Filemon Lagman

Hinggil sa Taktikal na Islogan Sa Kasalukuyang Sitwasyon

Mid-1990s


Inilathala: Mid-1990s;
Na-markup para sa Marxists.org: Simoun Magsalin.

Note: Ang Islogan ay isinulat ni Popoy Lagman noong mid-1990s, pagatapos ng RA–RJ Schism at pagkatapos isinulat ni Popoy ang mga Counter-Theses. Ang konteksto ng itong Islogan ay isang debate sa loob ng mga nangungunang kadre ng Metro Manila–Rizal Regional Committee tungkol sa pagbuo ng isang “alternative strategy” sa Protracted People's War (PPW).


Islogan

  1. Mahahati sa dalawang antas…
  2. Paano ba ang nakaraang pagbabalangkas…
  3. Sa salaysay na ito, ano ang kapansin-pansin sa ating mga islogan…
  4. Ano ang silbi ng mga taktikal na islogan …
    1. Sa unang taktikal na yugto, 1969-72.
    2. Ang ikalawang yugto (1972-83) at ikatlong yugto (1983-86).
    3. Ang ikaapat na yugto, 1986 hanggang sa kasalukuyan.
  5. Binaybay natin ang mahabang karanasang ito…
  6. Bago tayo dumiretso sa diskusyon ng saligang mga taktika’t islogan…
  7. Batay sa lahat ng natalakay, …

 

1. Mahahati sa dalawang antas ang problema sa sinasabing kakulangan natin ng direksyon matapos ang isplit. Una’y ang programang pampulitika na pamalit sa PPDR. Ikalawa’y ang taktikal na islogang “panapat” sa mga islogan ng linyang PPW. Ang paksa natin dito ay ang huli.

Magkaiba ang problema sa dalawang usaping ito. Ang una’y parang mas simple. Mas pangkalahatan at teoretikal ang kailangang analisis. Ganoon din ang mga pormulasyon. At pwedeng humalaw sa mga programa ng mga bansang parehas natin.

Pero di dapat ganito. Nagkakatalo ang mga programa di sa kanilang unibersal na laman. Ang mapagpasya’y kung paano sinasapol ang pekulyar na katangian ng bawat bansa, laluna sa minimum na programa.

Dagdag pa, sa inabot na krisis ng sosyalismo, di lang dapat repasuhin ang mga modelo. Kailangan ng eksplinasyon sa mga pangyayari. Siguradong may grabeng mali. At ang pagwawasto ay kailangang makita sa programa. Mabuti pa ang mga panatiko ng lunatikong Maoista sa Utrecht. Sila’y laging may simple’t handang paliwanag, may paboritong sisihin — ang makabagong rebisyunismo.

Kaya’t kung tutuusin, mas mabigat ang gumawa ng programa kaysa taktikal na islogan. Ang taktikal na islogan ay mas pagsusuri sa sitwasyong pampulitika. Sa balanse ng pwersa. Sa galaw ng mga uri. Pagbabalangkas mismo ito ng saligang taktika. Dito’y ang mga rekisito ay mas kongkreto’t mas eksakto kumpara sa programa.

Pero ang totoong kumplikasyon, sa sitwasyon natin, ay sa mga ekspektasyon. Marami’y hulmado pa rin ang isip sa nakasanayang balangkas ng paggawa ng islogan. Ang tendensya’y humanap ng itatapat sa mga islogang nakasanayan natin sa linyang PPW. O isukat ang mga bago nating islogan sa dating balangkas. Sa problemang ito tayo magsimula.

 

2. Paano ba ang nakaraang pagbabalangkas ng Partido ng mga islogan? Ano ba ang tama? Subukan nating repasuhin ang kasaysaya’t karanasan natin sa mga islogan ng Partido sa nagdaang dalawa’t kalahating dekada.

Pagkatatag ng Partido noong Disyembre 1968, agad nating pinalaganap ang islogang “Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burokratang kapitalismo! Kamtin ang pambansang demokrasya.” Karugtong nito ang mga islogang “Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!” at “Isulong ang matagalang digmang bayan!”

Ang deskripsyon sa Pilipinas noon ay nakaupo sa isang social volcano. Kailangang magkaruon ng substansyal na mga reporma. Kung hindi, magkakarebolusyon sa bansa.

Sa kontekstong ito pumasok ang isyu ng ConCon at lumaganap ang islogang “Non-Partisan Constitutional Convention”. Ang pangunahing nagdala nito’y ang kilusang istudyante na noo’y dominado pa ng mga tinatawag nating “moderato”.

Negatibo ang tindig ng Partido sa ConCon. Pati sa islogang “non-partisan ConCon” ng NUSP. Ang atin ay “Rebolusyon hindi Kumbensyon”. Pero sa okasyon ng 1970 State of the Nation address ni Marcos sa Kongreso, sumali ang mga aktibistang organisasyon ng Partido sa malakihang Jan. 26 non-partisan ConCon rally na naging hudyat ng FQS.

Nang pumutok ang FQS, sumikat sa publiko ang islogang “tatlong ismo”. Naging tatak ng aktibista. Ang DRB at PPW ay di eksaktong nagmarka bilang mga islogan sa ordinaryong tao. Pero tampok na tayo’y nananawagan ng “armadong rebolusyon”. Dito napag-iba ang mga radikal na aktibista sa mga moderato na “mapayapang reporma” ang gusto.

Nang suspendihin ni Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971, matapos ang PMB, pinasikat natin ang islogang “Digmaang bayan sagot sa martial law!” Setyembre 1972, idinekalara ang martial law. Sinagot ito ng Partido ng sentral na islogang “Ibagsak ang Diktadurang US-Marcos!” Mula noon hanggang sa bumagsak ang rehimeng diktador ni Marcos noong 1986, ito ang tumayong sentral na islogan ng Partido. Ang ligal nitong pormulasyon ay “Lansagin ang Diktadurang US-Marcos!”

Umagos ang rebolusyonaryong sitwasyon noong 1983 matapos ang asasinasyon kay Aquino. Ang islogang “Ibagsak” o “Lansagin” ay kinabitan natin ng islogang “Itayo ang Demokratikong Gubyernong Koalisyon” (DCG). Ang mainit na tanong kasi noon ay ang alternatibo sa diktadurang Marcos.

Ikinampanya ng mga Coryista ang islogang “Marcos Resign!” Binatikos natin ito. Mismo ang islogan ni Diokno na “Oust US-backed Marcos regime!” ay di natin inayunan. Tinutulan natin dahil, sa pormulasyon, ang rehimen lang ni Marcos ang patatalsikin. Parang di lalansagin ang buong diktadurang kasabwat ang US.

Pero nang dumating ang bispiras ng pagbagsak ng diktadura, ang bispiras ng pag-aalsa, parang hindi tayo kasali. Tayo pa ang di nakasali, tayo na labing-apat na taong nananawagan ng pagbabagsak, ng rebolusyon. Nang magpatawag si Marcos ng snap election, nanawagan tayo ng “Boykot!” Kumontra-agos, di lang sa galaw ng burges na oposisyon, kundi sa sentimyento ng malawak na masa. Iginiit natin ang mga islogang DRB, PPW, Lansagin, at DCG. Matapos ang maruming eleksyon, sumiklab ang Edsa, nagiba ang diktadura, tumakbo si Marcos.

Nang pumalit si Aquino, ang islogan pa rin natin ay ang “tatlong ismo” . Ang US-Marcos ay naging US-Aquino. Nang palitan ni Ramos si Aquino, ang US-Aquino ay ginawa naman nating US-Ramos. Ang mga apelyido lang ang binabagu-bago, hindi ang islogan mismo.

 

3. Sa salaysay na ito, ano ang kapansin-pansin sa ating mga islogan at sa sinusunod nitong padron o balangkas? Paano umangkop ang ating mga islogan sa mga pagbabago ng sitwasyong pampulitika?

Mula nang muling itatag ang Partido, dumaan na ang rebolusyonaryong kilusan sa apat na taktikal na mga yugto ng pag-unlad batay sa mga pagbabago ng sitwasyong pampulitika sa bansa.

Una, 1969-72, pagkatatag ng Partido hanggang sa deklarasyon ng batas militar.

Ikalawa,1972-1983, pagkatatag ng pasistang diktadura hanggang sa simula ng malawakang pag-agos ng pakikibakang antipasista.

Ikatlo, 1983-1986, ang opensiba ng kilusang anti-diktadura na umabot sa pag-aalsang Edsa at pagbagsak ng diktadurang Marcos.

Ikaapat, 1986 hanggang sa kasalukuyan, ang tuluy-tuloy na paghupa ng kilusan mula sa panahon ni Aquino hanggang kay Ramos.

Paano tumugon o umangkop ang ating mga islogan sa mga yugtong ito ng pag-unlad ng pakikibaka at mga pagbabago ng sitwasyong pampulitika?

Sa unang yugto, ang pangunahing islogan ay ang “tatlong ismo”, ang pagsusulong ng DRB, ang pananawagan ng PPW. Sa ikalawang yugto ay ang islogan ng pagbabagsak sa “USMD” Sa ikatlong yugto ay “USMD” pa rin na dinugtungan natin ng islogan ng “DCG”. Sa ikaapat na yugto ay obligadong patampukin uli ang “tatlong ismo” at pagbabagsak naman ng “USAR”, at noong 1992, ay “USRR” naman ang kalaban.

Nagbabagu-bago ang sitwasyon. Pero di nagbabago ang ating mga islogan. Ang talagang sentral na islogan natin sa buong panahong ito ay “isulong” ang DRB. Ito ang ibig sabihin ng “ibagsak” ang “tatlong ismo”, “ibagsak” ang USMD, ang USAR, ang USRR. Ito ang ibig sabihin ng “itatag” ang DCG, “kamtin” ang ND. Ang islogang PPW ay para sa ganitong layunin.

Lahat ng ating islogan ay nasa kategorya ng tinatawag nating “istratehiko”. Laging pumapatungkol sa pananagumpay ng DRB. Lagi nating ikinakabit ang etiketang US sa naghaharing rehimen. Di lang para simpleng idiin na ang mga ito’y mga papet ng US. Ito’y mas para ilinaw na ang dapat ibagsak ay di lang ang lokal na papet kundi ang imperyalistang paghahari sa bansa.

Hindi natin istilo ang gumawa ng taktikal na islogan para sa nabanggit na mga yugto na di tagumpay ng DRB ang layon o kahulugan. Para bang kapag bumaba rito ay malilito ang masa at mahuhulog sa repormismo.

Pero kung iistriktuhan, hindi “istratehiko” ang mga islogang ito kundi taktikal. Kung ang kahulugan ng “istratehiko” ay ang ating ultimong layunin, ang dapat na “istratehikong” islogan ay sosyalista ang katangian. Sa ganitong kahulugan ng “istratehiko”, ang islogang DRB ay taktikal na islogan dahil ito’y para sa ultimong layunin ng sosyalismo.

Kung ang pagiging rebolusyonaryo ng isang islogan ay ang pagiging “istratehiko” nito — pumapatungkol sa ultimong layunin ng rebolusyon — ang islogang DRB ay mali dahil hindi ito ang ating “istratehikong” layunin kundi ang sosyalistang rebolusyon. Sa punto de bista ng sosyalistang rebolusyon, ang DRB ay usapin lang ng taktika. Sa kanyang sarili, ito’y nasa kategorya pa rin ng pakikibaka para sa reporma.

Sa ganitong batayan, pundamental ang ating kakulangan. Sa nagdaang dalawa’t kalahating dekada, di natin ipinalaganap ang islogan ng sosyalismo. Tayo ang Partido Komunista sa mundo na pawang “pambansang demokratiko” ang islogang ipinalagaganap at hindi man lang gumawa ng mga islogan para sa sosyalismo.

Pero kung ipipilit na ang islogan ng DRB ay istratehiko, ano ang taktikal? Ang totoo, istratehiko talaga ang intindi at turing natin sa DRB. Una, ang binalangkas na programa ng Partido ay pinamagatan nitong PPDR. Ibig sabihin, ang prinograma lang ng Partido ay ang DRB.

Ikalawa, sa PPDR na ito, ang ikinategorya nating maksimum at minimum na programa ay saklaw parehas ng DRB (imbes na sosyalista ang maksimum at demokratiko ang minimum). Batay sa PPDR, ang maksimum na programa ng DRB ay ang istratehiko at ang minimum ang taktikal.

Sa madaling salita, kung itatanggi na ang DRB ay istratehikong islogan, wala tayong istratehikong islogan. Kung aaminin naman na ang DRB ay ang istratehikong islogan, wala naman tayong taktikal na islogan.

Paano kakalagin ang ganitong pagkakabuhol? Simple, pinagsanib ng Partido ang istratehiko at taktikal sa iisang islogan, nilagyan ng taktikal na katangian ang istratehikong islogan at ikinarga ang nilalaman ng istratehikong islogan sa taktikal.

Ang islogang “Ibagsak ang diktadurang US-Marcos at itayo ang demokratikong gubyernong koalisyon!” ay pagsasapraktika ng ganitong balangkas o pamamaraan ng paggawa ng islogan. Ito mismo ang islogan ng DRB sapagkat ang tagumpay ng islogang ito ay tagumpay ng DRB. Nasaan ang kanyang taktikal na katangian? Ang kanyang pagiging taktikal ay ang pagkakaroon ng kongkretong target — ang USMD na siyang “konsentradong ekspresyon” ng imperyalista, pyudal at burokratang paghahari sa bansa.

Nang bumagsak si Marcos at palitan ni Aquino, USAR naman ang kongkretong target ng rebolusyon. Nang palitan ni Ramos si Aquino, ang paglaban sa USRR naman ang ating taktikal na islogan. Kung nanalo si Bongbong sa Senado, at lumaban sa pagkapangulo sa 1998, baka bumalik tayo sa US-Marcos na islogan, at sa rebanse ay baka swertehin na tayo.

Sa madaling salita, napakadali ang gumawa ng taktikal na islogan. Hindi na kailangang magsuri ng kalagayan, aralin ang makauring pagkakahanay, sapulin ang partikularidad ng sitwasyon, kwentahin ang balanse ng pwersa, at pagkunutan ng noo ang taktika. Sa Maoismo, alamin lang kung sino ang presidente, kabitan ng US ang kanyang apelyido, pagkatapos ay manawagang ibagsak ito, at presto, mayruon na tayong taktikal na islogan. Pero ang talagang tawag dito’y isloganismo.

 

4. Ano ang silbi ng mga taktikal na islogan at paano natin tatasahin ang naging gamit ng mga “taktikal” na islogan ng Partido?

Ang nabanggit na mga islogan, kung talagang ikakategorya, ay pamproganda, di taktikal. Pero kahit bilang mga islogang pampropaganda, ito’y depektibo. Di popular ang lenggwahe, masama ang pagkaimpake. Ang apila’y sa mga mulat na pamilyar sa ating mga termino. Ang laging konsiderasyon ay eksaktong pormulasyon di ang popular na presentasyon. Mas panloob na propaganda kaysa propagandang pangmasa.

Ano, kung gayon, ang taktikal na islogan? Hindi ito simpleng islogang pampropaganda, pang-ahitasyon o pang-aksyon, bagama’t dapat taglay nito ang ganitong mga katangian. Ito’y nakapagmumulat, nakapagpapaalab, nakapagpapakilos.

Pero ang mas esensyal sa isang taktikal na islogan ay ito’y kumakatawan at nagsisilbi sa ating saligang taktika sa isang takdang istorikal na sitwasyon. Binibigyan nito ng pangmasang ekspresyon ang ating saligang taktika, isinasalin sa antas ng islogang pangmasa.

Masasalamin sa taktikal na islogan ang saligang taktika ng Partido sa isang partikular na yugto ng pagsulong ng pakikibaka. Ang krusyal na usapin sa pagbabalangkas ng taktikal na islogan ay ang mismong pagbabalangkas ng tamang taktika sa isang partikular na sitwasyon.

Kung tatasahin ang mga islogan ng Partido sa nabanggit na apat na mga yugto ng pag-unlad na dinaanan ng ating pakikibaka mula 1969, ang unang dapat alamin at tasahin ay ano ang saligang mga taktika ng Partido sa mga panahong ito at paano binigyan ng pangmasang ekspresyon ang mga taktikang ito sa porma ng islogan.

Ito’y mas masalimuot. Kung mahirap tukuyin ang taktikal na mga islogan ng Partido dahil may pagkaistratehiko, mas mahirap apuhapin ang saligang mga taktika nito sa bawat yugto ng pakikibaka. Sapagkat, dito’y lalabas na ang talagang saligang “taktika” ng Partido ay ang mismong “istratehiya” ng matagalang digmang bayan, at narito ang kakanyahan ng bulgarisado nating konsepto ng rebolusyon.

Halos di ito makapagbigay ng puwang sa usapin ng pampulitikang taktika. Sa esensya, walang taktikang pampulitika ang Maoistang rebolusyon. O pwedeng sabihing ang istratehiya ng matagalang gera ang mismong taktikang pampulitika ng Maoistang Partido. Kaya’t mahirap itong hanapan ng taktikal na islogan sa tunay na kahulugang pampulitika nito.

Simple ang lohika ng Maoismo: Ang rebolusyo’y pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Kung ang kapangyarihang pampulitika’y tumutubo sa dulo ng baril, samakatwid, sa dulo rin ng baril puputok ang isang rebolusyon. Sabi nga ni Mao, “ang rebolusyon ay di piknik.” Para kay Sison, ito’y barilan.

Sa ganitong rebolusyon, ang pagpapakabihasa ay sa istratehiya’t taktika ng pakikibakang militar hindi ng pakikibakang pampulitika. Ang rebolusyon ay di simpleng pakikibakang pampulitika. Ito’y armadong pakikibaka. Di simpleng armadong pakikibaka. Ito’y matagalang gera, maagang sinisimulan dahil matagalan. Ang konseptong ito ng armadong rebolusyon ang totoong nagkukumpas sa ating mga islogan at taktika.

Mapapatunayan ito sa ating istorikal na praktika sa nagdaang dalawa’t kalahating dekada.

Sa unang taktikal na yugto, 1969-72. Kabubuo lang ng Partido, kaaahon ng kilusan mula sa matagal na paghupa nang biglang sumiklab nang halos walang babala ang Unang Sigwa ng 1970, at kumalat na parang apoy ang aktibismo ng militanteng kabataan.

Sumiklab ito sa panlipunang kondisyong sumisigaw ng pagbabago, habang sa buong daigdig, umaagos ang militansya’t aktibismo ng mga kabataang istudyante, sumusulong ang mga kilusang mapagpalaya.

Sa kredito ng Partido, masigabo nating naihapag sa lipunan ang usapin ng reporma o rebolusyon. Nagpapanagpo ang mga makauring pwersa sa pangangailangan ng pagbabago sa kalagayang rumaragasa ang rebolusyonaryong ispontanismo ng kabataan-istudyante.

Sa isang banda, inihapag ng halu-halong hanay ng mga repormista’t reaksynaryo ang pagdaraos ng ConCon para baguhin ang Saligang Batas ng bansa at ito ang gamiting behikulo ng pagbabago.

Sa kabilang banda, inihapag naman ng bagong tatag na Partido ang landas ng demokratikong rebolusyon ng bayan bilang tangi’t tunay na paraan para sa pagbabagong panlipunan.

Walang duda na ang sentral na usaping pampulitika noon ay ang usapin ng Con-Con, laluna’t tumampok ito matapos ang napakaruming eleksyong 1969.

Ang pagbabago ng Saligang Batas ay hindi isang ordinaryong pangyayari sa buhay ng isang bansa. Nasa kanyang kalikasan ang ito’y maging entablado ng pampulitikang pakikibaka at ang makauring mga kontrobersya dito ay magkumpas sa galaw ng mga uri.

Hinamon ng sitwasyong pampulitika nang panahong ito ang kakayahan ng bagong tatag na Partido sa usapin ng taktika. Nang yanigin ng FQS ang bansa at lumaganap ang impluwensya ng Partido sa pinasiklab nitong kilusang istudyante — ang inisyatiba’t bwelo ay biglang kumiling sa panig ng rebolusyonaryong kilusan.

Ngunit ang pundamental na usapin ay kung paano tumugon, sa unang yugtong ito ng ating pagsulong, ang saligang mga taktika ng Partido

Di lubos at di epektibong nagamit ng Partido ang eleksyon at kombensyon para sa kanyang sariling adyendang pampulitika. Ang nangyari’y binalewala ito ng Partido. Agad at direktang ibinaling ang atensyon ng mamamayang napupukaw sa pulitika sa sariling landas na ating hinahawan — ang DRB sa anyo ng PPW.

Walang duda sa reaksyonaryong komposisyon at adyenda ng ConCon. Ngunit ang tanong ay ano ang naging taktika ng Partido laban dito? Paano kinumpas, sinustena, at pinaigting ang pumutok na popular na kilusang masa — ang FQS — sa isyung ito?

Ang nangyari, ang FQS na nagsimula sa isyu ng ConCon at pinasiklab ng pasistang panunupil ay sadya at agad nating ibinaling mula sa ConCon at laban sa ConCon patungo sa ibang direksyon.

Simpleng tinatakan nating huwad ang ConCon, at ibinaling ang atensyon ng masa sa ibang larangan ng labanan, sa sariling landas na ating hinahawan — ang daan ng armadong rebolusyon, ang kagyat na pagsisimula ng armadong pakikibaka.

Imbes na ibayong palawakin, palakasin at paigtingin ang kilusang masang ang pinagsimulang isyu ay ang ConCon, sinamantala natin ang isyu ng karahasang pang-estado para tuntungan ng propaganda para sa kagyat na paglulunsad ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Agad nating inawat ang kilusang istudyante sa larangang parlamentaryo sa katwirang ito’y repormista at binusog ng ahitasyon sa armadong pakikibaka.

Dahil dito, di nasustena ang ispontanyong katangian ng kilusang istudyante. Di nasundan ng ikalawang bugso. Nang magsimula ang Kumbensyon, walang malakas at ispontanyong kilusang masa sa palibot nito. Wala ring organisadong pagsisikap na gamitin ang entablado ng Kumbensyon bilang tribuna ng rebolusyonaryong propaganda’t ahitasyon.

Marami-raming makabayang delegado ang nahalal sa Kumbensyon. Pero dahil ang aktitud pampulitika ay isnabin ang eleksyon, ang kanilang panalo ay hindi sa direktang tulong ng kilusang masa, bukod sa kandidatura ni Voltaire Garcia III na lubusan nating sinuportahan. Isa siya sa mga delegado ng Metro Manila na kumuha ng pinakamalaking boto.

Malinaw sa karanasan na di natin nagamit ang malakas na bwelo noon ng kilusang masa para magamit ang eleksyon at ang Kumbensyon sa ating bentahe at gawin itong larangan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Hindi natin sinagupa ang ConCon sa sariling larangan nito, inilantad at nilabanan sa pamamagitan ng kilusang masa. Hindi ang matipunong kamao ng protesta ang lumusaw sa ConCon kundi ang kamay na bakal ng diktadura.

Ang ConCon na dapat sanang nagamit ng isang popular na kilusang masa para sikaping biguin ang adyenda ni Marcos na manatali sa poder ay biglang nagamit ni Marcos para gawing “konstitusyonal” ang kanyang diktadura matapos ideklara ang batas militar.

Ngunit ang totoong problema ay walang layunin ang mga taktika ng Partido na biguin sa pamamagitan ng pakikibakang masa ang ambisyon ni Marcos na manatili sa poder sa pamamagitan ng isang pasistang diktadura. Katunayan, ang kabaliktaran nito ang nilayon ng ating mga taktika.

Ang nangyari’y humawan tayo ng sariling laban, ng adelantadong laban, sa rehimeng Marcos at sa buong reaksyonaryong estado. Imbes na taktikal na isentro ang laban sa ConCon para dito patunayan ang kawalang pag-asa sa reporma at gamitin ito para biguin ang adyenda ni Marcos, hinila natin di lang ang kilusang masa papalayo sa taktikal na larangang ito ng pampulitikang labanan. Si Marcos mismo ay hinila natin palayo sa labanang ito at hinamon sa larangan ng armadong sagupaan.

Tuwang-tuwa naman si Marcos at ang mga reaksyonaryong pwersa. Samantalang wala tayong rebolusyonaryong interbensyon sa labanang pampulitika sa ConCon, binigyan natin ng dahilan ang burges na estado para ibuhos ang pasistang dahas ng reaksyon laban sa mamamayan. Ibuhos hindi sa batayan ng tumitinding kilusang masa kundi dahil sa banta ng matinding armadong pakikibaka.

Ang pagkakatuklas sa proyektong MV Karagatan at ang papaigting na mga aksyong gerilya sa kanayunan ay sapat nang sangkalan ng rehimeng Marcos para ipataw ang batas militar. Hindi maikakaila na ang ating taktika ay hindi ang biguin ang deklarasyon ng batas militar kundi hamunin ang estado na ideklara ito. Maaga nating hinangad ang pakikipagtuos sa reaksyonaryong estado sa dulo ng baril.

Malinaw ito sa islogang “Digmaang Bayan Sagot sa Martial Law” na pangunahin nating pinatampok mula nang suspensyon ng writ. Kagaguhan ang isiping ang islogang ito ay para takutin si Marcos na huwag ituloy ang kanyang plano. Ang ating taktika ay hindi pigilin kundi sulsulan ito. Inilalantad natin ang pakana ni Marcos hindi para ito’y idiskaril kundi ipropaganda ang pangangailangan ng digmang bayan.

Kung ang tamang taktika noon ay hindi ang palawakin at paigtingin ang pampulitikang pakikibaka sa labas at loob ng ConCon bilang sentral na isyung pampulitika, hindi ang isustena ang kilusang masang pinasiklab ng Unang Sigwa sa ganitong taktikal na direksyon — at ang tamang taktika ay kagyat na palawakin at paigtingin ang armadong pakikibaka (MV Karagatan) at gamitin ang kilusang masa para sa kagyat na pananawagan ng armadong rebolusyon at pag-oorganisa ng mga pwersang handang mag-armas sa kanayunan — ang PUNDAMENTAL NA TANONG ay ito: Gaano kahinog ang sitwasyon noon para itaas sa armado ang pampulitikang pakikibaka ng mamamayan at nakabatay ba ang ganitong taktika sa umiiral na sitwasyong pampulitika sa bansa noon?

Malinaw na noon ay kabubuo pa lang ng Partido, nagsisimula pa lang na umagos ang kilusang masa. Kilusang istudyante pa lang ang sumisiklab at nagsisimula pa lang ito na tumagos sa masang anakpawis. Nagpupunla pa lang tayo sa hanay ng masang manggagawa at magsasaka. Naglalatag pa lang tayo ng rebolusyonaryong makinarya sa buong bansa.

Sa ganitong kalagayan, paano masasabing nasa tamang antas at igting na ang pampulitikang pakikibaka para isalin sa armadong rebolusyon? Paano masasabing ang pananawagan para sa kagyat na paglulunsad at mabilisang pagpapaigting ng armadong pakikibaka sa kanayunan ay nakabatay sa sitwasyong pampulitika noon?

Balewala ang saligang mga puntong ito ng konsiderasyong pantaktika dahil hindi rito nakabalangkas ang konsepto ng Maoistang rebolusyon. Sa Maoistang Partido, ang paglulunsad ng armadong pakikibaka ay hindi nakabatay sa antas ng pag-unlad ng pampulitikang pakikibaka ng mamamayan. Nakabatay ito sa pagsusuri, hindi ng sitwasyong pampulitika kundi ng sistemang panlipunan — kung ito’y malakolonyal at malapyudal. Kung ganito ang kalikasan ng lipunan, ang istratehiya ay matagalang digmang bayan na ang kahulugan ay ang kagyat na pagsisimula ng armadong pakikibaka sa kanayunan — nang walang konsiderasyon sa antas ng pampulitikang pakikibaka at partikularidad ng sitwasyong pampulitika.

Batay sa ating praktika sa unang yugto ng ating pagsulong, malinaw na ang saligang taktika ng Partido ay ibinatay hindi sa pagsusuri ng sitwasyong pampulitika sa panahong ito, hindi sa antas ng pampulitikang pakikibaka ng masa kundi sa istratehiya ng digmang bayan.

Maliwanag rin na ang ating taktika ay ang mismong “istratehiya”, ang “istratehiya” ang siya ring taktika, at napakahirap nang iguhit ang linya ng pag-iiba sa pagitan ng dalawa. Ito ang konsistent na katangian ng ating mga “taktika” sa lahat ng dinaanan nating yugto ng pag-unlad.

Wala talagang pinagbago ang ating mga islogan sa mga dinaanan nating yugto dahil di rin naman nagbago ang ating saligang taktika, at ang paliwanag naman dito ay dahil ang ating taktika ay ang ating “istratehiya”, ang istratehiyang ito ay ang ating “taktika”.

At ang istratehiyang ito ay di magbabago hangga’t malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Mababago lang ang ganitong sistemang panlipunan pamamagitan ng tagumpay ng DRB. At magtatagumpay lang ang DRB sa pamamagitan ng istratehiya ng matagalang digmang bayan.

Ang ikalawang yugto (1972-83) at ikatlong yugto (1983-86).

Kumagat si Marcos sa gusto nating mangyari. Pero kung tutuusin, tayo ang pumasok sa kanyang pakana. Natupad ang kanyang adyenda at nagawa niyang wasakin, sa unang mga taon ng diktadura, ang kilusang masa at pahinain ang una nating mga larangang gerilya (Tarlac at Isabela).

Sa kabilang banda, natupad rin ang ating adyenda — ang daanin sa gera ang labanang pampulitika. Bagama’t sa unang mga taon ng diktadura ay dumanas tayo ng malakihang pag-atras hindi lang sa lungsod kundi mismo sa kanayunan — sa bagong sitwasyong pampulitika — mabilis tayong nakabawi’t nakapagpanibagong-lakas.

Pero dapat ilinaw sa kasaysayan na nalagas ang mas malaking bahagi ng ating orihinal na pwersa — sa lungsod at kanayunan — na nabuo sa unang yugto ng ating rebolusyonaryong pakikibaka. Kung hindi dahil sa gera sa Mindanao, baka mas malaki pa ang tinamo nating pinsala.

Sa pamamagitan ng nalabing pwersa na nagpursigi’t nagpakasakit, tayo’y nakapagpanibagong lakas. Pero mahalagang idiin na ito’y sa ilalim na ng bagong kalagayan, ang sitwasyong pampulitikang nilikha ng pasistang diktadura. Ibig sabihin, mali na hugutin ang kongklusyon na wasto ang ating taktika sa unang yugto dahil sa ikalawang yugto ay ibayong lumakas ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang pagsulong ng kilusan sa ikalawang yugto ay hindi resulta ng katumpakan ng taktika ng Partido sa unang yugto dahil nalagas nga ang mas malaking bahagi ng ating pwersa nang ipataw ang batas militar. Pero ang mas esensyal na punto — sa artipisyal nating pagpapaigting sa sitwasyon — nadiskaril ang bwelo at di nalubos ang pagsulong ng kilusang masa dahil sinadya’t adelentado nating itinulak ang sitwasyon sa ikalawang yugto.

Pwede bang sabihing wasto ang ating taktika sa unang yugto dahil naitulak natin ang reaksyonaryong estado na itransporma ang sarili sa isang pasistang diktadura? Ang pagkakabuo ng diktadurang ito’y nakapagpainam sa sitwasyon para sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ang tamang kongklusyon dito ay hindi ang pagkamatwid ng ating taktika kundi ang kabaluktutan ng ating prinsipyo kung ganito ang ating lohika.

Mula 1974-75, nagsimula nang bumawi’t bumangon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at kalunsuran. Ito’y sa pangunahing batayan ng anti-pasistang sentimyento ng masa. Mismo sa kanayunan, ang poot ng masa sa pasista’t abusadong militar ang pangunahing nagtutulak sa paglaganap ng suporta sa Hukbong Bayan. Tuluy-tuloy ang paglakas ng kilusan hanggang sa pumasok sa ikatlong yugto — ang panahon ng opensiba ng kilusang antidiktadura noong 1983.

Ano ang saligang taktika ng Partido mula nang ideklara ang batas militar hanggang sa sumiklab ang pag-agos ng kilusang antidiktadura?

Pagkadeklara ng batas militar, inisyu ng KS ang panawagang “Ibagsak ang Diktadurang US-Marcos”. Ito’y panawagan sa buong sambayanan na isulong ang armadong rebolusyon laban sa pasistang diktadura.

Sa dokumentong “Our Urgent Tasks”(OUT), ang pormulasyon ng ating taktika ay ang pagsusulong ng mga kilusang anti-pasista, kilusang anti-pyudal at kilusang anti-imperyalista bilang mapanlabang ekspresyon ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Inilinaw rin dito na sa tatlong kilusan, dapat ipauna ang kilusang anti-pasista. Ayon sa KS, dapat ikonsentra sa pasistang diktadurang Marcos — bilang pinakamakitid at pinakamahinang target — ang pinakamalawak at pinakamalakas na atake ng mamamayan.

Pero kagyat ring idinagdag ang pormulasyong: upang mapalalim ang kilusang anti-pasista, kailangang isulong ang kilusang antipyudal at upang ito’y maitaas, kailangang isulong ang kilusang anti-imperyalista.

Bandang 1978, naging sentro ng matinding tunggalian sa pagitan ng KT/MR at KT/KS ang tamang interpretasyon at aplikasyon ng mga pormulasyong ito sa OUT. Sa tunggaliang ito, iginiit ng KT/KS ang interpretasyon nito sa tamang taktika. Mula noon, ito ang buong higpit na ipinatupad sa buong panahon ng pakikibaka laban sa “USMD”, isang taktikang naglugmok sa kilusan sa kumunoy ng kasaysayan.

Ang mas tumampok sa debateng ito ng 1978 ay ang partikular na usapin ng boykot o paglahok sa eleksyong IBP. Pero kung babaybayin ang mga papeles, ang talagang pundamental na isyu ay ang usapin ng anti-pasistang pakikibaka at ang saligang taktika ng Partido sa panahong ito ng paghahari ng isang pasistang diktadura.

Iginiit ng KRMR ang katumpakan ng taktika ng paglahok sa eleksyon para sa rebolusyonaryong mga layunin. Higit rito, iginiit ng KRMR na hindi lang prinsipal ang kilusang anti-pasista kundi dapat buuin ang pinakamalawak na nagkakaisang prente sa batayang anti-pasista.

Ibig sabihin, wasto ang makipag-alyansa ang mga rebolusyonaryong pwersa kahit sa mga sekundaryong kaaway — ang tinatawag na mga reaksyonaryong anti-Marcos na kinabibilangan nina Ninoy Aquino, atbp. — sa batayan ng anti-pasistang pakikibaka.

Sa loob at labas ng malawak na anti-pasistang nagkakaisang prente, tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na dalhin ang linyang anti-imperyalista at anti-pyudal. Ang unang naging kongkretong ekspresyon ng alyansang ito ay ang elektoral na partidong LABAN na pinangunahan ni Ninoy Aquino na nabuo katulong ang KR/MR sa permiso ng KT/KS.

Walang habas na binatikos ito ng KT/KS bilang talamak na repormismo na ikinumpara sa pagkakamali ng mga Lava. Tumindig ang KS na mali ang paglahok sa eleksyon bilang taktika sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Idiniin rin nito na mali ang magbuo ng nagkakaisang prente sa batayan lang ng linyang antipasista.

Kailangang ito’y anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista. Ang prinsipal na kontradiksyon noon ay hindi sa pagitan lang ng pasistang diktadurang Marcos at mamamayan, kundi sa pagitan ng mamamayan at ang “tatlong ismo”.

Alinsunod rito, mali ang makipag-alyansa sa mga reaksyonaryong anti-Marcos sa batayang anti-pasista. Inilinaw rin ng KT/KS na ang mga reaksyonaryong anti-Marcos na gaya nina Aquino, Laurel, atbp., ay hindi sekundaryong kaaway kundi bahagi ng prinsipal na kaaway. Kaya’t hindi maaaring makipag-isang hanay sa kanila kahit sa batayang anti-pasista.

Higit sa lahat, ipinagkadiinan ng KT/KS na ang gawaing lungsod ay dapat pangunahing magsilbi sa pangunahing porma ng pakikibaka — ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Ang pagsuporta dito ang pangunahing tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan sa lungsod. Batay dito, ang taktika ng paglahok sa eleksyong IBP ay taliwas sa linya ng armadong rebolusyon at naglalayo sa masa sa landas ng armadong pakikibaka.

Ang “taktika” ng KS sa yugtong ito ng pakikibaka — walang bawas, walang kulang — ay ang mismong istratehiya ng DRB. At ito ang mahigpit nating ipinatupad sa buong ikalawang yugto, at hanggang sa ikatlong yugto — ang panahon ng pag-agos ng kilusang antipasista at pagbagsak ng pasistang diktadura, na naganap, hindi sa anyo ng digmang bayan mula sa kanayunan kundi sa porma ng popular na pag-aalsa dito sa lungsod.

Totoong tuluy-tuloy tayong sumulong sa ganitong “taktika”. Sa malaking bahagi ng kanayunan ay lumaganap ang ating pakikidigmang gerilya. Sa MR, mula 1975, ay unti-unti at pabugsu-bugsong lumalakas ang hayag na kilusang masa, at sa likod nito’y ang kilusang lihim. Pagpasok ng dekada ng 1980, nagsimula na ring sumiklab ang hayag na mga pakikibakang masa sa ibang sentrong lungsod ng bansa.

Bagama’t napakalawak ng anti-pasistang sentimyento ng mamamayan, walang mabuong malawak na nagkakaisang hanay laban sa diktadura. Sa pangkalahatan, di makaalpas ang ispontanismo ng mamamayan sa hayag na kilusang masa. Sa buong panahon ng ikalawang yugto, ang buong bigat ng pakikibakang antidiktadura sa pambansang saklaw ay pinasan ng mga rebolusyonaryong pwersa na pinakadeterminado’t pinakaorganisado sa paglaban.

Nagkaroon ng pagkakataon para sa anti-pasistang nagkakaisang hanay at ispontanyong pagsiklab ng kilusang masa laban sa diktadura noong 1978.

Sa MR, halos lahat ng pwersang laban sa diktadura ay nagsama-sama sa kampanya ng LABAN (bukod sa sirkulo nina Diokno at Salonga na boykot ang naging tindig). Masusukat ang bisa ng kampanyang anti-pasistang ito sa malawakang “Noise Barrage” ng April 6 na yumanig sa buong rehiyon at ispontanyong nilahukan ng daan-daang libong mamamayan.

Pinatunayan ng karanasang ito na ang malawak na impluwensya sa masa ay nasa kamay pa rin ng burges na oposisyon ngunit ang organisadong makinarya at determinadong pwersa ay nasa kilusang lihim ng Partido.

Nang magtulungan ang dalawang pwersang ito sa isang pampulitikang aktibidad na sumasangkot sa buong populasyon, kakaiba ang naging dinamismo ng laban at sumigabo ang ispontanismo ng mamamayan.

Pero maagang naunsyami ang anti-pasistang alyansang ito, hindi lang dahil sa kalituhan at antagonismong nilikha ng patakarang boykot ng KS, kundi dahil mahigpit nang ipinatupad ang “taktika” ng KS nang lansagin nito ang KR/MR matapos ang debate.

Mula noon, muling nagsariling kayod ang iba’t ibang pwersang anti-diktadura. Ang rebolusyonaryong kilusan ay matiyagang nagpalakas nang hakbang-hakbang at dahan-dahan alinsunod sa istratehiya ng DRB na ang diumano’y taktikal na ekspresyon ay ang mga kilusang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista.

Hindi na naulit ang oportunidad at pangyayaring gaya noong 1978 hanggang sa matapos ang ikalawang yugto. Nang magsimula ang ikatlong yugto sa asasinasyon kay Ninoy Aquino, biglang sumabog ang naipong poot ng mamamayan sa diktadura at umagos sa buong bansa ang hayag na kilusang masa.

Itinulak ng realidad ang Partido na palahukin ang organisadong pwersa nito sa malawak na kilusang anti-pasistang sumiklab at lumaganap matapos ang asasinasyon. Naobliga itong makipagrelasyon sa burges na oposisyon at sa ibang pwersang pampulitika. Ngunit hindi pa rin nito malunok na talikuran ang saligang taktikang iginiit nito noong 1978.

Bagama’t pana-panahon ay inuobliga ng realidad na makipagrelasyon sa burges na oposisyon, dadausdos at dadausdos pa rin ito sa orihinal nitong taktika na inoobliga ang iba na makipagkaisa sa komprehensibo at rebolusyonaryong linya ng Partido.

Dahil dito, ang sunud-sunod na nabuong masasaklaw na mga alyansa at organisasyon na sinalihan ng ating pwersa at tinangkang kubabawan, ay sunud-sunod ring nahati kundi man nalusaw. Ang pinakahuli rito ay ang pagbubuo ng BAYAN. Ito ang pagtatangkang kabigin ang tinatawag nating mga “liberal na demokrata” (LD’s) mula sa impluwensya ng mga burges na repormista (BR’s) at makipag-isang prente sa atin (ND’s) sa isang alyansa o konpederasyong programatiko ang katangian.

Nabigo ang ganitong pagtatangka. Sa araw ng pagbubuo ay bumaklas ang mga LD’s dahil sa maneobra nating pang-oorganisasyon at kagustuhang maigiit ang sarili nating linya. Naiwan na namang nagsasarili ang mga ND’s at halos walang kaalyadong signipikanteng pwersa bukod sa ilang independyenteng personalidad.

Ito ang pinakahuli nating pagtatangka na makabuo ng totoong nagkakaisang hanay ng magkakaibang pwersang pampulitika sa pambansang antas. Kaya’t sa 14 na taon ng pasistang diktadura — hanggang sa panahon ng rebolusyonaryong pag-agos, hanggang sa panahon ng bispiras ng pag-aalsa — ay bigo ang Partido na makabuo ng tunay na nagkakaisang prente na hindi ang sarili nating mga organisasyon lang ang kasali.

Ang saligang eksplinasyon dito’y wala tayong taktika at ang totoong iginigiit natin ay ang ating “istratehiya” — ang istratehiya ng DRB na kinakatawan ng islogang “Ibagsak ang Diktadurang US-Marcos at Itayo ang Demokratikong Gubyernong Koalisyon!”

Totoong sa ilalim ng islogang ito ay lumaki’t lumakas ang rebolusyonaryong kilusan sa buong kapuluan sa 14 na taon ng diktadurang Marcos. Katunayan, sa buong panahon ng ikalawang yugto — sa panahon ng paghupa’t pag-ahon — ang pwersa ng Partido, sa pangunahin, ang NPA, ang nangingibabaw na pwersang lumalaban sa diktadura na pambansa ang saklaw. At mismo sa kalunsuran, ang nangunguna sa hayag na kilusang masa ay mga rebolusyonaryong pwersa ng Partido.

Ngunit pagdating ng krusyal na panahon — nang sumiklab ang ispontanyong pampulitikang pakikibaka ng bayan, nang mahinog ang rebolusyonaryong sitwasyon, nang mismong ang mga gitnang uri ay maghimagsik, nang tuluyang sumabog ang antagonismo sa kampo ng reaksyon pati sa loob ng militar — sa madaling salita, nang sumapit ang bispiras ng pag-aalsa, napakadaling naagaw ng burgesya ang pamumuno sa antidiktadurang pakikibaka.

Tatlong taon lang ay nagawang isaisantabi ng burgesya ang may isang dekadang pangingibabaw ng Partido sa pakikibakang antidiktadura. Ang pinakamasaklap, ang pag-aalsa ng bayan ay ginamit ng burgesya kasabwat ang mga imperyalistang pwersa para isalba ang sistema sa kaparaanan ng pagbabagsak sa diktadura.

Ang saligang pagkakamali ay hindi pa ang partikular na taktikang boykot noong snap election ng 1986. Ito’y resulta lang ng mas pundamental at istorikal na pagkakamali: Ang pagbalewala sa saligang taktika ng pakikibakang anti-pasista at paggugumiit sa istratehiya ng DRB bilang kapalit.

Imbes na magpursigi na sumanib sa pangkalahatang kilusang anti-pasista nang hindi binibitiwan ang pagsusulong ng sariling independyenteng rebolusyonaryong linya ng pakikibaka — ang ginawa ng Partido ay pilit na pinasasanib at nilalamon ang anti-pasistang pakikibaka ng mamamayan sa sariling istratehiya ng anti-imperyalista at antipyudal na rebolusyon. Imbes na gumamit ng taktika para isulong ang “istratehiya”, ang mismong istratehiya ang ginawa nitong “taktika”.

Nang magliyab ang rebolusyonaryong sitwasyon ng 1983, nagsimulang maningil ang kasaysayan sa ginawa nating pagwaldas sa istorikal na oportunidad na ibinigay sa atin sa loob ng isang dekada.

Di natin nasamantala ang karuwagan ng burgesya sa panahon ng kaigtingan ng pasismo para siya’y lamangan ng milya-milya sa pamumunong pampulitika. Pagputok ng 1983, dahil di naihanda ang proletaryado at di napaghandaan sa punto ng taktika — ang beterano’t mas tusong uri, ang burgesya, ay napakadaling nasungkit ang pampulitikang pamumuno sa masa.

At imbes na mapalupaypay ang buong kampo ng reaksyon, nadugtungan ang buhay ng naghaharing sistema sa pamamagitan ng boluntaryong pagpuksa sa diktadura. Papunta pa lang ang mamamayan sa tagumpay ng 1986, palihim na itong ninakaw ng burgesya sa pagkaagaw nito noong 1983 sa liderato sa kilusang anti-pasista.

Katunayan, hindi ito kailangang nakawin dahil ito’y pinamigay ng Partido, isinuko ng Partido sa burgesya.

Isinuko dahil tumanggi tayong buuin, bilang taktikal na hakbang, ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-pasista, at sa loob at labas ng kilusang anti-pasista ay isulong, hindi lamang ang kilusang antipyudal at antiimperyalista kundi ang kilusang sosyalista ng masang proletaryo.

Ang leksyon ng 14 na taon ng pakikibaka laban sa pasistang diktadurang Marcos ay simple: Ang rebolusyon ay hindi piknik at lalong hindi rin ito baril-barilan. Ito’y labanan ng mga uri at ang labanang ito ay sa lahat ng larangan, ito’y habulan at sagupaan sa pasikut-sikot na mga iskinita ng pampulitikang pakikibaka. Dito pumapasok ang usapin ng taktika, ang usapin ng taktikal na mga islogan, at lahat ng rekisitos sa pagbubuo ng matinong taktika.

Isa rito ay ang pangangailangan sa obhetibo at eksaktong pagsusuri ng sitwasyong pampulitika, hindi ang makontento lang sa pagsusuri ng sistemang panlipunan, na kung tutuusin, ay mali rin ang ating pag-aaral.

Kung pinag-aralan lang natin nang maigi ang sitwasyong pampulitika noong 1972 sa pagsisimula ng ikalawang yugto, at noong 1983 nang magsimula ang ikatlong yugto, at tinantya ang mga posibilidad batay sa galaw ng mga uri at balanse ng pwersa, mahusay sana nating naikasa ang kamada ng mga rebolusyonaryong taktika.

Pero kahit mahusay nating napag-aralan ang mga pampulitikang prospek na tinutungo ng sitwasyon, barado ang ating mga mata sa masaklaw na dimensyon ng taktika dahil natatakpan ang ating pananaw ng bulgarisadong mga konsepto natin ng rebolusyon.

Kahit noong 1972, noong kadedeklara ng batas militar, dapat ay natantya na natin ang posibilidad — na bago natin maipon ang sapat na armadong lakas para lusubin ang kalunsuran at ibagsak ang pasistang diktadura — ay biglang mahinog ang sitwasyong pampulitika para gumuho ito nang di bumabagsak ang buong sistemang panlipunan, nang hindi nangangahulugan ng ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa paraan ng matagalang digmang bayan.

Noong 1983, sa gitna ng opensiba ng kilusang antidiktadura ng mamamayan at pagsiklab ng matinding antagonismo sa kampo ng reaksyon, dapat ay nasuri na natin, batay sa balanse ng pwersa — na malayong-malayo pa ang ating armadong kakayahang mang-agaw ng poder sa kaparaanan ng matagalang gera — na malamang na bumagsak ang pasistang diktadura sa ibang paraan, sa maraming paraan bukod sa paraan ng armadong pagkubkob sa lungsod mula sa kanayunan.

At batay sa mga pagsusuring ito ay nabalangkas sana ang kaukulang mga taktika at taktikal na islogang umaayon at tumutugon sa sitwasyon, mga taktika at islogang maglalagay sa rebolusyonaryong kilusan sa pinakapaborableng posisyon para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Halimbawa, noong panahong 1983-86, napakalinaw ng posibilidad na nalalapit na ang araw ng pagbagsak ng diktadura samantalang napakalayo pa ng ating armadong pakikibaka sa yugto ng istratehikong opensiba. Ngunit, sa kabilang banda, isa tayo sa pangunahing pwersang nakikibaka sa pasistang diktadura at malaking salik ang ating pwersa sa anumang senaryo kung ito nga’y maagang bumagsak.

Una, imbes na ipaggitgitan ang islogan ng pagbabagsak sa “USMD” — na ang pakahulugan natin ay pagbabagsak hindi lamang kay Marcos kundi pati sa imperyalistang dominasyon sa bansa — dapat ay itinaguyod natin ang isang islogang bumubukas sa posibilidad na ang pasistang diktadurang Marcos pa lang ang maibabagsak, at dito’y sinisiguro ang maksimum na bentahe at istratehikong pagpusisyon ng rebolusyonaryong kilusan laluna ang pagsusulong ng sariling linya’t plataporma.

Sa ganitong konteksto, ang “Ibasura ang Konstitusyong Marcos” at pagbubuo ng halal at representatibong “Constituent Assembly” na magbabalangkas ng bagong Konstitusyon ang dapat na maagang naipwesto.

Ikalawa, imbes na ipaggitgitan ang islogan ng “DCG” na imposibleng mangyari kung maagang babagsak ang diktadura bago natin maipon ang sapat na lakas upang maging dominanteng pwersa sa pagbubuo ng bagong gubyerno, dapat ay ang islogan ng “Provisional Revolutionary Government” ang ating maagang naipalaganap at naipaliwanag.

Ang “PRG” ang gubyernong transisyunal na may ispisipiko at limitadong trabahong baklasin ang pasistang makinarya ng diktadura; parusahan ang pangunahing mga pasistang kriminal at traydor sa bayan; ibasura ang Konstitusyong Marcos at ang pangunahing mga dikretong anti-mamaman at anti-nasyunal; at pangasiwaan ang eleksyon para sa representatibong “Constituent Assembly” at ang pambansang eleksyon para buuin ang regular na gubyernong alinsunod sa bagong Konstitusyon.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay dapat kabilang sa “PRG” sapagkat ang “PRG” ay dapat may katangiang koalisyon, at tayo’y isa sa pangunahing pwersang nagsakripisyo’t nagbagsak sa diktadura, at may kinakatawang sariling programang pampulitika at panlipunan.

Sa “PRG” na ito, hindi mali na makasama natin ang burgesyang naging bahagi ng pagbabagsak ng diktadura. Ang pagsasama sa loob ng PRG ay hindi nakabatay sa anumang programa de gubyerno dahil ito’y probisyunal at transisyunal.

Hindi plataporma ng alinmang partido o pwersang pampulitika ang batayan ng pagbubuo ng “PRG” kundi ito’y may ispisipiko at limitadong mga tungkuling dapat gampanan para ihanda ang transisyon sa pagbubuo ng bagong gubyernong hinalal ng mamamayan alinsunod sa bagong Konstitusyon.

Anumang oras ay pwede tayong bumaklas sa “PRG” kung ito’y lumalampas sa batayan ng kanyang pagkakabuo, mahuhuli sa akto ng pagpapakana laban sa Partido at mamamayan, at kung sa ating pagsusuri, ay lubos na nasa ating bentahe at ganap na napapanahon sa panibagong pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang eksaktong pagsanib o di pagsanib, at ang pagbaklas o di pagbaklas sa PRG, ay mga usapin ng panibagong taktika sa isang panibagong taktikal na sitwasyon.

Lahat ng taktikal na posibilidad at maneobrang ito sa bentahe ng rebolusyonaryong kilusan ay nabalewala dahil sadya nating binalewala.

Ito’y dahil sa paggugumiit ng ating suhetibong kagustuhan kahit kontra sa obhetibong kalagayan. Dahil ang gustong masunod ay ang istratehikong disenyo ng pagsulong na binalangkas noong 1968 gayong ibang-iba ang senaryong tinatakbo ng pag-unlad ng kilusang masa noong 1983. Dahil ang gusto mangyari ay “tapyasin” ang ispontanyong kilusang masa para magkasya sa “imported” na rebolusyong minamanupaktura ng Komite Sentral simula pa noong 1968 alinsunod sa Maoistang disenyo.

Sa rebolusyonaryong panahon na ito ng 1983-86, nagbunga ang lahat ng ating kalokohan, o mas tamang sabihing siningil tayo ng kasaysayan sa ating mga rebolusyonaryong kabulastugan.

Siningil tayo sa ginawa nating komprehensibong bulgarisasyon ng tamang relasyon ng kilusang masa sa armadong pakikibaka, sa tamang relasyon ng kalunsuran sa kanayunan, sa tamang relasyon ng mga taktika sa kabuuang “istratehiya”, sa tamang relasyon ng batas ng makauring tunggalian sa batas ng rebolusyonaryong gera, sa tamang relasyon ng organisasyon ng Partido sa mga organisasyon ng masa, sa tamang relasyon ng uring proletaryo sa masa ng sambayanan, sa tamang relasyon ng proletaryong rebolusyon sa rebolusyon ng bayan.

At malupit ang kasaysayan kung maningil. Mula 1986 ay patuloy tayo nitong kinastigo dahil patuloy ang pagtanggi nating magwasto.

Ang ikaapat na yugto, 1986 hanggang sa kasalukuyan.

Ang pagdausdos ng kilusan ay nagsimula hindi noong 1986 kundi 1983. Totoong noong 1983 hanggang 1986 ay ibayo pang “lumakas” ang rebolusyonaryong kilusan kung ang “paglakas” ay simpleng usapin ng pagbibilang ng pwersa o usapin ng militansya’t dahas ng pakikibaka.

Ngunit maling sukatin ang paglakas ng kilusan nang hiwalay sa sitwasyon ng ibang pwersang pampulitika sapagkat ang kabuuang balanse ng pwersa ang dapat tingnan at hindi ang ating independyenteng pag-unlad na sinusukat ang “paglakas” relatibo sa panahon ng paghupa.

Kumpara sa istratehikong paglakas ng burges na oposisyon sa panahong ito sa gitna ng pangkalahatang paghina ng pasistang diktadurang Marcos, hindi lang taktikal ang ating “paglakas” kundi nagsisimula na rin ang ating istratehikong pagdausdos dahil ang kabuuang pamumuno sa pakikibakang antipasista ay nakakamkam na ng burges na oposisyon mula sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Ang ganitong pangyayari — sa panahong may rebolusyonaryong sitwasyon — ay walang ibang implikasyon kundi ang di maiiwasang paghina sa pampulitikang posisyon ng rebolusyonaryong kilusan sa konteksto ng kabuuang pakikibaka ng sambayanan, implikasyong hanggang ngayon ay hindi natin masapol at maintindihan.

Hindi mangyayaring sisiklab ang popular na pag-aalsa ng bayan at sasabog ang marahas na antagonismo sa kampo ng reaksyon nang hindi man lang halos nakaimik ang mga rebolusyonaryong pwersa kahit ipagpalagay na napatunganga ang Komite Sentral sa pagkabigla. Kung talagang may sapat na paglaki’t paglago ang ating pwersa sa dakilang panahon ng rebolusyonaryong pag-agos — magkakaruon at magkakaruon ito ng sariling rebolusyonaryong dinamismo na indepedyente sa pampulitikang sentralismo ng Partido.

Anumang lakas at istrikto ng Partido na isentralisa ang rebolusyonaryong aktibidad ng masa sa ilalim ng kanyang komand at direktiba, ang rebolusyonaryong dinamismo ng masang nasa bispiras ng pag-aalsa ay kakawala’t kakawala sa sentralismong ito kung ito’y may umaapaw na paglaki’t paglago sa panahon ng rebolusyonaryong sitwasyon.

Mismo ang Partidong Bolshevik, sa kabila ng lalim ng taktikal na perspektiba ni Lenin, ay nagkukumahog sa paghabol sa umaalpas na rebolusyonaryong dinamismo ng masang proletaryado sa mga panahon ng pag-agos ng Rebolusyong Ruso. Ang dinamismong ito ang mismong kumakatok at kumakalabog sa pintuan ng Komite Sentral ng Bolshevik na gumising at pamunuan ang sariling uri, ang proletaryado sa opensiba laban sa reaksyon.

Sa ating karanasan, sa rebolusyonaryong sitwasyon ng 1983-86, walang ganitong dinamismo ang rebolusyonaryong pwersa. Ito’y di lang dahil sinakal ng “istratehiya ng digmang bayan” na ipinupuslit ng sentro bilang taktika, kundi dahil talagang di ito lumaki’t lumago sa antas na ang makinarya ng Partido ay magkukumahog upang ito’y isentralisa, sa antas na nilalampasan nito ang ating kapasidad na ikahon sa kumpas ng kilusang lihim sa lungsod at pakikidigmang gerilya sa kanayunan.

Ang ating taktikal na “paglakas” sa panahong 1983-86 ay hindi pumantay sa sukdulang potensyal na inaalok ng rebolusyonaryong sitwasyon. Dumoble lang ang ating pwersa gayong sa panahon ng rebolusyonaryong pag-agos ay walang kaparis na multiplikasyon ng hanay ang dapat sana nating narating at nagamit. Para lang tayo noong “namumulot ng nalalaglag na bunga” imbes na “namamakyaw” sa panahong hitik na hitik sa oportunidad ang sitwasyong pampulitika.

Kaya’t bagama’t patuloy na lumalaki ang mga rebolusyonaryong pwersa mula 1983, unti-unti namang ninanakaw ng burges na oposisyon ang napipintong tagumpay ng pakikibakang antidiktadura.

At nang sa wakas, umabot sa kasukdulan ang sitwasyon — biglang sumiklab ang pag-aalsa ng bayan, at bago tayo nahimasmasan, nakatakbo na ang pangkating Marcos. At habang nagbubunyi ang bayan sa dakilang pag-aalsa, at tayo’y namamalik-mata sa bilis ng mga pangyayari, pinakikintab na ng burgesya ang palsipikadong tagumpay.

Ang dapat sana’y isang dakilang rebolusyon sa sinapupunan ng pakikibakang antidiktadura ay natapos sa isang kontra-rebolusyon na nagsalba sa bulok na sistema sapagkat ang pwersang dapat ay magbagsak nito ay naroon sa gilid ng bangketa, nagmumukmok sa kabiguan.

Ito ang ating napala sa pagtatangkang kumontra sa agos ng kasaysayan, sa pagpupumilit na padaluyin ito sa madugong ilog ng digmaan, pamartsahin mula kanayunan papuntang kalunsuran gayong rumaragasa na ito sa lansangan ng pag-aalsang bayan.

Bumagsak ang diktadura ngunit kasama tayong lumagabog. Ang prestihiyo’t impluwensya ng kilusan laluna sa pulitikalisadong seksyon ay labis na naapektuhan habang ang mga pwersa sa lungsod ay mabilis na nanlupaypay. Habang minamantina natin ang “militansya” ng ating mga islogan, lalo naman tayong nagmumukhang bulalakaw na kahit sa pagbulusok ay kumikislap pa rin patungo sa kawalan.

Kung kailan nagkaruon ng demokratikong ispasyo, ay parang lalong sumikip ang ating paggalaw. At marami-rami rin ang bilang, nang masikatan ng demokrasyang burges, ay umurong sa sampayan, nagbago ng kulay o tuluyang namantsahan ng petiburges na pag-aalinlangan.

Maagap na nagtipon ang Politburo para lang aminin ang isang kapalpakan na alam na ng buong publiko — ang patakarang boykot — at pagbitiwin ang personal na dapat managot dito — ang Tagapangulo noon ng Partido. Katunayan, mainit pang pinagdebatihan ang patakarang ito sa pulong — nasa morge na ang bangkay ay gusto pang pulsuhan ng Politburo kaya’t walang nagawang awtopsya sa trahedyang inabot ng Partido.

Hindi nilagom ang karanasan, hindi tinumbok ang saligang kamalian. Walang nakita ang pamunuan ng Partido na pangangailangan para sa pundamental na pagbabago sa istratehiya, taktika at islogan. Mula noon hanggang ngayon, mag-iisang dekada na, ay walang naisulat ang pamunuan ng Partido o sinumang lider nito na istorikal na pagsusuri’t paliwanag sa penomenon ng Edsa at ang kakulangan ng Partido na maging pangunahing aktor kundi man direktor ng pag-aalsang ito.

Imbes na aminin ang istorikal na kabiguan, at ipaliwanag kung paano winaldas ang oportunidad na ibinigay ng kasaysayan, aroganteng idineklara ng bagong lider ng Partido na walang dapat panghinayangan sapagkat talagang hindi pa natin oras para manalo at sinumang nag-iisip na manalo nang mga panahong iyon ay ibang istratehiya ang nasa ulo at siguradong adelentado.

Abanteng subyugto pa lang naman daw tayo ng istratehikong depensiba kaya’t talagang wala tayong magagawa. Ang pamumuno sa pag-aalsa ay talagang di maiiwasang mapasakamay nina Aquino. Sa madaling salita, wala tayong isinuko. Talagang kanila ang pag-aalsang ito.

Ang sagad-sa-butong Maoistang ito ay mayruon pa ngang pananaw na lahat ng pag-aalsang magaganap ay tipong Edsa ang magiging makauring katangian at hantungan hangga’t ang ating matagalang digmang bayan ay di nakakarating sa yugto ng istratehikong opensiba. Anong talino ng taong ito at nahuhulaan na niya ang lahat ng pwedeng mangyari! Palibhasa’y armado ng Kaisipang Mao Zedong, ang taong ito’y daig pa ang may bolang kristal.

Walang dapat pagtakhan kung bakit matapos ang Edsa, walang pinagbago sa ating mga taktika, sa ating mga islogan kundi ang gawing US-Aquino ang US-Marcos, at noong 1992, palitan naman ng karatulang US-Ramos ang nakasabit sa leeg ng reaksyonaryong estado.

At ano ang ating rason sa ganitong permanenteng islogan: Bakit tayo magpapalit ng islogan gayong hindi naman nagbabago ang kalikasan ng reaksyonaryong estado. Ito’y di magbabago hangga’t di nagbabago ang reaksyonaryong sistema. At di magbabago ang sistemang ito hangga’t hindi nagtatagumpay ang matagalang digmang bayan. Kaya’t huwag mag-alala, walang magagawa ang mga reaksyonaryo kundi hintayin ang alipato ng digmang bayan sa lungsod mula sa kanayunan.

Hindi nga nagbabago ang makauring kalikasan ng reaksyonaryong estado at sistemang panlipunan pero tuluy-tuloy ang pagdausdos at pagbulusok ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa samantalang tuluy-tuloy ang pagpapanibagong lakas ng naghaharing sistema at konsolidasyon ng reaksyonaryong hanay.

Ang mga kaaway sa uri o ang naghaharing paksyon nito, ay mabilis na nakaangkop sa bagong sitwasyong pampulitika na iniluwal ng Edsa samantalang ang Partido ay dinaan sa tigas ng ulo ang lahat ng bagay pati ang usapin ng mga taktika’t islogan. Para bang tigasan lang natin ang rebolusyonaryong paninindigan ay hindi na tayo maigugupo ng kaaway.

Sa mahigit na anim na taon ng rehimeng Aquino, sunud-sunod ang malalaking pangyayaring pampulitikang naganap na hindi nakasabay ang Partido sa pamamagitan ng mga tamang taktika’t islogan. Mismo ang makinarya ng Partido ay hindi maagang umangkop sa bagong kalagayan upang sunggaban ang pagluluwag ng demokratikong ispasyo kumpara sa panahon ng pasistang diktadura.

Una’y ang PRG ni Aquino, at ang binuo nitong ConCon. Karugtong nito’y ang pagbabalangkas ng bagong Konstitusyon at ang plebesito para dito. Kasabay nito’y ang isyu ng kapayapaan, ang negosasyon sa pagitan ng GRP at NDF, ang “breakdown” nito at ang “Total War”. Sumunod ang mga eleksyong 1987 at 1988 na bahagi ng konsolidasyon at istabilisasyon ng pangkating Aquino at kabuuang reaksyonaryong estado. Bahagi rin ng panahong ito ang paglitaw ng RAM-YOU bilang isang hiwalay na pwersang pampulitika at ang mga tangkang kudeta noong 1987 at 1989. Panghuli ang eleksyong presidensyal noong 1992 na nagluklok sa pangkating Ramos.

Paano man binasa ng Partido ang kumplikadong sitwasyon matapos ang Edsa, at paano man umangkop ang mga taktika ng Partido sa pagbabago ng sitwasyon, isang bagay ang malinaw at depinido: Kahit pinuputakti ang rehimeng Aquino ng katakut-takot na problemang pang-ekonomya at pampulitika na malaking bahagi ay pamana ni Marcos, nagawa nitong lampasuhin ang rebolusyonaryong kilusan at paranasin ng walang kaparis na pag-atras.

Paano nangyaring ang “walang-alam” na misis ni Ninoy Aquino ay pinaliguan sa kabiguan ang kilusan gayong mayruon tayong ubud nang dunong na JoMa Sison sa Utrecht?

Ang mga pangyayaring ito ay dapat sapat nang magsalita kung anong kalibre o amining paltik ang ginamit nating taktika sa panahong ito. Dapat ay sapat na ang mga karanasang ito para matuto tayong magrepaso ng ating mga teoretikal at taktikal na balangkas. Pero hindi!

Nang ilabas ni Jose Ma. Sison ang kanyang “Reaffirm...” noong Disyembre 1991, ubud nang dunong na naman niyang ineksplika mula sa kanyang pugad sa Utrecht ang mga kabiguan ng kilusan at hinambalos ng sisi ang buong Partido bukod sa kanyang sarili.

Ang kanyang paliwanag, ang kanyang paglalagom: Hindi tayo naging tapat sa mga saligang prinsipyo ng Partido — lumihis tayo sa saligang prinsipyo ng matagalang digmang bayan, lumihis tayo sa saligang pagsusuri ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Ang kanyang solusyon: Muling pagtibayin ang mga saligang prinsipyong ito, isulong ang matagalang digmang bayan, manalig na malapyudal at malakolonyal ang ating lipunan, bumalik tayo sa ating pinagsimulan, bumalik sa 1968.

Naagaw ng burges na oposisyon ang pamumuno sa kilusang antipasista simula 1983 hindi pala dahil nagkulang tayo sa ating mga pampulitikang taktika kundi dahil nilabag natin ang estratehiya ng matagalang gera at lumihis sa malapyudal na pagsusuri ng lipunang Pilipino.

Naagaw ng burges na oposisyon ang pamumuno sa pag-aalsang bayan noong 1986 hindi pala dahil nagkamali tayo sa taktikang boykot at pinalpak ang pampulitikang mga taktika sa pakikibakang antipasista kundi dahil nilabag natin ang istratehiya ng matagalang gera at tinalikuran ang malapyudal na pagsusuri.

Dumausdos nang dumausdos ang rebolusyonaryong pwersa mula 1986 hanggang sa sulatin niya ang kanyang “Reaffirm...” hindi pala dahil hindi nakaangkop ang ating mga pampulitikang taktika sa bagong sitwasyon sa ilalim ng rehimeng Aquino kundi dahil nilabag natin ang istratehiya ng matagalang gera at malapyudal na pagsusuri.

Kung nagpursigi pala tayo sa matagalang gera at nanalig na tayo’y malapyudal, hindi sana nangyari ang mga kabiguang ito. Ano ang ibig niyang sabihin ng tamang pagsusulong ng matagalang digma sa mga panahong ito?

Ang esensyal na pinupuna niya sa “Reaffirm...” ay, una, ang wala sa panahong regularisasyon sa kanayunan, at ikalawa, ang insureksyunal na tendensya sa kalunsuran.

Ibig sabihin ni Sison, nang sumiklab ang antipasistang opensiba ng kilusang masa simula 1983, ang dapat pala nating ginawa ay nagpursigi sa malaganap na pakikidigmang gerilya sa anyo ng maliliit na pormasyong gerilya sa buong bansa.

Imbes na nagbigay pansin ang mga rehiyong aktibong nakasabay sa kilusang masa sa kalunsuran, dapat pala’y lalo nilang ikinonsentra ang pwersa sa kanayunan sa anyo ng maliliit na pormasyong gerilya at malaganap na operasyong gerilya.

Ipagpalagay na hindi ganito ang ipinatupad noong panahong iyon, at ipagpalagay na ang gusto niyang mangyari ang ipinatupad, ano ang inaasahan ni Sison noong 1986?

Inaasahan ba niyang pagdating ng 1986 ay nasa antas na ang digmang bayan ng istratehikong pagkakapatas o opensiba at magiging malaking salik sa popular na pag-aalsang bayan sa lungsod?

Kung siya’y nag-iilusyon na sasampa ang digmang bayan sa antas ng istratehikong pagkakapatas sa pamamagitan lang ng malawakang pakiki digmang gerilya ng maliliit na pormasyon, sasampa ng istratehikong antas nang di nagdadaan sa regularisasyon ng pormasyon at operasyon — si Sison ay isang heneral na pulpol. Kung siya’y may ganitong ilusyon, siya ang lumalabag sa istratehiya ng matagalang gera ng Maoistang kulto.

Pero huwag na nating patulan ang mga buladas ni Sison tungkol sa gera sapagkat wala siyang alam sa gera kundi buladas. Ang esensyal na punto ay ito: Ang kanyang “Reaffirm...” ang pinakamalinaw na pruweba’t testamento ng ating kongklusyon na lantay na istratehiya’t taktikang militar ang Maoistang paraan ng pagsusulong ng rebolusyon.

Mismo sa bagong sitwasyon matapos ang Edsa, sa buong panahon ng rehimeng Aquino, ang pagdausdos ng kilusan ay inugat ni Sison — hindi sa mga kakulangan sa pampulitikang mga taktika — kundi sa diumano’y mga paglihis sa istratehiya’t taktika ng digmang bayan. At ang kanyang solusyon sa problema ay mahigpit na tumangan sa istratehiya’t taktika ng pakikidigmang gerilya at hindi ng pampulitikang pakikibaka.

 

5. Binaybay natin ang mahabang karanasang ito ng rebolusyonaryong pakikibaka sa nagdaang dalawa’t kalahating dekada upang idiin ang isang pundamental na punto na sinalaula ng Maoistang konsepto ng rebolusyon.

Ang mga taktika ng Partido sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, sa pangunahin at sa esensya, ay pulitikal ang katangian sapagkat, sa pangkalahatan, ang pagsulong at pagsiklab ng rebolusyon ay magaganap sa kaparaanan ng pampulitikang pakikibaka ng mga pinagsasamantalang uri at inaaping mamamayan. Ang pangunahing larangan nito ay ang larangan ng pakikibakang masa, ang larangan ng tinatawag nating kilusang masa. Ang ating mga taktika, sa saligan, ay mga taktika ng pakikibakang masa, mga taktikang may katangiang kilusang masa.

Ang pakikibakang masa ay hindi simpleng usapin ng porma ng pakikibaka na ikinukumpara lang sa ibang pormang gaya ng armado o parlamentaryo at pinagpipilian kung alin sa mga ito ang pangunahin.

Dapat intindihing ito mismo ang saligang katangian ng rebolusyonaryong pakikibaka. Lahat ng ibang porma ng pakikibaka — armado at parlamentaryo, ligal at iligal — ay dapat sadyang nagsisilbi sa pagpapaunlad at pagsulong ng pakikibakang masa, ng rebolusyonaryong kilusang masa, ng pampulitikang kilusan ng iba’t ibang aping uri.

Ang armadong rebolusyon ang pagsulong ng pampulitikang pakikibaka sa marahas na antas. Ang armadong pakikibaka ay dapat ekstensyon ng pampulitikang pakikibaka, ang mataas na pag-unlad ng pampulitikang pakikibaka — sa ibang paraan, sa kanyang kasukdulan, sa armadong pag-aalsa o ganap na gera, sa marahas na pag-agaw ng kapangyarihan.

Sa pangkalahatan, ang pakikibakang militar ay hindi isang hiwalay, kapantay o kaagapay na porma ng pakikibaka sa pakikibakang masa kundi ekstensyon ng opensibang pagsulong nito sa mas mataas na antas o integral na bahagi sa kanyang depensibang kabuluhan.

Ang parlamentaryong pakikibaka ay ekspansyon ng teritoryo ng pakikibakang masa sa loob ng reaksyonaryong mga institusyon ng kaaway. Mapapasok ang larangang ito ng pakikibaka sa pwersa ng kilusang masa at pinapasok ito sa layuning ibayong palakasin at pagsilbihan ang pagsusulong ng pakikibakang masa sa labas ng parlamento.

Kung magkakaagapay nating isinusulong ang kilusang masa, armadong pakikibaka at parlamentaryong pakikibaka, ang sentral na pokus nito ay ang pagpapaunlad sa pakikibakang masa sa antas ng pampulitikang pakikibaka, sa anyo ng isang makapangyarihang kilusang pampulitika na ang layunin ay agawin ang estado poder sa kamay ng mga reaksyonaryo.

Ang Marxista-Leninistang konseptong ito ng rebolusyon ay ganap na sinalaula ng Maoistang bersyon ng rebolusyonaryong pakikibaka na nagbunga ng bulgarisadong mga taktika. Malinaw ito sa dalawa’t kalahating dekadang karanasan ng Partido, kung paano natin winaldas ang mga istorikal na oportunidad, hindi lang para mapagpasyang sumulong, kundi mapagpasyang magtagumpay sa demokratikong yugto ng pakikibaka at kumpletuhin ito sa rebolusyonaryong paraan.

Ang karanasan ng Rebolusyong Tsino ay isang kakaibang karanasang may sariling istorikal na konteksto na maling gawing unibersal na pormula para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa mga bansang gaya ng Pilipinas.

Mas masahol na kamalian kaysa pangongopya ng “istratehiya” ng matagalang digmang bayan ng Rebolusyong Tsino ang tangkaing iangat ito ni Jose Ma. Sison sa antas ng dogma, at sa proseso, ay ibulgarisa ang Marxista-Leninistang konsepto ng rebolusyong nakasandig sa teorya ng tunggalian ng uri at mga taktikang pulitikal na sumasalamin sa pag-unlad ng makauring tunggalian at sitwasyong pampulitika.

Sa partikular na kaso ng Rebolusyong Tsino, ang istratehiyang militar ni Mao ng matagalang digmang bayan ay hindi paglabag sa Marxista-Lenistang konsepto ng rebolusyon.

Matagumpay na isinulong ito ni Mao, sa ikatlo’t ikaapat na yugto ng demokratikong rebolusyong bayan sa Tsina, sa kalagayang nasa ganap na sitwasyong pandigma ang kanyang bansa. Militarisado ang buong kalagayang pampulitika. Armado ang saligang katangian ng labanan ng mga makauring pwersa. Ang makauri’t pampulitikang pakikibaka ay ganap na naitransporma sa anyo ng gera. Pero dapat isuksok sa kukute ng mga lokal na Maoista: Sa kabila ng ganitong sitwasyon, pulitikal ang pangunahing katangian ng saligang mga taktika ni Mao.

Ang saligang taktika ng Rebolusyong Tsino sa ikatlong yugto ng pagsulong nito ay ang pagbubuo ng Anti-Hapones na Pambansang Nagkakaisang Prente na tinampukan ng alyansa’t ng KMT ni Chiang at PKT ni Mao.

Ang istratehiya ng matagalang digmang bayan ay hindi ang “istratehiya” o taktika ng Rebolusyong Tsino o ng PKT. Ito ang istratehiyang militar ng Red Army sa kondukta ng gera laban sa Hapon. Ang saligang pampulitikang taktika ng Anti-Hapones na Nagkakaisang Prente ay nangangahulugan sa sitwasyon noon ng isang “Pambansang Gera ng Pagtatanggol sa Pananakop ng Hapon”. Sa gerang ito ang istratehiyang militar ni Mao ay matagalang gera.

Kahit sa ikaapat na yugto, tampok ang pulitikal na katangian ng saligang taktika ni Mao. Sa loob ng mahigit dalawang taon, ang pangunahing taktika ng PKT ay pulitikal — ang pagpasok sa negosasyong pampulitika para pagkaisahin ang bansa. Ang masalimuot na negosasyon sa pagitan ng KMT at PKT para sa pampulitikang pagkakasundo.

At ipinailalim sa taktikang pampulitikang ito ang kondukta ng gera. Sa panahong ito ng negosasyon, inilagay ni Mao ang PLA sa aktibong depensa. Umiskor nang umiskor, nag-ipon nang nag-ipon ng puntos pampulitika si Mao sa pamamagitan ng kanyang taktikang pampulitika. Mismo ang Yenan, sa unang pagkakataon, ay hinayaan niyang masakop ng hukbo ng KMT upang mailantad sa buong bayan na ang agresor at may gusto ng gera ay si Chiang Kai-shek.

Hanggang sa kanyang matantya na hinog na ang pampulitikang sitwasyon para sa todo-todong gera at pinal na opensiba. Noong 1948 ay inisyu ng PLA ang nag-iisa’t napakasimpleng panawagang “Ibagsak si Chiang Kai-shek!” Wala pang isang taon mula nang ipanawagan ito ay bagsak, kung sa ating lenggwahe, ang “diktadurang US-Chiang”.

Batay sa rebolusyong Tsino, eksepyunal ang ipinakitang galing at gilas ni Mao hindi lang bilang military strategist kundi political tactician. Ang problema ay ang kanyang mga pulpol na disipulong gaya ni Jose Ma. Sison na niromansa ang rebolusyonaryong gera sa Tsina imbes na ninamnam ang mga aral ng isang dakilang rebolusyong pampulitika.

Maipaparehas ba natin ang sitwasyon ng Pilipinas sa Tsina nang magsimulang manawagan ang Maoistang Partido ni Sison ng matagalang gera at simulan ito noong 1969? Huwag ipapalusot ng mga Maoistang panatiko ng lunatiko sa Utrecht na ang deklarasyon ng batas militar ay lumikha ng sitwasyong pandigma na maikukumpara sa sitwasyon ng Tsina.

Ayon kay Sison, ang imposisyon ng batas militar ay deklarasyon ng gera sibil laban sa mamamayan. Pero ang totoo’y nauna tayong nagdeklara ng gera laban sa reaksyonaryong estado na kinakatawan ng rehimeng Marcos nang ipanawagan natin ang paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa pagtatatag ng Partido noong Disyembre 1968.

Marso 1969, tatlong taon bago magbatas militar, itinatag ng Partido ang NPA at agad nang sinimulan ang matagalang digma. Ang batayan ng pagsusulong ng matagalang gera ay hindi ang batas militar kundi ang malapyudal at malakolonyal na pagsusuri ng lipunan.

Bandang 1970-71, plinano at ipinatupad na ng Partido ang proyektong MV Karagatan para sa malawakan at maigtingang pakikidigmang gerilya na ang eksaktong modelo ay ang matagalang digmang bayan sa Tsina. May pagtatangka pa nga tayong kopyahin ang Yenan ni Mao sa pagtatayo ng baseng gerilya sa NL.

Kung tutuusin, si Sison ang promotor ng wala sa panahong pagpapalaki ng pormasyon at regularisasyon ng hukbo dahil 1971 pa lang ay nagbuo na siya ng tatlong Pulang kompanya ng NPA sa Norte.

Ang deklarasyon ng batas militar ay sagot ng rehimeng Marcos sa lumalaking armadong banta sa reaksyonaryong estado mula sa NPA at mula sa MNLF, mga totoong armadong banta na kanyang sinangkalan para sa sariling pakana na magtagal sa paghahari.

Tama lang na sagutin ng kilusan at ng mamamayan ng armadong pagtatanggol at paglaban ang malawakang armadong panunupil at pasistang militarisasyon ng diktadurang Marcos simula 1972 hanggang 1986. At ang tamang porma nito ay ang malawakang pakikidigmang gerilya sa kanayunan at selektibong operasyong partisano sa kalunsuran.

Pero ito’y hindi sa balangkas ng istratehiya ng matagalang gera na pinagtibay at sinimulan noong 1968. Ito’y armadong pakikibakang ibinunsod ng batas militar, integral na bahagi ng pakikibakang antidiktadura at ekspresyon ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Hindi ito batay sa malakolonyal at malapyudal na pagsusuri ng lipunan. Pagtugon ito sa sitwasyong pampulitikang nilikha ng pasistang diktadura. Ito’y armadong pakikibakang nakapailalim sa saligang taktikang pampulitika laban sa diktadura. Hindi isang istratehiyang militar na siyang nagkukumpas ng ating mga pampulitikang taktika. Alinsunod ito sa dinamismo ng pakikibakang antidiktadura hindi sa dogmatismo ng bulgarisadong konsepto ng Maoistang rebolusyon.

Hindi natin magagawang harapin ng matitinong taktika ang bawat kumplikasyon at pagbabagu-bago ng sitwasyong pampulitika at pasikut-sikot ng rebolusyonaryong pakikibaka hangga’t hindi natin napupurga ang mga bulgarisado at dogmatisadong konsepto ng rebolusyong pamana ng Maoismo — laluna ang pinakagarapal na bersyon nito na gawa sa Utretch — na lubos na sumalaula sa materyalistang pananaw ng Partido sa pagbabagong panlipunan. Lahat ng ating natutunan sa loob ng Maoistang Partido ay kailangan nating repasuhin at patayuin sa pagsubok ng materyalistang pananaw ng Marxismo-Leninismo.

 

6. Bago tayo dumiretso sa diskusyon ng saligang mga taktika’t islogan sa kasalukuyang yugto ng pakikibaka at sitwasyong pampulitika, pasadahan muna natin ang ilang partikular na punto ng ating teoretikal at taktikal na balangkas na may katuturan sa ating paksa.

Una’y ang saligang pinagbago ng ating mga pananaw kaugnay ng Rebolusyong Pilipino.

Tinatanaw pa rin natin ang dalawang yugtong pagsulong ng Rebolusyong Pilipino, ang demokratiko at ang sosyalistang mga yugto ng pakikibaka. Gayunman, may saligang pagkakaiba ang mekanikal na “dalawang-yugtong” rebolusyon ng mga Maoista sa inililinaw nating Leninistang konsepto ng “patuloy na rebolusyon” (continuing revolution) mula demokratiko patungong sosyalistang rebolusyon.

Tinitindigan rin nating nasa demokratikong yugto pa rin tayo sa kasalukuyan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ito’y istorikal na yugtong hindi maaaring laktawan at kailangang kumpletuhin dahil ito mismo ang maghahawan ng landas at maglalatag ng kondisyon para sa sosyalistang rebolusyon.

Nasaan ang ating binabago?

Sa Maoistang “pambansa-demokratikong” balangkas: Una, prinsipal na inaako ng Partido ang direktang pamumuno at pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon. Ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino, laluna sa uring magsasaka sa kanayunan. Kapalit nito, isinasakripisyo ang pagsusulong ng sosyalistang kilusan ng uring manggagawa; Ikalawa, itinataya ang lahat-lahat sa katiyakan ng pagsiklab, pagsulong at tagumpay ng isang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. At dito lubos na isinasalalay ang kinabukasan ng sosyalistang rebolusyon. Isinasalalay ang kinabukasan ng sosyalistang proletaryong rebolusyon sa matagalang gera ng uring magsasaka sa kanayunan.

Hindi ganito ang Leninistang sosyalistang balangkas ng pagtanaw sa demokratikong mga tungkulin ng proletaryado at ng rebolusyonaryong proletaryong Partido sa istorikong yugto ng demokratikong rebolusyon.

Una. Bagama’t ang pangunahing tungkulin ng proletaryado sa yugtong ito ay pamunuan ang pagsasakatuparan at pagkukumpleto ng istorikong mga tungkulin ng isang demokratikong rebolusyon ng bayan, ang paggampan dito ng talibang partido ng uring manggagawa ay di nangangahulugang ang prinsipal niyang dapat asikasuhin ay ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan, laluna sa uring magsasaka, imbes na ang sariling proletaryong uri at hanay, ang sariling sosyalistang kilusan ng uring manggagawa.

Kahit sa istorikong yugto ng pagkukumpleto ng mga tungkulin ng isang demokratikong rebolusyon, ang pundamental at prinsipal na tungkulin ng proletaryong rebolusyonaryong partido ay ang pamumuno’t pag-oorganisa sa sariling uri at sariling sosyalistang kilusang makauri.

Ito’y sapagkat, tanging sa ganitong paraan — sa nangingibabaw na paglakas at pagsulong ng sosyalistang kilusang manggagawa — una, maitutulak ang ibang demokratikong uri, laluna ang uring magsasaka, sa rebolusyonaryong landas ng pakikibaka para sa demokrasya; at ikalawa, makakabig ang ibang demokratikong pwersa sa pampulitikang pamumuno ng uring manggagawa at pagsandig sa kanyang makauring kilusan.

Ikatlo — at ito ang pagtutuwid sa ikalawang kamalian ng “pambansa-demokratikong” balangkas — tanging sa ganitong paraan matitiyak na hindi nakasalalay ang pagsulong ng sosyalistang kilusan ng uring manggagawa at ng sosyalistang rebolusyon sa posibilidad ng pagsiklab o tagumpay ng isang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Inililinaw natin ngayon ang materyalistang pananaw na bagama’t dapat buung-buong pagsikapan ng mga proletaryong pwersa sa lipunan, ng kanilang sosyalistang makauring kilusan at rebolusyonaryong talibang partido na mapasiklab ang isang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas, at sa pamamagitan nito’y maitayo ang isang rebolusyonaryo-demokratikong gubyerno ng manggagawa at magsasaka (at iba pang demokratikong pwersa), ito’y isang bagay na walang pampulitikang kasiguruhang maisasakatuparan o maipagtatagumpay, laluna’t hindi ito ang sariling makauring rebolusyon ng proletaryado, at sa saligan, ay burges-demokratiko ang makauring kalikasan.

Wala itong katiyakan dahil hindi ito nakasalalay lang sa suhetibong pagsisikap at kapasyahan ng mga rebolusyonaryong pwersa kundi nakasalalay nang malaki sa paglitaw ng tunay na rebolusyonaryong sitwasyong magbibigay-daan upang ang pagsasakatuparan ng mga demokratikong tungkulin ng demokratikong rebolusyon ay maganap sa rebolusyonaryong paraan, at hindi sa paraan ng dahan-dahang reporma, hindi sa paraan ng ebolusyon ng burges na sistema.

Pangunahing salik dito ang panlipunang kalagayan ng magsasaka bilang uri at ang mga relasyong agraryo sa kanayunan bilang motibong pwersa at salik ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang rebolusyonaryong landas ng demokratikong pakikibaka ay nakikipag-unahan sa lumalaganap na paggapang ng burges na sistema sa kanayunan at sa disentegrasyon bilang uri ng pangunahing pwersa para sa isang demokratikong rebolusyon — ang masang magsasaka.

Kaya nga’t dapat lang ituring na isang istorikal na kapalpakan ang pagkakawaldas sa istorikal na oportunidad ng pakikibakang antidiktadura dahil nabigyan na sana tayo ng maliwanag na posibilidad na ang kilusang demokratiko sa bansa ay susulong sa rebolusyonaryong paraan at hahantong sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Maling-mali na lubos na itaya ang kinabukasan ng sosyalistang kilusan at rebolusyon sa pagsiklab ng isang demokratikong rebolusyon sa bansa sa kasalukuyang panahon.

Ang wastong hakbang ng isang rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay tiyakin ang pagsulong ng sosyalistang kilusan ng uring manggagawa anuman ang mangyari — sumiklab man o hindi ang demokratikong rebolusyon ng bayan, maganap man o hindi ang demokratikong pagbabago sa rebolusyonaryong paraan.

Dapat nating tanggapin ang obhetibong realidad na ang demokratikong pagbabago ng lipunang Pilipino bilang bahagi ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa panahon ng pandaigdigang dominasyon ng imperyalismo ay maaaring maganap sa paraan ng rebolusyon o sa paraan ng reporma. Ngunit ang pagsulong nito sa sosyalistang transpormasyon ay magaganap lamang sa paraan ng rebolusyon, sa paraan ng proletaryong rebolusyon.

Ikalawa’y ang pangangailangan sa konsistent na proletaryong paninindigang makauri ng Partido.

Ang makauring interes na kinakatawan ng proletaryong rebolusyonaryong partido ay walang iba kundi ang interes ng proletaryado. Handa at dapat nitong itaguyod ang interes ng ibang uri kung ito’y umaayon at konsistent sa interes ng uring manggagawa.

Ang makauring interes ng proletaryado ay mahahati sa dalawa: ang pagsusulong ng progresong panlipunan dahil inilalatag nito ang materyal na kondisyon ng sosyalismo at ang mas malayang pag-unlad ng tunggalian ng uri dahil pinabibilis nito ang oras ng sosyalistang rebolusyon.

Ang pampulitikang programa ng Partido ay dapat makauring programa ng proletaryado. Mismo ang minimum na programa ng pampulitikang programang ito ay dapat balangkasin mula sa punto de bista ng uring manggagawa. Ang pagsusuri ng Partido ng sitwasyong pampulitika, ang pagbabalangkas nito ng mga taktika, ang pagbubuo nito ng mga islogan at ang pagsuporta nito sa mga kahilingan ng ibang uri ay dapat isagawa sa perspektiba ng uring manggagawa.

Kailangang umalpas sa “pambansa-demokratikong” oryentasyon ng Partido at halinhan ito ng sosyalistang makauring pananaw, imantina ang makauring kamalayan sa pampulitikang relasyon at aktibidad ng Partido at liwanagin sa masang proletaryo ang kanilang makauring interes sa mahahalagang pangyayari sa lipunan.

 

7. Batay sa lahat ng natalakay, paano ang pagkakabalangkas ng mga taktika at islogan ng Partido sa kasalukuyang yugto ng pakikibaka?

Unahin natin ang pagsusuri sa sitwasyong pampulitika at mga posibilidad ng pag-unlad sa kagyat na hinaharap na pwedeng tantyahin.

Ang importansya ng internasyunal na sitwasyon at mga tunguhin dito ay may kakaibang bigat ngayon kaysa dati sa takbo ng kalagayan ng mga indibidwal na mga bansa. Ang internasyunal na kalagayan, laluna ang andar ng pandaigdigang ekonomya, ay malaking konsiderasyon ngayon kundi man mapagpasyang salik sa galaw ng mga bansa na nakikipagsabayan sa sariling mga panloob na presyur ng kani-kanilang lokal na sitwasyon.

Halimbawa, ang biglang siklab ng krisis sa Mexico, ang malaking lindol sa Kobe, o ang iskandalong pinansyal sa Baring’s Bank — ang ganitong mga tipo ng insidente — ay nagpapalukso sa nerbyos ng internasyunal na burgesya na agad kinakarkula ang implikasyon ng ganitong mga pangyayari sa takbo ng ekonomya ng mundo.

Pahigpit nang pahigpit ang interkoneksyon ng mga bansa at mabilis na hinihigop sa pandaigdigang sistema ng kapitalismo laluna sa ilalim ng bagong kasunduan sa GATT at binubuong WTO.

Kailangan pa nating palalimin ang pag-aaral, ipirmi ang mga kongklusyon at tantyahin ang impak ng kasalukuyang dinadaanang antas ng pag-unlad ng pandaigdigang sistemang kapitalistang dominado ng mga imperyalistang bansa. Ang mga asungot ng internasyunal na burgesya ay may ibinabando ngayon na “Triple Revolution”. Tungkol ito sa sabay-sabay na malalaking pangyayari sa pulitika, teknolohiya at ekonomya ng mundo.

Ikinukumpara nila ang kasalukuyang sitwasyon ng daigdig sa istorikal na panahon ng 1760-1830, nang mapaunlad ang steam engines, na binansagang “Industrial Revolution”, sa mga panahon ng 1880-1930 nang lumaganap ang paggamit ng elektrisidad. Ang nagaganap na mga pag-unlad sa teknolohiya at produksyon, laluna ang pag-unlad ng kompyuterisasyon at komunikasyon sa mundo, ay tinatawag naman nila ngayon na “Information Revolution.”

Anu’t anuman, malinaw sa empirikal na obserbasyon na sa pagbagsak ng USSR, ang US ngayon ay mas agresibo sa pampulitikang interbensyon pero nananatiling marupok ang ekonomya kumpara sa ibang imperyalistang bansang gaya ng Japan at Germany. Di rin maikakaila na may pangkalahatang pag-atras ang mga kilusang sosyalista sa maraming bansa bagama’t may mga indikasyong nagsisimula na muli ang kanilang pagpapanibagong-lakas. Ang “globalisasyon” ng ekonomya ng daigdig at ng bawat bansa na tinatampukan ng lumalawak na mga kalakalan at tumitinding mga kompetisyon ng mga bansa ang isa sa pinakamalinaw na tunguhin na kailangan pa nating matantya ang buong implikasyon sa Pilipinas at sa buong daigdig sa pagsusulong ng sosyalistang pakikibaka ng uring manggagawa at mga pambansang kilusang mapagpalaya.

Sa malao’t madali ay posibleng maging mapagpasyang salik ang internayunal na sitwasyong ito sa sitwasyong pampulitika sa Pilipinas habang pinabibilis ng rehimeng Ramos ang integrasyon ng ekonomya ng bansa sa pandaigdigang sistemang kapitalista at pinahihigpit ang pagsandig sa imperyalistang kapital.

Ang pundamental na kwestyon ngayon sa pambansang sitwasyon ng bansa ay: Makakamit ba o mabibigo—at sa paanong paraan—ang hinahabol na pang-ekonomya’t pampulitikang istabilidad ng bansa at ng kabuuang reaksyonaryong estado sa ilalim ng rehimeng Ramos? Anong posibilidad, at sa anong batayan, magagawang mapasiklab ang sitwasyong pampulitika sa darating na tatlong taon?

Noong 1986, nasa kasukdulan ang krisis ng reaksyonaryong estado bunga ng labing-apat na taon ng pagpapaigting ni Marcos sa mga panloob na kontradiksyon ng naghaharing sistema. Umaapaw sa antagonismo ang kampo ng reaksyon. Hating-hati ang hanay ng mga lokal na reaksyonaryo, bulabog ang relasyon ng US sa kanyang mga lokal na alipures, at tumagos ang antagonismong ito hanggang sa reaksyonaryong hukbo.

Nang sumiklab ang Edsa, imbes na sumabog ang reaksyonaryong estado, nalaglag ang mitsang pagsisindihan nito — si Marcos at ang kanyang diktadura. Pero lumuklok si Aquino sa ibabaw ng isang estadong siksik pa rin sa panloob na kontradiksyon na anumang sandali ay maaaring sumabog, mga antagonismong pinaiigting ng minanang krisis sa ekonomya.

Pero nagamit nang husto ni Aquino ang kanyang pampulitikang popularidad sa loob at labas ng bansa, habang patuloy namang winaldas ng Partido, hindi na lang ang mga oportunidad, kundi mismo ang naipong pwersa sa nagdaang mga dekada. Sunud-sunod ang mga pagtatangka sa kudeta ng mga karibal ng pangkating Aquino, pero dahil walang popular na suporta, at ang US ay sumaklolo kay Aquino, nabigo itong lahat.

Hindi lang nakaraos si Aquino sa krisis ng reaksyonaryong estado at sistema nang siya’y lumuklok sa poder. Naibsan niya nang malaki ang krisis na ito. Naisampa ang estado sa isang antas ng istabilidad dahil maagap niyang nalamangan sa maneobrahan o nabigyan ng matitinding bigwas ang mga pampulitikang pwersang nakahanay laban sa rehimen, kabilang ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Bukod sa kanyang mga pampulitikang maneobra — at konsolidasyon ng relasyon sa US — krusyal ang pangyayaring napigil ni Aquino ang pagsabog ng krisis sa ekonomya o naampat ang paglala nito sa antas ng isang ganap na krisis.

Nang ipasa ni Aquino ang poder kay Ramos, masasabing ito’y naagaw mula sa hukay — pitong taon mula nang ito’y maghingalo’t dumanas ng sunud-sunod na kombulsyon, at muntik nang mawarat dahil sa sariling panloob na mga kontradiksyon. Ang istabilidad na inabot ng reaksyonaryong estado noong 1992 mula sa krisis ng 1986 ay dapat ilista bilang mas kabiguan ng mga rebolusyonaryong pwersa kaysa tagumpay ng rehimeng Aquino.

Ngunit dapat idiin: naagaw man ito mula sa hukay, pasyente pa rin itong napupuluputan ng swero. Ang istabilidad nito’y maikukumpara sa medikal na deskripsyon ng “istableng kondisyon” ng isang kritikal na pasyente.

Hangga’t ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang atrasadong huthutan ng mga imperyalistang pwersa at naaagnas sa lahat ng klase ng kabulukan, hindi man ito sumasabog sa krisis, mananatili itong marupok sa kaibuturan at nakaratay sa kritikal na kalagayan na sa anumang sandali’t sa anumang dahilan ay maaaring dumanas ng kombulsyon at pumihit sa isang rebolusyonaryong sitwasyon.

Ang istabilidad ng isang atrasadong bansa at atrasadong sistema sa panahon ng imperyalismo ay maaari lang intindihin sa kanyang relatibong kahulugan at kailanman ay hindi ito makakaabot sa isang totoong istableng kalagayan hangga’t nasa ganitong katayuang panlipunan.

Kung ang obligasyon ni Aquino sa naghaharing uri ay iraos mula sa krisis ang naghaharing sistema, at sa partikular, ang reaksyonaryong estado sa pitong taong transisyon mula sa pasistang diktadura patungo sa lokal na bersyon ng demokrasyang burges, ang pampulitikang tungkulin naman ni Ramos ay ibangon ang sistemang ito mula sa pagkakaratay sa malubhang sakit ng istagnasyon at korapsyon sa lahat ng aspeto ng buhay panlipunan.

Ang susunod na pagsiklab ay hindi na direktang karugtong ng krisis ng 1986 na likha ng labing-apat na taong paghahari ni Marcos. Nalampasan na ito ng reaksyon sa pamamagitan ng pitong taon ni Aquino.

Ito’y isang krisis na hindi na maibubwelta pa sa panahon ni Marcos kundi isang krisis na walang ibang dapat managot kundi ang rehimeng Ramos. Ibubunga ito ng sariling mga patakaran at pakana, ng sariling kabulukan at kabuktutan ng rehimeng Ramos.

Makakaiwas lang ang bansa sa ganitong krisis kung kagyat na makakaalpas sa istagnasyon at makakaarangkada sa pang-ekonomyang pag-unlad. Ang problema, ang usapin ngayon ay hindi pa kung dadausdos ang ekonomya ng bansa kundi kung ito’y hindi makakabangon.

At kung tutuusin, hindi ito simpleng usapin ng makabangon, kundi kailangang makasabay ito sa pag-unlad ng mga kalapit at kaparehas na bansa. Ang kabiguan nitong makabangon, ang kabiguan nitong makasabay sa pandaigdigang kompetisyon, ang magpapadausdos at magpapabulusok sa ating ekonomya.

Para maimaneobra ni Ramos ang ekonomya sa kasalukuyang pandaigdigang kalagayan, kakailanganin niya ng pambihirang salamangka na sa ngayon ay wala tayong makitang paghuhugutan. Magkakasubukan sa paglusong ng Pilipinas sa malalim na dagat ng GATT. Sa usaping ito ng GATT o sa “global economics” ng rehimen obhetibong iinog ang mga makauring kontradiksyon sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika.

Habang tinatangkang ibangon ni Ramos ang bansa, nangunguna sa kanyang adyendang pampulitika ang isubsob sa mapagpasyang kabiguan ang mga rebolusynaryong pwersa. Sa huling pagsusuri, ito pa rin ang tinik sa lalamunan ng estado, ang tunay na dinamo na magpapasiklab sa sitwasyon — pasiklabin ang sitwasyon hindi para biguin ang pagbangon ng ekonomya kundi pasiklabin ang sitwasyon dahil sa kabiguan nitong bumangon.

Pero ang kagyat na usapin sa kasalukuyan ay paano makakabawi’t makakabangon ang rebolusyonaryong kilusan sa sarili nitong panloob at pampulitikang krisis. Isang napakakrusyal na usapin sa pagbabalangkas ng kasalukuyang mga taktika’t islogan ng Partido ang lubos at kongkretong maintindihan ang pekulyaridad at dinamiko ng kasalukuyang krisis ng rebolusyonaryong kilusan at ang usapin ng pagbangon, ang pangangailangan sa kagyat na pagbangon ng Partido. Ang anumang taktika’t islogan ng Partido ay di maiiwasang direktang nakaangulo sa usaping ito ng pagbangon at pagsulong.

 

(Note: Tatapusin pa ang sitwasyon ng reb. forces; update/analysis sa mga rebeldeng Moro at rebeldeng militar; burges na oposisyon; Batay dito, proposed tactics at tactical slogans.) [sic.]