalistang bansa hanggang sa ito’y tanghaling superpower sa mundo matapos ang World War II. Ang ikaapat na yugto ay matapos ang gera hanggang sa simula ng dekada ng 1970s (1940s-1970s). Ito ang pinagmamalaking pinakamahabang panahon ng sustenadong prosperidad ng ekonomya ng US, ng konsolidasyon bilang numerong imperyalistang bansa sa daigdig hanggang sa pagbagsak ng ekonomya pagsapit ng dekada ng ’70. Ang ikalimang yugto ay mula 1970s hanggang sa kasalukuyan. Ito ang mga dekada ng pagkukumahog ng US na makaalpas sa krisis hanggang sa maigiit nito ang globalisasyon ng pandaigdigang ekonomya.
Ang pundamental na katanungang gusto nating masagot sa pagrerepasong ito sa kasaysayan ng kapitalismo sa US ay paano nakamit ng Amerika ang prosperidad ng kanyang lipunan? Paano ito naging pinakamayamang bansa sa daigdig? Ito ba’y resulta ng "free enterprise" o "malayang kompetisyon" na tinutrumpeta nito ngayon sa porma ng globalisasyon? O naganap ito sa kaparaanan ng monopolyo-kapitalismo, sa transpormasyon ng Amerika sa isang imperyalistang bakulaw na kumukontrol sa ekonomya ng daigdig?
Ang unang dalawang yugto – na sumasaklaw sa 120 taon – ang yugto ng "free enterprise" sa Amerika, ang panahon ng "malayang kompetisyon".
Sa panahon bang ito umasenso ang kabuhayan ng populasyon ng Amerika? Sa panahon bang ito naipamalas ang superyoridad ng kapitalismo bilang isang sistemang pang-ekonomya kung ang sukatan ng superyoridad na ito ay sa pagbibigay ng prosperidad sa mamamayan?
Pagdating 1880s – matapos ang mahigit 100 taon ng malayang pag-unlad ng kapitalismo – ang kabuhayan ng mahigit sa 40 porsyento ng mga manggagawang Amerikano ay hindi lumalampas sa istandard ng paghihikahos noong panahong iyon at ang 25 porsyento ay nasa antas ng sukdulang paghihikahos.
Katibayan ng sukdulang paghihirap ng mga pamilyang manggagawa ay ang obligadong pagtatrabaho sa mga pabrika ng mga ina at bata dahil hindi magkasya ang sahod ng mga padre de pamilya. Pagsapit ng 1840, kalahati ng pwersa sa paggawa ng sektor ng manupaktura sa buong Amerika ay kababaihan. Sa New England, ang primerang industriyal na rehiyon sa Amerika noon, mga batang wala pang disisais ang bumubuo sa sankatlo hanggang kalahati ng pwersa sa paggawa noong 1820s at 1830s.
Noong 1870, ang ganitong edad na mga bata ang bumubuo sa 13 porsyento ng trabahador ng mga pabrika sa Massachusetts; 21.8 porsyento sa Pennsylvania; at 29 porsyento sa South Carolina. Sa pangunahing textile town sa New York, 2/3 ng mga anak ng mga migrante mula edad 15-19 ay nagtatrabaho sa mga pabrika noong 1860. Mga batang edad 10-19 ang bumubuo sa halos kalahati ng pwersa sa paggawa ng mga pabrika ng textile sa New York.
Sa kasaysayan ng pag-unlad ng mga bansang industriyal, ang unibersal na karanasan ay ipinundar ang kapitalismo sa murang paggawa ng batae’t bata, at pagsagad ng oras ng paggawa laluna sa panahon ng transisyon sa mekanisadong mga pabrika.* Ito panahon ng pakikibaka para sa "family wage" – sahod na makakabuhay ng pamilya – at pagpapaiksi sa araw ng paggawa mula sa dating 16-18 oras.
Ngunit partikular sa Amerika, ang kapitalismo ay hindi lang ipinundar sa murang paggawa ng kababaihan at kabataan, kundi ipinundar sa aliping paggawa ng mga Itim at murang paggawa ng mga migrante. Anumang karangyaan ngayon lipunang Amerikano ay ipinundar ng sukdulang pang-aalipin sa unang mga henerasyon ng mga manggagawa sa bansang ito, at pinalago nang pinalago sa pang-aalipin sa mamamayan ng iba’t ibang bansa sa buong daigdig.
Bago sumiklab ang US Civil War noong 1861, mahigit sa 2 milyon ang mga aliping Itim sa mga plantasyon. Idineklara ang kasarinlan ng US noong 1783. Ibig sabihin, 78 taon na ang lumilipas, hindi pa rin pinalalaya ang mga aliping ito ng bansang nagmamalaking may pinakademokratikong Konstitusyon sa buong mundo.
Nagsimula lang iprayoridad ng naghaharing paksyon sa Amerika ang kampanya para sa abolisyon ng aliping paggawa nang maging sagabal na sa ibayong pagsulong ng kapitalismo sa bandang Hilaga ng Amerika ang atrasado at bastardong sistema* sa bandang Timog. Naunang sumiklab ang rebelyon ng mga panginoong may-alipin sa Timog (secession ng pitong estado) noong 1861 na nagpaputok sa US Civil War kaysa deklarasyon noong 1863 ni Abraham Lincoln ng abolisyon ng aliping-paggawa. Bago nito, tinatangka lang limitahan ng gubyerno ang ekspansyon ng aliping-paggawa. Nang ideklara ang abolisyon, ang sinaklaw lang nito ay ang mga estadong hindi kontrolado ni Lincoln.
Hindi ang libertaryong mga prinsipyo ang nag-udyok sa Hilaga na palayain ang binastardong mga alipin sa Timog kundi ang nesesidad ng pagsulong ng kapitalistang sistema ng sahurang pang-aalipin. Hindi nilutas ng abolisyong ito ang makalahing diskriminasyon sa Amerika, matapos ang mahigit isang siglo, dahil hindi naman talaga ang pang-aalipin ang nilutas ni Lincoln kundi ang pangangailangan ng kapitalismo. Mismo ang kababaihan sa Amerika ay binigyan lang ng karapatang bumoto noong _____, at hanggang sa ngayon ay biktima ng diskrimasyon sa trabaho, dahil hindi naman talaga ang konsepto ng pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan ang nasa likod ng kunwa’y mga demokratikong hakbang ng kapitalismo.
Nang manalo ang Hilaga sa Civil War, ang lakas-paggawa ng mga Itim ay sinimulang higupin ng kapital sa anyo ng "malaya" ngunit murang sahurang-paggawa. Ngunit bago nito, ang agos ng sahurang-paggawa ay mas isinusuplay ng walang patid na pagdagsa ng mga migranteng galing sa Europa. Sa loob lang ng sampung taon (1845-55), ay umabot sa 3.1 milyong migrante ang pumasok sa Amerika. Kalagitnaan ng 1840s, pinalitan na ng mga migranteng Irish ang mga kababaihang Yankee bilang pangunahing pwersa sa mga pabrika ng tela sa New England dahil mas mura ang kanilang paggawa.
Pinakamalinaw na katibayan ng sukdulang kahirapan at kaapihang dinaranas ng mga manggagawa ng panahong ito ay ang paglakas ng kilusang manggagawa sa Amerika. Nahihinog pa lang ang kapitalismo sa Amerika, sa iba’t ibang dako ay nagsusulputan na ang mga unyon at nagpuputukan ang mga welga. Sa katindihan nito noong 1853-54, mahigit sa 400 welga ang pumutok sa pinakamalalaking estado sa Amerika kahit kagagaling lang nito sa pagsadsad noong 1837, sa panahon ng resesyon ng ekonomya (Panic of 1837) at kontra-opensiba ng kapital.
Paulit-ulit na winasak ang mga unyon at welga pero paulit-ulit na bumangon hanggang sa rumururok sa tinatawag na Great Strike of 1877 na naghugis insureksyon. Ang pambansang kilusang welgang ito ay nagsimula pa noong 1873-74 nang sumiklab at lumaganap ang malawakang welga sa mga perokaril sa isyu ng wage cuts. Una pa rito’y ang malawakang kampanya para sa 8-oras na araw paggawa na pumutok sa New York, Massachusetts, at iba pang estado. Noong 1872, mahigit sa 100,000 manggagawa ang nag-walk-out sa New York. Sa mayorya ng mga welga, ang isyu ay ang wage cuts pero sumusulong ang mga labanan hanggang sa kahilingan sa pampulitikang mga reporma at ang kampanya para sa 8-oras na araw paggawa.
Dahil sa tindi, lawak at katangian ng mga welga at aksyong protesta, naobliga ang presidente ng US noon (Hayes) na mobilisahin ang National Guards at ipag-utos ang "paggamit ng kailangang dahas" para wasakin ang mga welga at protektahan ang karapatan sa pribadong pag-aari. Matapos na masawata ang mga welgang ito, ilang buwang nag-ingay ang mga kapitalista, pulitiko at opisyal ng militar at iginiit ang pagtatayo ng malaking "standing army" ng Amerika para "mapigilan ang isang insureksyon na tipong-Paris Commune" (1871) na naganap sa France.
Sa pagkahinog ng kapitalismo sa Amerika, hindi lang ito niyugyog ng paulit-ulit na pagbugso ng kilusang manggagawa sa kalunsuran at mga rebelyong agraryo (____) kundi ng peryodikal na pagsiklab ng matitinding krisis. Kung hindi ito sumampa sa antas ng monopolyo- kapitalismo, at naging imperyalistang pwersa sa daigdig, magigiba ang kapitalismo sa Amerika sa tindi ng Great Depression ng 1893 at Great Depression ng 1929.
Pumuputok ang mga krisis na ito sa kabila ng kalagayang hanggang 1880s, sa deskripsyon ng isang historian, ang karamihan ng mga pabrika sa Amerika ay nananatiling tipong mga talyer ng artisano at hindi pa mga integrated na planta. Pero sa antas pa lang na ito ay daan-daan na ang nababangkrap at nagbabagsakann kapitalistang negosyo dahil sa matinding kompetisyon sa presyo. Imbes na reorganisahin ang kanilang mga negosyo, nagpapatindihan sila sa pagtitipid sa pasweldo.
Hanggang 1837, halos hindi pa umuusad ang mekanisasyon ng paggawa sa Amerika. Ang pagpihit ay naganap sa pagitan ng 1847 at 1854 nang simulan ang introduksyon ng steam-powered machinery sa mga susing industriya at sinabayan ito ng paggamit ng mga tren, telegrama at steamship. Pero 1837 pa lang ay pumutok na ang isang malubhang krisis pang-ekonomya (Panic of 1837) dahil sa sobrang produksyon sa ilang industriya. Umabot ito sa pagguho ng credit at banking. Sa panahong ito, sa Hilagang bahagi ng Amerika, walang matagpuang bukas na banko. Ang epekto ng krisis ay ang pagrenda sa komersyal na ekspansyon at improbisasyon ng mga kagamitan sa produksyon.
Pagpasok ng 1854, sumiklab ang matinding resesyon, at lumala ito, mula 1857 hanggang 1859, sa anyo ng Unang Depresyon sa US. Hindi pa man lubusang sumisikad ang mekanisasyon, at wala pang kumakatas na prosperidad sa mayorya ng populasyon, namimintog na’t nananabog sa panloob na krisis ang kapitalistang sistema sa panahong ito ng "free enterprise".
Ang partikular na krisis na ito ang nagpaigting sa kontradiksyon ng kapitalismo ng mga taga-Hilaga at aliping-paggawa ng mga taga-Timog. Kailangan ng kapital ang malawak at murang paggawa ng mga Itim na ayaw pakawalan ng mga plantasyon sa Timog samantalang nangangamba ang mga taga-Timog sa tunay na disenyo ng mga taga-Hilaga laban sa kanilang antigo at bastardong sistema ng produksyon. Bandang 1861, nagdeklara ng secession ang pitong estado sa Timog at sumiklab ang gera sibil – ang unang modernong gera sa daigdig na ikinasawi ng mahigit sa 600,000 Amerikano.
Matapos ang Depresyong ito, 14 na taon lang ang lumipas at pumutok ang mas matinding krisis – ang Great Depression ng 1873-78. (Check kung international ang krisis na ito). Malalim at permanente ang epekto ng depresyong ito sa ekonomya ng Amerika. Libu-libong negosyante ang nagbagsakan, at sa panahong ito, halos naglaho ang orihinal na mga "negosyong pamilya" na dati’y namumutiktik sa buong Amerika. At ang mga naiwang nakatindig, matapos ang pananalanta ng depresyon, ay nagsisimula nang maghugis monopolyo.
Nang pumutok ang unang krisis (1837), mga 54 na taon mula nang sumiklab ang Rebolusyong Amerikano, napakaliit na bahagi pa rin ng populasyon ang nabubuhay sa sahurang-paggawa o kabilang sa di-agrukulural na populasyon. Kahit matapos palayain ang mga aliping Itim, ang malawak na mayorya ng populasyon ng Amerika ay nabubuhay, hindi sa sahurang paggawa, kundi sa indepedyenteng paggawa ng mga nagsasariling magsasaka (yeomen) at nagsasariling artisano (craftsmen) o kombinasyon ng dalawang hanapbuhay na ito.
Pero pagdating ng 1880, ang di-agrikultural na bahagi ng kabuuang populasyon na nagtatrabaho ay umabot na sa 48.4 na porsyento. Mula 1880 hanggang 1990, ang di-agrikulural na mga mangagawa sa Amerika ay umabot na sa 59.6 na porsyento ng nagtatrabahong populasyon. Hindi lang ito resulta ng pagdagsa ng mga migrante na ang kinabagsakang kapalaran sa Amerika ay ang sahurang-paggawa sa mistulang mataderong mga pabrika o resulta ng paghigop ng kapital sa dating aliping-paggawa ng masang Itim. Ang di maikakailang kahulugan ng pag-igpaw ng bilang ng mga sahurang-manggagawa ay winasak ng pagsulong ng kapitalismo ang ekonomya ng mga indepedyenteng prodyuser na siyang mayorya ng populasyon.
Pinatay ng "malayang kompetisyon" ang nagsasariling hanapbuhay ng ordinaryong mga magbubukid at artisano sa buong kalawakan ng Amerika na bumubuo sa mayorya ng populasyon. Ito’y sa kabila ng kalagayang napakalawak ng lupain ng Amerika. Napakaraming oportunidad para magbungkal ng sariling lupa o maging mga indepedyenteng prodyuser ang karamihan ng Amerikano.
Kaparis ng ginawang anihilasyon sa mga Indians sa pagdagsa ng settlers mula Europe, nilipol ng kapital ang mga indepedyenteng prodyuser. Ginawang mga sahurang alipin ng kapitalistang industriya at agrikultura. Ito rin ang naganap sa sinasabing "Old World" (mga bansa sa Europe). Binangkrap ng pagsulong ng kapitalismo ang nagsasariling ekonomya ng mga indepedyenteng prodyuser. Matapos lumaya sa pyudalismo, sila’y nginuya at nilamon ng modernong kapital, sinibak at pinanggatong sa modernong industriya. Ginawang mga proletaryong elementong walang natirang pag-aaring kasangkapan sa produksyon kundi ang lakas-paggawa.*
Ito ang sinasabing "prosperidad" na inihandog sa mayorya ng populasyon sa pagsulong ng kapitalismo sa landas ng malayang pamumuhunan, kalakalan at kompetisyon – ang itransporma ang kanilang "malayang paggawa" sa ordinaryong kalakal sa anyo ng sahurang-paggawa, ang itransporma ang mayorya ng populasyon sa mga sahurang-alipin ng kapitalistang kaharian.
Ayon kay Walt Whitman, isa sa pinakamahusay na makata at manunulat ng Amerika sa kanyang deskripsyon sa panahong ito: "Kung ang US, gaya ng mga bansa sa Old World, ay nagagawang magpatubo ng masaganang ani ng populasyong hikahos, desperado, disgustado, palaboy, miserable ang sweldo – na siyang lumalago sa lumilipas na mga taon – samakatwid, ang ating eksperimento sa republika, sa kabila ng mga paimbabaw na tagumpay, sa pinakapuso ay isang di-malusog na kabiguan."
Hindi naganap ang ipinagmamalaking prosperidad ng populasyon ng Amerika sa unang 120 taon ng pag-unlad ng kapitalismo sa landas ng malayang kompetisyon. Ang naganap sa panahong ito ay ang proletaryanisasyon ng masang Amerikano.
Kahit sa unang mga dekada ng monopolyo-kapitalismo sa Amerika – mula 1990s hanggang sa sumiklab ang pinakamatinding pang-ekonomyang krisis ng kapitalismo, ang Great Depression ng 1929 – hindi pa rin tumulo ang prosperidad ng imperyalismo sa mayorya ng populasyon bagamat pinagpepyestahan na ito ng mga naghaharing uri sa Amerika. Nagsimulang dumating ang balatong grasya ang kapitalismo sa Amerika nang ito’y maging numero unong imperyalistang bansa sa buong daigdig matapos ang WW II.
Modernong imperyalismo at hindi ordinaryong kapitalismo ang nagbigay ng prosperidad sa populasyon ng Amerika at mga bansang industriyal pero ang kapalit nito ay ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon ng mundo na nanatiling atrasado dahil sa imperyalistang dominasyon.
Dominasyon Ng Monopolyo-Kapital Sa Lipunang Amerikano
Pagdating ng 1920s, nalubos na ang dominasyon ng monopolyo-kapital hindi lang sa hanay ng uring kapitalista sa US kundi sa buong populasyon at lipunan., laluna sa uring manggagawa. Mayorya ng mga manggagawa sa manupaktura ay nagtatrabaho sa mga pabrikang nagkakahalaga ng mahigit isang milyong dolyar. Bago sinasakop ang mundo, sinakop muna nito ang sariling populasyon.
Pero kakaiba ang naging proseso ng pagkontrol ng monopolyo-kapital sa lipunang Amerikano kumpara sa ibang bansang industriyal. Ang paghahari nito sa Amerika ay hindi naganap sa paraan ng pakikipagkasundo ng kapital sa paggawa na gaya ng karanasan sa ibang bansang industriyal. Naganap ito sa tahasang panunupil at pagwasak sa kilusang manggagawa. Sa ibang mga bansang industriyalisado, gaya ng Great Britain, Germany, France, Italy at kahit Canada, Australia, at Japan, ang pagsampa sa kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ng monopolyo-kapital ay may kalangkap na "kompromiso" at "sosyohan" sa poder sa pagitan ng kapital at paggawa.
Palsipikado man ang representasyon sa uring manggagawa, lumitaw sa mga bansang ito ang malalakas na partidong pulitikal na karelyebo o karibal sa kapangyarihang pang-estado (Labor Party sa Great Britain, Social-Democratic Party sa Germany, Socialist Party at Communist Party sa France, Communist Party sa Italy). Pero sa Amerika, hindi nakaigpaw ang kilusang manggagawa sa ganitong antas dahil hindi "kompromiso" ang inalok ng monopolyo-kapital kundi matinding panunupil. Ang mga pagtatangkang magtayo ng mga partido sa Amerika na nakabase ang suporta sa paggawa ay agad kinubkob ng matindi at sustenadong atake ng monopolyo kapitalismong maagang nakonsolida at namonopolisa ang poder sa tuktok ng lipunang Amerikano.
Mula nang sumampa sa yugto ng monopolyo-kapitalismo hanggang sa bago ipatupad ang "New Deal" ni Franklin Roosevelt, presidente ng US mula 1933-45, sustenado ang atake ng kapital sa uring manggagawa katulong ang armado at ligal na aparato ng estado. Matapos ang pagkatalo ng malawakang welga ng American Railway Union noong 1894 na dinurog ng pinagsanib na lakas ng mga higanteng korporasyon at mapanupil na mga kautusan ng estado, kalahok ang US Cavalry, sunud-sunod ang pagkatalo ng mga pagtatangka ng mga manggagawa na hamunin ang big business sa Amerika. Matapos World War I (1914- ), hindi na nabawi ng militanteng unyonismo ang dating inabot na lakas.
Ang pagputok ng "Great Depression" ng 1929 ay may koneksyon sa pagkawasak ng pambansang kilusang manggagawa sa Amerika matapos ang World War I. Ang mga taon matapos ang World War I ay binansagang "carboniferous capitalism". Ang pinakapuso nito ay ang interkoneksyon ng pagmimina, perokaril at mga pabrika na inilatag ng Rebolusyong Industriyal. Mianufacturing at mining pa lang ay sankatlo na agad ng GNP habang ang employment sa industriyal na sektor kasama ang transportasyon at konstruksyon ay nasa 44 porsyento ng mga nagtatrabaho. Ang nasa kategoryang manual laborers, nang panahong iyon, ay mahigit sa 2/5 ng labor force.
Bago gulantangin ng Depresyon, ang US ay istorya ng umaapaw na pag-asenso. Ito ang numero unong prodyuser ng coal at steel sa mundo. Net exporter ng manufactured goods, at mula World War I hanggang 1985, net exporter ng kapital. Ang "sikreto ng tagumpay" ay ang "katipirang" nakukuha sa malakihang operasyon, sistematikong dibisyon ng paggawa at rasyunalisasyon ng daloy ng produksyon. Nagagawa nitong palakihin ang "output" ng mas kaunti ang "input". Ibig sabihin, naitataas ang produktubidad habang bumabagsak ang por pirasong gastos sa paggawa (labor cost per unit).
Sa pagmimintina sa mababang pasahod, o pagbibigay ng mas maliit na umento kumpara sa paglaki ng produktubidad, kahit maliit ang por pirasong tubo, lumalaki ito dahil dinadaan sa dami. Hindi kasabay ng higanteng paglaki ng produktubidad ang pagtaas ng sahod. Ang produktubidad ng industriya ng bakal ay 100 porsyento ang itinaas mula 1890-1910, pero ang sweldo ng mga manggagawa ng bakal ay tumaas lang ng 20 porsyento. Ang totoong nagpondo sa paglago ng mga negosyo sa Amerika ay hindi ang kapital sa pinansya kundi ang akumulasyon ng tubo sa "katipiran" na ito sa proseso ng paggawa.
Dahil mahina ang oposisyon mula sa organisadong paggawa, alaberde ang mga imbestor sa paglalagak ng kanilang kapital. Umapaw ang kapital sa mga industriyang malaki ang tubo hanggang sa sumobra ang kapasidad nito sa produksyon. Isinugal ang puhunan sa mga ispekulasyon. Nagpyesta ang malalaking kapitalista sa dambuhalang tubo hanggang sa biglang gumuho ang buong ekonomya nang sumiklab ang Depresyon.
Nagsarahan ang mga pabrika. Nangalat sa kalsada ang walang trabaho. Pumipila ang tao sa tinapay at abuloy. Nagsulputan ang mga slum areas sa mga syudad ng Amerika. Imbes na ipamigay sa tao ang mga sobrang produkto, sinira o itinapon ito sa dagat dahil lalong babagsak ang presyo kapag libreng ipinamahagi. May "mass production" ang mga pabrika pero walang katumbas na "mass consumption". Dahil tinipid ang sweldo para lumaki ang tubo. Mataas ang produktubidad ng lipunan, pero mababa ang kapasidad na bumili ng populasyon. Kinagat ng ahas ang sariling buntot, nilamon ng sariling kontradiksyon ang kapitalismo.
Ang US Civil War ay resulta ng pangangailangan sa internal na ekspansyon ng kapitalismo sa Amerika. Ang WW I at WW II ay resulta naman ng pangangailangan sa eksternal na ekspansyon ng mga imperyalistang bansa. "Masikip" na ang kani-kanilang bayan para sa kanilang higanteng kapital. Ito ang kakatwa sa imperyalismo. Kailangan iluwas ang sobrang dami ng kapital at kalakal gayong naghihikahos ang sariling populasyon.
Sinasabing si Franklin Roosevelt, ang presidente ng US mula 1933-45 ang nagligtas sa kapitalismo sa Amerika sa bingit ng pagbagsak. Ang totoo’y ang nagsalba sa Amerika ay ang ikalawang gera mundyal. Ang "New Deal" ni Roosevelt ang pinangsawata sa kumukulong antagonismo sa pusod ng lipunang Amerikano sa panahong ito ng Depresyon. Dahil papasok ang Amerika sa panibagong gera, nangibabaw ang makitid na nasyunalismo sa mga sigalot sa pagitan ng kapital at paggawa. Bumenta ang "New Deal" na ito sa masang Amerikano.
Sa atrasadong kompromisong ito ng kapital sa paggawa, ang mga aristokratang lider ng kilusang unyon sa Amerika ay ginawang mga pekeng junior partner ng Democratic Party, bahag na buntot ng monopolyo kapitalismo at lantarang kolaboreytor ng imperyalistang ekspansyon ng Amerika. Kapalit nito ay ang muling rekognisyon ng kapital sa mga karapatan ng manggagawa at ginarantiyahan ang balato sa pag-unlad ng ekonomya na malaking porsyon ay hinihigop sa buong daigdig.
Dumating ang mga balatong ito ng prosperidad nang ganap na maghari sa buong mundo ang Amerika matapos ang WW II. Madaling nasolo ng US ang mundo sa unang mga dekada matapos ang gera dahil sa pagkawasak ng ekonomya ng kanyang karibal. Sa dalawang gerang mundyal na naganap na parehas sinangkutan ng US, kahit isang bomba ay walang nahulog sa mainland Amerika samantalang ang mga syudad ng ibang imperyalistang bansa ay pinulbos ng bomba at binulabog ang produksyon at populasyon.
Pero ang mga balatong ito ng "New Deal" sa masa ay hindi kusang-loob ng mga kapitalista o ng gubyerno. May malaking kinalaman dito ang paglago ng unyonismo sa panahong ito. Pagpasok ng dekada ng 1950s, umaabot na sa 80 - 90 porsyento ng mga manggagawa sa mga industriyang gaya ng kotse, bakal at coal mining ang unyonisado. Sa buong sektor ng manupaktura ay nasa 70 porsyento. Nasa 35 porsyento ng buong lakas-paggawa ang saklaw ng mga unyon. Batay sa mga pag-aaral, ang pangkalahatang diperensya sa sahod, benepisyo at kondisyon sa paggawa ng mga unyonisado sa di unyonisadong mga manggagawa ay nasa 20 porsyento.
Mula 1947 hanggang 1973, ang kita ng mga pamilya sa Amerika ay lumaki ng 2.4 hanggang 3 porsyento bawat taon. Halos nadoble ang kita sa nagdaang tatlong dekada matapos ang WW II. Pero mula 1973, sumumpong na uli ang dating regular na sakit ng kapitalismo. Pumutok ang recession.
Mula noon, hindi na tumaas ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa, at mula 1978, bumagsak pa ito ng 11 porsyento gayong ang kanilang produktubidad ay tumaas ng 24 porsyento mula 1979. Sa nakalipas na 20 taon, ang tunay na halaga ng sahod ng 75 porsyento ng mga manggagawa sa US ay bumagsak ng 20 porsyento. Kahit ang mga manggagawang gradweyt ng kolehiyo ay dumanas ng 2 porsyentong pagbagsak ng halaga ng kanilang kita mula 1987. Ang minimum wage sa US ay hindi itinaas mula 1981 hanggang 1989, at ang halaga nito ay bumagsak ng 16 porsyento. Mula 1991, ipinako na ito $4.25 bawat oras. Ang nabibili ng halagang ito ay 2/3 lang nabibili ng minimum wage noong 1960.
Dahil bumabagsak ang kita, naoobliga ang mga manggagawa na magtrabaho ng mas mahabang oras, pagtrabahuin ang mas maraming myembro ng pamilya at malubog sa pagkakautang. Mula 1979 hanggang 1989, ang karaniwang taunang oras na inuukol sa pagtatrabaho ng lahat ng manggagawa sa Amerika ay nadagdagan ng 5 porsyento. Pagdating ng 1990, 59 porsyento ng mga ina ay naghahanapbuhay mula sa dating 45 porsyento noong 1980. Mula 1979 hanggang 1989, ang bilang ng mga manggagawang mahigit sa isa ang hanapbuhay ay lumaki mula sa 4.7 milyon sa 7.2 milyon. Pero hindi pa rin tumataas ang kita kumpara sa gastos. Kaya’t obligado silang mangutang. Mula 1980 hanggang 1989, ang kabuuang pagkakautang ng mga konsyumer sa Amerika ay lumundag mula $631 bilyon sa $936 bilyon.
Paparaming mga manggagawa ang wala na ring kasiguruhan sa trabaho. Ang kabuuang bilang ng tinatawag na "contingent workforce" sa US (temporary, part-timers, "independent contractors") ay tinatayang nasa 37 milyon, 25 porsyento ng kabuuang workforce ng Amerika. Lumaki ito ng 193 porsyento mula 1985 hanggang 1995. Dahil sa mga downsizing, 43 milyong trabaho ang nalipol sa Amerika mula 1979 hanggang 1995. Ang naprodyus naman na bagong trabaho sa panahong ito ay nasa 23 milyon lang. Sa mga nawalan ng trabaho dahil sa downsizing, 35 porsyento lang ang nakakita ng bagong trabaho na parehas o mas mataas ang sweldo kaysa dati nilang trabaho.
Habang bumabagsak ang kita ng mga manggagawa sa Amerika, lumalaki naman ang kita ng mga kapitalista kasabay ng pagtaas ng produktubidad. Mula 1980 hanggang 1995, tumaas ng 205 na porsyento ang tubo ng mga kapitalistang kompanya habang mga manedyer ay tumaas ng 499 porsyento! Mula 1983 hanggang 1989, kinamkam ng 1 porsyento ng populasyon ang 62 porsyento ng nadagdagan na yaman sa Amerika habang ibinulsa ng susunod na 19 porsyento ang 37 porsyento. Ang natitirang 80 porsyento ng mga Amerikano ay pinaghatian ang natitirang 1 porsyento!
May malaking kinalaman rito ang pagbagsak ng kilusang unyon sa Amerika dahil sa kontra-opensiba ng kapital na nagsimula mula noong nararamdaman na ng mga kapitalista ang papalapit na krisis.. Mula sa kalakasan nito noong kalagitnaan ng 1950s, lumiit ang bilang ng unyonisado sa 28 porsyento noong kalagitnaan ng 1970s, at sa kasalukuyan, nasa 15 porsyento na lang ng kabuuang workforce, at 11 porsyento ng mga nasa pribadong industriya. Ang pagbagsak ng unyonismo ang dahilan ng pagliit ng mga benepisyo mula 1980s, kabilang ang 7 porsyento na pagliit ng bilang ng mga kompanyang nagbibigay ng health coverage at 6 porsyento na pagliit ng nagbibigay ng pension plan.
Kung lalagumin ang lahat ng ating isinalaysay, ang sumusunod ang mabubuong kongklusyon:
Una, ipinundar ang kapitalismo sa Amerika sa murang paggawa ng mga alipin, migrante, katutubong Amerikano, at mga kababaihan at kabataang manggagawa.
Ikalawa, sa mahigit 100 taon ng pag-unlad ng kapitalismo sa Amerika sa landas ng "mal;ayang kompetisyon", hindi prosperidad ang idinulot nito sa mayorya ng popopulasyon. Ang ibinunga nito proletaryanisasyon ng buong lipunan kabilang ang pagkawasak ng mga indepdyenteng prodyuser at transpormasyon nila bilang mga sahurang-manggagawa.
Ikatlo, sa mahigit 100 taong pag-unlad ng "malayang" kapitalismo sa Amerika, dumanas na agad ito ng sunud-sunod at maiigting na mga resesyon at depresyon o mga krisis ng sobrang-produksyon na kung hindi ito bumaling sa pandaigdigang imperyalistang ekspansyon, mananabog ang buong ekonomya at babagsak.
Ikaapat, kung hindi man umasenso ang populasyon ng Amerika sa panahon ng "malayang" kapitalismo, hindi rin ito umasenso kahit noong panahong sumampa na ito sa antas ng monopolyo-kapitalismo o sa unang mga dekada ng pagiging imperyalista ng Amerika.
Ikalima, ang pag-angat sa kapangyarihan ng monopolyo-kapital ay dinaan sa lantarang pagwasak sa kilusang manggagawa na kaiba sa dinaanang landas ng mga bansa sa Europa.
Ikaanim, substansyal ang itinaas ng istandard ng pamumuhay ng populasyon ng Amerika nang masolo nito ang dominasyon sa ekonomya ng mundo matapos ang World War II.
Ikapito, anumang pag-angat ng istandard ng pamumuhay ng mga Amerikano ay hindi resulta ng anumang pagbabago sa distribusyon ng kayaman sa kanilang lipunan. Resulta ito ng simpleng paglago ng kayamanang ng US bilang numerong imperyalistang bansa sa daigdig.
Ikawalo, sa mahigit 250 taon ng kapitalismo sa Amerika, ang distribusyon ng kayamanan ay halos hindi nagbabago. Lumalala pa nga sa paglaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. At sa kasalukuyan, 1 porysento na lang ng bagong yaman ng Amerika ang pinaghahatian ng 80 porsyento ng populasyon.
Ang kapitalismo bang ito ng amerika ang dapat gawing "modelo" ng pag-unlad ng mundo? Ang prosperidad ba ng Amerika ang pruweba na superyoridad ng kapitalismo o ito ang pruweba na kung hindi magiging imperyalista ang isang bansa, hindi tatagal ang kapitalismo? Kung ganito ang kasaysayan ng pagyaman ng Amerika – kung inuubos ng 20 porysento ng mayayaman sa Amerika ang 99 porsyento ng kayamanan ng kanilang lipunan at ang itinitira sa 80 porsyento ng populasyon ay 1 porsyento! – paano tayo maniniwala sa ultimong intensyon ng itinutulak nitong "globalisasyon" ng ekonomya ng daigdig?
SINO mang naghahangad na totohanang lutasin ang problema ng kahirapan ay dapat aralin ang pinag-uugatan nito. Ang kahirapan ay gaya ng anumang malubhang sakit na hindi makukuha sa patapal-tapal o padasal-dasal. Ang epidemyang ito ay kailangang sugpuin sa kanyang pinanggagalinganu Bunutin sa kanyang pinag-uugatan.
Hangga’t ang mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay ng lipunan ay pribadong pag-aari ng iilan, patuloy lang na kakamkamin ng mga may-ari nito ang kalakhan ng yamang likha ng lipunan at ipagkakait ito sa karamihan.
Hangga’t ang mga kagamitan sa ikabubuhay at ikauunlad ng lipunan ay ginagamit na instrumento ng pagsasamantala imbes na simpleng instrumento sa produksyon, mananatili at patuloy na lulubha ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon.
Hangga’t ang bawat lipunan at ang buong daigdig ay pinaghaharian ng uring kapitalista at ng imperyalistang kapital – ang progreso ay hindi mauuwi sa pagginhawa ng tao kundi sa paglago ng pribadong yaman at pagdami ng mahirap.
Ang pagkakaimbento ng modernong makinarya ang nagbibigay ng pagkakataon sa tao na pawiin ang kahirapan at pang-aalipin sa lipunan. Narating na ng syensya’t teknolohiya ang halos walang hanggang kapasidad para sa produksyon ng mga pangangailangan ng lahat para sa komportableng pamumuhay.
Sobra-sobra na ang kapasidad ng paggawa at ng mga instrumento nito para maging masagana ang pamumuhay ng lahat at hindi lang ng ilan. Ang hangganan ng kapasidad na ito ay ang limitadong suplay ng likas na yaman mula sa Kalikasan. Ang problema, may peligrong maubos at masagad ang likas na yamang ito ng daigdig sa pagtustos sa kahayukan sa tubo at luho ng kapitalismo nang hindi man lang nakakatikim nang kaunlaran at kaginhawahan ang mayorya ng populasyon ng mundo.
Pumapasok na ang daigdig sa isang sitwasyong nanganganib nang masagad ang mga kagubatan, karagatan, kalupaan, at pati ang kalangitan. Walang kasing pakundangan kung huthutin ito ng kapitalismo sa nagdaang mga dekada sa hibang na kahayukan sa tubo at luho. Hindi man lang inalala ang susunod na henerasyon na mga tao na gagamit nito. Ang polyusyong ibinubuga ng modernong industriya ay kumakatok na sa kritikal na proporsyong. Kapag umabot sa kasukdulan, baka hindi na mabawi ng tao ang pagkasira ng ekolohiya ng mundo (Box).
Isang siglo lang ng kapitalistang industriya ay halos masagad na ang Kalikasan na ilang milyong taong sumustena sa mga nesesidad ng tao. Pero ang nagpasasa ay maliit na porsyento lang ng lipunan. Ipinagkait sa mayorya ang benepisyo sa likas na yaman ng mundo. Hindi lang ang paggawa ang pinipiga ng kapitalismo sa matinding pagsasamantala. Pati ang Kalikasan ay sinasagad. Kung ang ina ng yaman sa mundo ay ang Kalikasan at ang ama ay ang Paggawa, ang abusadong anak nila ay ang Kapital.
Nesesidad ang nagtakda ng paglitaw ng pribadong pag-aari. Nesesidad rin ang nagtatakda sa abolisyon nito. Ang nesesidad na ito ay ang pangangailangang puksain ang salot ng kahirapang gawa ng pribadong pag-aari. Kung dati’y ang pribadadong pag-aari ay isang nesesidad para umandar ang progreso – at dati’y ang lipas na mga anyo nito ng panlipunang pag-iral ang nagiging sagabal sa progreso – ngayon, ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon – sa anumang porma nito – ang siya na mismong nagiging sagabal sa ibayong pagsulong ng tao.
Lumitaw na sa entablado ng kasaysayan ang instrumentong tumutugon sa nesesidad ng abolisyon ng paghihikahos sa mundo – ang modernong makinarya – at gayundin ang pwersang aktwal na humahawak ng mga instrumentong ito – ang uring manggagawa. Ang saligang problema’y hawak man ng mga manggagawa ang instrumentong ito ng unibersal na progreso, ito’y pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Dahil inaangkin pribadong pag-aari ng uring kapitalista – anuman ang produktubidad ng masang anakpawis sa paggamit ng mga instrumento ito sa proseso ng paggawa – ang bulto ng benepisyo ay hindi para sa buong lipunan kundi sa mga nagmamay-ari ng ikabubuhay at ikauunlad ng tao.
Umunlad sa ganitong antas ang produktubidad ng paggawa sa lipunan dahil sa paglitaw ng uring kapitalista. Ngayong narating na ng mundo ang ganitong antas ng modernong produksyon, dapat nang mawala ang uring ito sa ibabaw ng lipunan. Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista. Pero hindi ito mabubuhay kung walang manggagawa. Tapos na ang kabuluhan sa kasaysayan ng mga panginoong maykapital gaya nang obligadong mawala sa tuktok ng lipunan ang mga panginoong may-alipin at maylupa nang abutan ng pagsulong ang kanilang mga antigong sistema ng lipunan.
Ang papel ng uring kapitalista sa kasaysayan ay paunlarin ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan sa antas na inabot nito sa kasalukuyan. At mahusay niya itong nagamapanan. Pero wala sa kanyang kalikasan – sa kanyang pagiging kapitalista – ang gamitin ang mga instrumentong ito ng progreso para umunlad at guminhawa ang buhay ng tao sa mundo. Insidental para sa kanya ang pangangailangan ng tao. Ang esensal, bilang may-ari ng kapital, ay ang produksyon at akumulasyon ng tubo.
Totoo, tinutugunan ng uring kapitalista ang samu’t saring pangangailangan ng tao. May kabuluhan sa lipunan ang kanyang mga produkto. Syempre, kung walang saysay, walang bibili at hindi siya tutubo.. Gumagawa pa nga siya ng artipisyal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng adbertisment. Pero ginagawa niya ang mga produktong tumutugon sa mga pangangailangan ng tao para tumubo. Hindi ang magbigay ng serbisyo sa lipunan. Ang serbisyo ng mga produkto ng kapitalistang pabrika ay insidental na epekto ng pagnenegosyo. Hindi ito ang ultimong intensyon ng kapitalistang produksyon. Ang motibo at tanging motibo, ay tubo at walang iba kundi tubo. Ang simpleng-simpleng katotohanan ay hindi magnenegosyo ang isang kapitalista kung hindi siya tutubo. Obligadong palaguin niya nang todo-todo ang tubo, kahit sino ang maperwisyo, dahil sa kalikasan ng kapitalismo.*
Bilang kapitalista, ang makinarya ay instrumento ng negosyo, hindi simpleng intrumento ng progreso. Bilang instrumento ng negosyo, ibig sabihin, ito’y intrumento ng tubo. Bilang instrumento ng tubo, ibig sabihin, ito’y intrumento ng pagsasamantala dahil ang tubo sa produksyon ay malilikha lang sa pagsasamantala ng kapital sa paggawa. At bilang instrumento ng pagsasamantala, ibig sabihin, kailanman ay hindi ito magiging instrumento para sa abolisyon ng kahirapan at pang-aalipin, hangga’t nananatiling pribadong pag-aari ng uring kapitalista.
Pero wala sa kalikasan ng makinarya ang pagiging pribadong pag-aari at wala rin sa kalikasan ng paggawa ang pagiging kalakal. Ito’y nasa kalikasan ng lipunang umiiral, ng sistemang kapitalista, ng relasyon sa produksyon ng kapitalista at manggagawa. Ibig sabihin, ang problema ay wala sa intrumento ng produksyon at pwersa ng produksyon, kundi nasa relasyon sa produksyon – ang kapitalistang relasyon ng mga tao sa lipunan.
Ang pribadong pag-aari ay isang relasyong panlipunan. Hindi ito isang bagay na pisikal na umiiral sa loob ng mga bagay. Wala sa kalikasan ng mga puno sa gubat ang sila’y maging pag-aari ng sinuman. Pero nang itakda ng batas ng lipunan na ang mga puno sa 100,000 ektarya ng kagubatan ay konsesyon ng isang tao, ang milyun-milyong punong ito na dati’y walang may-ari ay naging pribadong pag-aari ng isang indibidwal. Kung binayaran man ang konsesyon, walang kinalaman sa transaksyong ito, kahit bahagya, ang batas ng kalikasan. Ito ay gawa ng batas ng lipunan na gawa ng tao.
Ganito rin ang bilyun-bilyong piraso ng mga produktong nililikha ng lipunan sa kapitalistang sistema ng produksyon. Wala rin sa kalikasan ng bawat pirasong ito ang pagiging pribadong-pag-aari ninuman. Ang bawat modernong kalakal ay produkto ng buong lipunan, ng sama-sama at sari-saring paggawa ng tao sa iba’t ibang lugar. Pero lahat ng produktong ito ay pribadong pag-aari ng indibidwal na mga kapitalista dahil – ayon sa batas ng kapitalistang lipunan – kung sino ang may-ari ng kapital ay siya ang may-ari ng produkto at ng tubo sa pagbebenta nito.
Ang kapital, sa madaling salita, ay kumakatawan sa isang relasyong panlipunan sapagkat ito ay isang porma ng pag-iral ng pribadong pag-aari – ang prinsipal na porma ng pag-iral ng pribadong pag-aari sa lipunang kapitalista.
Ang kapital ay binubuo ng instrumento sa produksyon, ng hilaw na materyales at ng lakas-paggawa, at sa dulo ng produksyon – ang surplas, ang tubo -- at bawat isa ay ginagawang pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Kung ang pribadong pag-aari ay isang klase ng relasyong panlipunan na hindi naman talaga umiiral sa loob ng mga bagay – at ang kapital ang prinsipal na porma ng pag-iral ng pribadong pag-aaring ito sa kapitalistang sistema – ibig sabihin, ang mismong kapital ay isang klase ng relasyong panlipunan, ang dominanteng relasyon sa araw-araw na buhay ng mga tao. Sa kapital nakadeposito ang mapagsamantalang relasyon ng tao sa modenong kaayusan.
Ang pag-iral ng kapital – bilang porma ng pribadong pag-aari o bilang relasyong panlipunan – ay hindi isang bagay na "natural" sa lahat ng lipunan. Lumitaw lang ito sa nakalipas na 500 taon, samantalang humigit-kumulang, ay 10,000 taon na ang nakakaraan mula nang lumitaw ang unang porma ng pribadong pag-aari sa anyo ng sistemang alipin. Ibig sabihin, kung ang kapitalismo ay may pinagsimulan, ito ay mayroon ring katapusan gaya ng naunang mga sistemang dinaanan ng pag-unlad ng kasaysayan patungong kapitalismo.
Ngunit ang mga mapang-aliping sistemang pinaglilipasan ng kasaysayan ay hindi kusang naglalaho. Ito’y ibinabagsak! Ibinabagsak ng mga produktibong pwersang sinasagkaan at sinasakal ang pag-unlad ng naghaharing mga relasyong panlipunan. Ito ang kasalukuyang kalagayan ng uring manggagawa at masang anakpawis. Ang karapatang umunlad ng mga taong siyang nagpapagod at nagpapawis sa lipunan ay sinasagkaan ng umiiral na sistemang ang yamang likha ng marami ay kinakamkam ng iilan.
Ang dahilan ng kawalan ng pag-unlad ay hindi sapagkat hindi produktibo ang mga manggagawa, at lalong hindi rin sapagkat hindi produktibo ang mga instrumento ng paggawa. Sobra-sobra na nga ang produktubidad. Ang tunay na ekplikasyon sa paghihikahos ay dahil ginagamit ang paggawa at ang mga instrumento ng paggawa hindi para sa pag-unlad ng buong lipunan kundi para sa tubo at luho ng iilan, sa hindi masaid na kahayukan sa kayamanan ng mga panginoong maykapital..
Ang magkakaibang sekta ng relihiyon ay laging nangangaral laban sa kasakiman at iniuugnay nila ang pagkasugapa sa bisyong ito ng tao sa pagmamay-ari ng mga materyal na posesyon sa lipunan.
Ayon sa Hinduismo: "Kung nasa iyo na ang regalo ng pagiging kontento, nasa iyo na ang lahat." Sabi naman ng Islam: "Ang kayamanan ay hindi mula sa dami ng materyal na bagay, kundi mula sa kontentong pakiramdam." Dagdag naman ng Taoismo: "Siya na nakakaalam na mayroon siyang sapat, ay mayaman". Ang turo naman ng Confucianismo: "Ang kasaganahan at kasalatan ay kapwa may sala." Sa Buddhismo: "Sa kahayukan sa yaman, sinisira ng isang hangal na tao ang kanyang sarili na parang ang kanyang sarili ang kanyang kaaway." At ang babala ng Kristyanismo: "Bantayan mo ang lahat ng uri ng kasakiman: ang buhay ng isang tao ay hindi sa dami ng kanyang pag-aari. "
Ang pundamental na usapin ay makokontento ba ang uring kapitalista sa kinakamal nitong tubo? Mayroon bang antas ng satispaksyon ang akumulasyon ng kapital para magkaroon ng kontentong pakiramdam ang may-ari nito? Hindi pa sapat ang isang trilyong dolyar para sa 225 na pinakamayayamang tao sa mundo para tumitigil na sila sa pagpapayaman?
Kahit araw-araw na magsimba ang isang kapitalista hindi niya maaring ihalo ang Kristyanong moralidad sa malupit na batas ng kapitalismo ng akumulasyon ng kapital at kapitalistang kompetisyon.. Hindi niya maaring kaawaan ang kanyang manggagawa dahil hindi maaawa sa kanya ang kanyang kapitalistang karibal. Laluna sa panahong ito ng globalisasyon na walang patawad sa walang-pakundangang kompetisyon. Pataaasan ng produktubidad, pamurahan ng paggawa. At para mapamura ang paggawa, wasakin ang mga unyon, supilin ang mga karapatan, bawiin ang mga benepisyo, itigil ang mga umento, bawasan ang mga empleyado, at paunlarin ang mekanisasyon.
Hindi ba pwedeng magkaroon ng "maginoong kasunduan" ang lahat ng kapitalista na huwag nilang idamay sa kanilang kompetisyon ang uring manggagawa, huwag ipitin ang uring manggagawa sa banggaan ng magkakaribal na kapital? Kapag ito ang hiniling natin sa kapitalustang sistema, para na rin nating hiniling na itigil ang kapitalismo.
Ang kaluluwa ng kapitalismo ay ang akumulasyon ng kapital at ang akumulasyon ito ay magaganap lang sa pagpapalago ng tubo. At obligadong walang tigil ang akumulasyon dahil ginagatungan ito ng kapitalistang kompetisyon. Dahil sa batas na ito ng akumulasyon, imposibleng marating ng kapitalismo ang isang antas ng satispaksyon. At habang umiigting ang kapitalistang kompetisyon, ang tunguhin ay pabagsak ang proporsyon ng tubo sa inilalargang kapital kaya’t obligadong pigain ang lakas-paggawa, pamurahin ang paggawa, upang mamintina at mapalaki ang tubo.
Kung hindi sa pamurahan ng paggawa, paano maglalaban ang mga kapitalista? Kung sasabihing pahusayan na lang ng makinarya, ang problema’y ang ibig sabihin mismo nito ay pamurahan ng paggawa. Ang modernisasyon ng makinarya ang mismong instrumento para patindihin ang pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa. Pero ang pagbaling sa mekanisasyon sa tulak ng kompetisyon, ang siya ring nagpapabagsak sa proporsyon ng tubo sa inilalargang kapital.
Buhul-buhol ang kapitalismo sa sariling panloob na kontradiksyon at walang ibang solusyon sa kontradiksyong ito kundi ang abolisyon ng kapitalismo. Ang pundamental na kontradiksyon sa pagitan ng kapital at paggawa ay malulutas lang sa abolisyon ng pribadong pag-aari. Mawawala ang kontradiksyon sa paggamit ng makinarya sa lipunan kung ititigil ang paggamit sa instrumentong ito ng produksyon at progreso bilang instrumento ng pagsasamantala at pambubusabos.
Malulutas ang paghihikahos sa lipunan kapag lumaya ang masang anakpawis sa sistema ng sahurang pang-aalipin. Kung ang rebolusyon sa sistema ng produksyon ng lipunan ay naganap sa introduksyon at aplikasyon ng modernong makinarya, ang rebolusyon para sa tunay na progreso at hustiyang panlipunan ay magaganap kapag ang mga makinaryang ito ng pagsulong ay naging komunal na pag-aari ng buong lipunan at hindi ng iilang mapang-aliping uri.